
Wala nang Gana ang Padre de Pamilya sa Kaniyang Asawa; Hahayaan Niya na Lamang Bang Masira ang Kanilang Pamilya?
Nawawalan na ng gana ang padre de pamilyang si Anton sa kaniyang asawa simula nang maisilang nito ang kanilang bunsong anak na ngayon ay limang taong gulang na.
Bukod kasi sa hindi na ito nag-aayos ng sarili, madalas pa itong galit sa kaniya kahit sa napakaliit na dahilan na nagsasanhi ng halos araw-araw nilang pagtatalo sa harap ng kanilang mga anak.
Agad man nilang naayos ang bawat pagtatalo sa simpleng aksyong ginagawa ng kaniyang asawa katulad ng pagtitimpla ng kape para sa kaniya, paghahanda ng pagkaing babaunin niya sa trabaho at marami pang pagsisilbi para sa kaniya, hindi na niya maibalik ang dating kasabikang nararamdaman niya para rito.
May pagkakataon pang kahit alam niyang siya ang may kasalanan katulad noong nabasag niya ang paborito nitong baso, ito pa ang hinintay niyang pumansin at magsilbi para sa kaniya.
Sa katunayan, kung hindi lang talaga pasa kanilang tatlong anak na babae, hindi na siya uuwi sa kanilang bahay dahil panigurado, bunganga ng kaniyang asawa ang sasalubong sa kaniya na galit sa kanilang mga anak.
Ngunit isang araw, pagkagising niya, siya’y agad na nagtaka dahil alas sais na, wala pa ring lutong almusal ang kaniyang asawa. Wala rin siyang mainit na tubig na nakahanda para sa kaniyang paliligo, nakataob pa ang baunan niya ng pagkain, at gusot-gusot pa ang kaniyang uniporme dahilan para ganoon na lang siya magalit.
Buong akala niya’y nakatulog lang ito sa tabi ng kanilang mga anak, ngunit pagbukas niya ng pintuan ng silid ng mga ito, wala ang asawa niya rito.
“Saan ba nagpunta ang babaeng ‘yon? Sana naman kung aalis siya, gawin niya muna ang mga trabaho niya rito sa bahay! Hindi ‘yong pagkagising ko, wala pa lahat ng kailangan ko!” inis niyang sabi habang nagmamadaling magluto ng sinaing dahil isang oras na lang, kailangan na niyang pumasok sa trabaho.
“Sana kasi, papa, kumuha ka ng katulong. Hindi ‘yong ginagawa mong katulong si mama,” sabat ng kaniyang panganay na anak saka kumuha ng maiinom na tubig.
“Anong pinagsasasabi mo riyan?” tanong niya rito.
“Hindi mo pa rin ba nararamdaman, papa? Unti-unti nang nagbabago si mama dahil sa’yo,” seryoso nitong sagot na ikinabigla niya.
“Siya ang nagbabago, anak! Huwag mo akong sisihin! Palagi na lang siyang galit sa sa akin, palagi na lang bunganga niya ang sumasalubong tuwing uuwi akong pagod sa trabaho!” katwiran niya.
“Nagbabago siya dahil sa’yo, papa. Pagod din naman siya sa lahat ng gawing bahay at pang-aalila mo. Kulang na nga lang, pati buhok mo, siya pa ang magsuklay!” sigaw nito sa kaniya saka siya iniwan sa kusina, sa sobrang inis niya sa inasal ng anak, dali-dali niyang hinablot ang buhok nito at ito’y pinagmumura.
Pero siya’y biglang napatigil nang tumama sa paa niyang remote ng telebisyon.
“Bitawan mo si ate, kung ayaw mong magsumbong ako kay mama,” babala ng pangalawa niyang anak na may hawak na selpon.
“Sige, pagtulungan niyo akong lahat! Kampihan niyo ang nanay niyong demonyo!” sambit niya saka agad na binitawan ang panganay na anak.
“Paano naman siya hindi kakampihan, papa, kung gan’yan ka? Alam mo ba kung anong araw ngayon?” sagot pa nito sa kaniya habang yakap ang nakatatandang kapatid na umiiyak.
“Huling araw ng Oktubre, bakit?” sigaw niya rito.
“Wedding anniversary niyo ni mama, ‘di ba? Sa totoo lang, nag-ambagan kami ni ate para makapagliwaliw siya ngayon dahil alam naming hindi mo na naman maaalala ang araw na ‘to kagaya ng noong mga nakaraang taon! Mahiya ka naman sa mga ginagawa mo! Ikaw ang problema ng pamilyang ‘to!” sigaw nito sa kaniya saka agad na nagkulong sa silid kasama ang mga kapatid.
Doon siya labis na nabato. Paulit-ulit na tumatakbo sa isip niya ang lahat ng sinabi ng dalawang anak dahilan para siya’y makaramdam ng kirot sa puso.
“Sa pinakita ko ngayon sa mga anak ko, ako nga ang problema sa pamilyang ito. Wedding anniversary namin ng asawa ko, ito ang regalo ko sa kaniya,” iyak niya saka nagdesisyong tawagan ang asawa.
Nang malaman niyang nasa simbahan ito kung saan sila ikinasal, dali-dali siyang nagtungo roon.
“Hindi bale nang lumiban sa trabaho, huwag ko lang tuluyang mapabayaan ang pamilya ko,” sabi niya sa sarili habang nasa daan.
Pagkadating niya sa simbahan, sakto namang may nagtitinda ng mga bulaklak doon dahilan para bilhan niya ang asawa.
Nadatnan niyang umiiyak ito habang nagdarasal kaya ito’y tinabihan niya saka hinawakan ang mga kamay.
“Patawarin mo ako, Panginoon, hindi ako naging mabuting asawa at ama sa pamilyang nabuo naming dalawa. Hayaan mo akong bumawi Sa’yo at sa kanilang lahat. Pangako, mamahalin ko na sila nang wagas ngayon,” panalangin niya habang umiiyak.
Hikbi lang ng asawa niya ang tangi niyang naririnig noong mga oras na iyon. Pagkadilat niya, agad niyang binigay ang bulaklak sa asawa at ito’y niyakap. Labis din siyang humingi ng tawad dito saka ito hinalikan kagaya nang ginawa niya noong sila’y ikasal.
“Magsimula ulit tayo, ha?” sabi niya rito na sinang-ayunan nito.
Simula noon, muling naging masaya ang kanilang pamilya. Napatawad na rin siya ng kaniyang mga anak at siya’y muling ginalang ng mga ito na talagang nagpataba sa kaniyang puso.
“Kapag pumalya talaga sa responsibilidad ang padre de pamilya, maaaring masira ang pamilya. Mabuti na lang, maagang binuksan ng Diyos ang mga pikit kong mata,” masaya niyang sabi sa sarili habang sila’y sabay-sabay na kumakain ng meryenda.