Ayaw ng Dalaga sa Asong Pinoy na Bigay sa Kaniya; Ito Pa Pala ang Magliligtas ng Buhay Niya

Simula nang magkaroon ng sariling bahay si Emma, hindi siya nagdalawang-isip na mag-alaga ng mga aso tutal, wala naman siyang ibang makasama rito. 

Matagal na niyang pangarap ang mag-alaga ng aso. Bata pa lamang siya, palagi na siyang umuungot sa kaniyang ina na sila’y mag-alaga ng aso ngunit dahil ayaw nitong magkaroon ng dagdag na alagain, palagi siya nitong tinatanggihan.

Kaya naman ngayong malaya na siyang gawin kung anong gusto niya at may sapat na naman siyang pera upang makapag-alaga ng aso, tinupad na niya ang kaniyang pangarap.

Pagkabiling-pagkabili niya ng sariling bahay, agad siyang nagpunta sa pinakamalapit na petshop doon at nagtingin ng mga asong may lahi.

Nakursonadahan niya ang walong may lahing asong naroon dahilan para bilhin niya ang lahat ng iyon na nagkakahalaga ng halos isang daang libong piso. 

“Madam, nahiya pa kayo, kuhanin niyo na rin po itong si Buknoy. Wala man po itong lahi katulad ng mga nabili niyo, ito naman po ang pinakamatalinong aso na mayroon kami! Marami na po itong naligtas na tao, wala lang po talagang may gustong bumili dahil nga Asong Pinoy,” kwento ng bantay sa petshop habang pinapasok ng ibang empleyado ang mga nabili niyang aso sa kaniyang sasakyan.

“Ayoko mag-alaga ng aspin, eh, baboy kasi sa bahay ‘yang mga ‘yan saka mabaho. Baka mahawa pa ‘tong mga may lahing aso na binili ko,” tanggi niya habang tinitingnan ang naturang aso.

“Naku, madam, ibahin mo ‘tong si Buknoy! Marunong ‘tong dumumi sa banyo kaya nga hindi na namin ito nilalagay sa kulungan, eh! Kung aalagaan niyo rin po siya nang maigi, hindi siya babaho! Amuyin niyo po!” pangungumbinsi pa nito.

Advertisement

“Kung ganoon naman pala siya, bakit binebenta niyo pa sa akin?” pangbabara niya rito dahilan para mapakamot ito ng ulo.

“Bigay ko na lang po sa inyo, madam, wala na kasing mag-aalaga kay Buknoy, eh. Sa katunayan, pinauubos na lang po namin ang paninda naming aso tapos magsasara na po kami. Ngayong nabili niyo na ang lahat, siguradong titigil na po kami sa pagtitinda,” tapat nitong sabi sa kaniya, sinimulan na rin siyang dilaan ng naturang aso dahilan para kuhanin niya na rin ito.

Kinupkop man niya ang naturang aspin at pinapakain sa araw-araw simula noong araw na ‘yon, hindi naman niya ito binibigyang pansin kagaya ng mga may lahing aso.

Madalas niya rin itong palabasin sa kaniyang silid tuwing sumusunod ito sa kaniya habang hinahayaan niya pang umakyat sa kaniyang kama ang mga paborito niyang aso.

May pagkakataon pa ngang nakakaligtaan niyang papasukin ito sa loob ng bahay tuwing gabi at magdamag itong matutulog sa malamig na semento.

Kahit ganoon pa man ang ginagawa niya sa naturang aso, sabik na sabik pa rin itong makita siya na labis niya namang ikinaiinis lalo na kapag siya’y lulundagan o didilaan nito dahil nga paniniwala niya, marumi itong aso.

Isang araw, sa sobrang inis niya rito, hindi niya ito pinakain buong araw. Tahol man ito nang tahol, hindi niya ito pinapansin hanggang siya’y nakatulog na yakap-yakap ang mga asong may lahi na nakahiga rin sa kaniyang kama. Ngunit mayamaya, nagising siya sa tahol ng asong si Buknoy. Panay pa ang dila nito sa mukha niya na labis niyang ikinainis dahilan para kaniya itong pagbuhatan ng kamay.

Kaya lang, ayaw nitong tumigil kakatahol at dila sa kaniyang katawan dahilan para maisipan niyang kumuha ng pamalo. Pagbangon niya, roon niya lang napansing nababalot na pala ng usok ang kaniyang buong silid.

Advertisement

Sa sobrang pagkabigla niya, hindi niya magawang maigalaw ang kaniyang mga paa. Mabuti na lang, buong lakas na kinagat ni Buknoy ang kaniyang pajama. Nang maramdaman niyang hinihila siya ng naturang aso palabas, doon na bumalik ang ulirat niya at kaniya itong binuhat palabas ng kaniyang bahay. 

Kwento ng mga kapitbahay niyang nagtulong-tulong upang maapula ang apoy sa bahay niya, isa-isa raw inilabas ng aspin ang lahat ng kagamitan niya habang nagtutulong-tulong ang mga ito sa pag-iipon ng tubig.

“Kung ako sa’yo, alagaan mong mabuti ang matalinong asong ‘to. Ito ang magsasalba sa buhay mo kahit anong mangyari, hija. Saka, huwag kang matutulog nang may nakasalang kang sinaing!” pangaral ng kapitbahay niyang ginang dahilan para kaniyang mahigpit na mayakap sa unang pagkakataon ang naturang aso.

“Patawarin mo ako, Buknoy, ha? Pangako, simula ngayon, pantay-pantay ko na kayong mamahalin,” sabi niya sa aso habang siya’y dinidila-dilaan nito.

Matapos ang pangyayaring iyon, hindi na niya muling pinagmalupitan ang naturang aso. Pinapapasok niya na rin ito sa kaniyang silid at nakakatabi sa pagtulog kagaya ng ibang may lahing aso na mayroon siya.