Inday TrendingInday Trending
Natatakot Siyang Umamin sa Kasintahan na Siya’y Binabae; Wala Pala Siyang Dapat na Ikatakot

Natatakot Siyang Umamin sa Kasintahan na Siya’y Binabae; Wala Pala Siyang Dapat na Ikatakot

Hindi niya magawang maamin sa kaniyang kasintahan ang tunay niyang pagkatao at kasarian. Natatakot siya sa kung anong pupwedeng kahinatnan kung sakaling siya’y magtatapat dito.

Kahit na ilang buwan niya pa lamang itong nakakausap sa social media, alam niya sa sarili niyang iba na ang nararamdaman niya para sa kaniyang kasintahan. Ito ang klase ng taong gusto niyang madatnan sa bahay pagkatapos ng isang nakakapagod na araw.

Ito ang binatang si Carlo na nagiging si Carla tuwing gabi at kapag kausap niya ang kasintahang nakilala niya sa isang dating app. Taga-Cebu ang binatang ito na nagdulot sa kaniya nang taos pusong saya na noon niya pa hinahanap.

Sa katunayan, kitang-kita ng kaniyang mga binabaeng kaibigan ang pagbabago ng buhay niya simula nang makilala niya ang naturang binata. Kung dati’y palagi siyang tinatamad magtrabaho, ngayo’y maaga pa siya sa guwardya kung pumasok. Madalas na rin siyang tumanggi sa bisyo nilang pag-iinom at paninigarilyo dahil ayaw niyang madismaya sa kaniya ang sinisinta.

Kaya lang, kahit anong baliktad niya sa kaniyang utak, hindi siya makahanap ng tapang upang umamin sa binata. Kulitin man siya nitong sila ay magvideo call o magtawagan dahil gusto nitong marinig ang boses niya, hindi niya magawa dahil alam niyang mabibisto nito ang totoong kasarian niya.

Dahil dito, panay ang pagpapangaral ng kaniyang mga kaibigan sa kaniya na hindi na tama ang dahil ang bihis babaeng itsura niya ang palagi niyang pinapadala rito, pinagpatuloy niya pa rin ito.

“Basta walang sisihan, sister, kapag iniwan ka ng boylet na ‘yan, ha? Paniguradong masisira ang buhay mo kapag nadiskubre niyan ang sikreto mo!” sambit ng kaniyang kaibigan, isang hapon habang sila’y naghihintay ng taxi papunta sa kanilang trabaho.

“Paanong gagawin ko? Natatakot naman ako na hindi na niya ako kausapin kapag umamin ako sa kaniya!” tugon niya saka malalim na huminga.

“Naku, kung ako sa’yo, tapatin mo na siya! Mas maigi pang sa’yo niya marinig ang katotohanan kaysa sa iba niya pa malaman! Baka nakakalimutan mo, ha, may pakpak ang balita! Kahit nasa Makati ka at nasa Cebu siya, maaaring makarating sa kaniya ang lahat!” sagot nito habang bahagyang pinipingot ang tainga niya na lalo niyang ikinainis.

“Tinatakot mo lang ako lalo, eh!” singhal niya saka niya ito inirapan.

“Kung mahal ka talaga no’n, matatanggap ka no’n kung sino ka man! Wala kang dapat ikatakot kung sigurado kang mahal ka niya!” diretsahang sabi nito saka rin siya inirapan at sumakay sa tumigil na taxi sa kanilang harapan.

Buong araw tumakbo sa isip niya ang mga katagang sinabi ng kaniyang kaibigan.

“Tama nga naman siya, bakit ako matatakot sa kung anong pupwede niyang gawin? Kung mahal niya ako, matatanggap niya ako,” pagtatanto niya habang nakain mag-isa sa kantin ng kanilang kumpanya.

Ito ang dahilan para siya’y magpasiya nang magtapat dito. Pagkauwing-pagkauwi niya galing trabaho, agad siyang nagpadala ng mensahe sa binata. Sabi niya rito, “Tawagan mo ako, handa na akong magpakita sa’yo,” at laking gulat niya nang wala pang isang minuto, agad na itong nag-video call sa kaniya.

Tiningnan niya muna sandali ang sarili sa salamin. Wala siyang kahit anong make-up ngayon at lalaking-lalaki ang kaniyang mukha. Mahaba man ang buhok niya, hindi mapagkakailang siya’y isa ngang binabae.

“Bahala na,” sabi niya saka agad na sinagot ang tawag.

Ngunit siya’y labis na nagtaka na hindi man lang nagulat ang binata sa kaniyang itsura. Nakangiti pa ito sa kaniya at tila tuwang-tuwa na makita siya.

“Hindi mo man lang ba tatanungin kung sino ako? Bakit ganito ang itsura ko?” tanong niya.

“Bakit ko naman sa’yo itatanong ‘yan? Matagal ko nang alam kung sino ka at ano ang itsura mo. Marami kaya akong kaibigan d’yan sa Makati. Riyan ako nakatira dati, eh,” sagot nito na labis niyang ikinagulat.

“Kung alam mo naman palang binabae ako, bakit pinagpatuloy mo pa ang panliligaw sa akin noon? Hinayaan mo pang maging tayo!” pang-uusisa niya pa.

“Kailangan pa bang tanungin ‘yan? Syempre, mahal kita, eh. Kahit maging kuto ka man o leon, mamahalin pa rin kita,” nakangiti nitong sabi na talagang ikinataba ng puso niya, “Hindi mo ba ako pagbubuksan ng pintuan? Kanina pa ako nandito sa harapan ng bahay mo!” sabi pa nito dahilan para siya’y mapabalikwas at pagbukas niya ng pinto, naroon nga ang binata at siya’y agad na niyakap!

Iyon na ang naging simula ng matamis nilang pagmamahalan. Marami mang bumatikos at manghusga sa kanila, takip tainga nila itong hinaharap dahil alam nilang dalawang sila’y nagmamahalan at walang pinipiling kasarian ang pag-ibig.

Advertisement