Inday TrendingInday Trending
Puro Kalokohan ang Mayamang Lalaking Ito; Kailan Kaya Siya Matatauhan?

Puro Kalokohan ang Mayamang Lalaking Ito; Kailan Kaya Siya Matatauhan?

Nag-iisang anak at lumaking may gintong kutsara sa bibig si Klarence. Dahil nga siya’y solong anak lamang, lahat ng gusto niya ay binibigay ng kaniyang mga magulang simula pa lamang noong bata siya hanggang ngayong malapit na siyang ikasal.

Lahat na nga rin yata ng kalokohan ay nagawa na niya bago niya mapagdesisyunang ikasal sa dalagang nagtiis sa hindi niya magandang pag-uugali.

Nagawa na niyang tumikim ng pinagbabawal na gamot, magpaharurot ng kahit anong sasakyan sa mga express way, at makipag-away kung kani-kanino nang hindi man lang nakakaranasan na makulong dahil sa yamang mayroon ang kaniyang mga magulang.

Ngunit, ngayong may katandaan na ang mga ito, hiningian na siya ng mga ito ng kahit isang apo.

“Ayaw naming lumisan sa mundong ito nang walang nasisilayang apo mula sa’yo, anak,” sabi ng kaniyang ina habang ito’y umuubo-ubo pa, “Magbagong buhay ka na, bago pa kami tuluyang mawala. Pakasalan mo na ‘yong dalagang paulit-ulit kang pinapatawad, pakiusap,” dagdag pa nito saka hinawakan ang kaniyang mga kamay.

“Ilang apo ba ang gusto niyo, mama, papa? Kahit trentang apo, ibibigay ko sa inyo!” pagyayabang niya na ikinatawa naman ng kaniyang ama.

“Magpakasal ka muna, hijo,” payo nito dahilan para agad niyang alukin ng kasal ang kaniyang nobya.

Ilang araw lang ang lumipas, wala na siyang sinayang na panahon at agad nang nagpakasal sa dalaga. Pagkatapos na pagkatapos ng sermonya at salu-salo kasama ang kani-kanilang pamilya, agad na niya itong dinala sa kanilang silid at siniguradong kaniya itong mabubuntis sa unang araw ng kanilang pag-aasawa.

Siya nga ay nagtagumpay sa balak na iyon dahil pagkalipas ng ilang linggo, napag-alamanan na nilang nagdadalang-tao na ang babae na labis na ikinatuwa ng kaniyang mga magulang.

Kaya lang, paglipas ng dalawang buwan, binawian naman ng buhay ang kaniyang ina at sa sobrang kalungkutan, tatlong linggo lang ang nagdaan, sumunod na rin sa kabilang buhay ang kaniyang ama na talagang ikinadurog ng puso niya.

“Tutuparin ko ang pangako ko sa inyo, mama, papa, paparamihin ko ang lahi natin!” iyak niya habang pinagmamasdan ang mga bangang pinaglalagyan ng abo ng mga ito.

Ginawa niya nga ang pangako niya sa kaniyang mga magulang. Pagkasilang ng kanilang panganay na anak, nagpalipas lang siya ng ilang buwan, muli na naman niyang binigyan ng anak ang kaniyang asawa at ito’y nagtuloy-tuloy hanggang sa magkaroon na sila ng isang dosenang anak.

Sa dami ng responsibilidad na nakapatong sa kaniyang mga baliktad, dagdag pa ang kumpanyang iniwan ng kaniyang ama, siya’y labis na nakaramdam ng pagod na para bang gusto niya na lang ding sumama sa kaniyang mga magulang.

“Hindi, hindi ako dapat sumuko! Dapat muna siguro akong magliwaliw para bumalik ang lakas ko sa pagiging isang ama at may-ari ng isang kumpanya!” sambit niya sa sarili saka agad na nagtungo sa paboritong bar noong kabataan niya.

Pagdating niya roon, kilala pa rin siya ng mga bayarang babaeng naroon dahilan para siya’y lingkisan ng mga ito at siya’y mabaliw sa emosyong nararamdaman hanggang sa araw-araw na siyang dumidiretso rito pagkatapos ng kaniyang trabaho.

Kaya lang, sa hindi inaasahang pagkakataon, may isa siyang dalagang nabastos doon at siya’y agad na pinost sa social media. Doon nalaman ng mga tao na siya ang may-ari ng isang kilalang kumpanya dahilan para agad na mawala ang tiwala ng mga investors sa kaniya at bumagsak hindi kalaunan ang kaniyang kumpanya.

Ngunit, kahit na siya’y pinagmamakaawaan na ng kaniyang asawa’t mga anak na huwag nang pumunta sa bar na iyon, hindi pa rin natigil ang pagkabaliw niya sa alak at mga babae. Pinagbili niya pa ang ilang mga ari-ariang naiwan ng kaniyang mga magulang para lamang makasama ang mga babaeng iyon na gumamit ng masamang gamot at uminom magdamag.

Dito na siya tuluyang nahuli ng mga pulis. Nakitaan pa siya ng mga naturang gamot kaya siya’y nakulong kasama ang mga babaeng iyon.

Nang siya’y nasa kulungan na, roon niya lang napagtanto ang buhay na sinayang niya.

“Sigurado akong dismayado kayo sa akin ngayon, mama, papa. Napabayaan ko pa ang pamilya ko,” iyak niya.

Buong akala niya’y mabubulok na siya roon ngunit laking gulat niya nang siya’y tubusin ng kaniyang asawa gamit ang sarili nitong ipon.

“Paano mo nagagawang mahalin ako kahit ganito akong klaseng tao?” tanong niya rito.

“Mahal kita, Klarence, at ikaw ang ama ng mga anak ko. Kaya kung ayaw mong pati ako, sumuko sa’yo, maging responsable kang haligi ng tahanan,” seryoso nitong sabi dahilan para siya’y maiyak at ito’y yakapin.

Hindi na niya sinayang ang huling pagkakataong ito na bigay ng kaniyang asawa. Hindi man kasing alwan ang buhay nila ngayon kumpara noong may sarili pa siyang kumpanya, masaya siyang sa araw-araw, naaalagaan niya ang kaniyang mga anak at nasasaksihan niya ang paglaki ng mga ito nang wala siyang ginagawang kataksilan.

“Mama, papa, napapangiti ko kayo ngayon, ‘no? Sayang lang, ngayon pa ako natauhan kung kailan wala na ‘yong pinaghirapan niyong kumpanya,” pagsisi niya habang natingin sa malayo.

“Hindi pa huli ang lahat, mahal,” bulong ng kaniyang asawa saka siya niyakap patalikod na talagang abot tainga niyang ikinangiti.

Advertisement