
Inggit ang Ginang sa Buhay ng Kaibigan sa Abroad, Mas Inggit pala Ito sa Buhay Niya Rito sa Pilipinas
Inggit na inggit ang ginang na si Donna sa kaniyang kaibigan. May maayos man siyang bahay, may malulusog na tatlong anak, at may masipag na asawa, hindi niya pa rin maiwasang hindi pangarapin ang buhay na mayroon ang kaibigan niyang nagkaroon ng oportunidad na makapagtrabaho sa abroad bilang chef.
Bukod kasi sa pangarap niyang makapagtrabaho sa ibang bansa, nakikita niya pa kung paano gumanda ang buhay nito.
Kung dati ay parehas lamang silang nakatira sa tabing dagat, walang kasiguraduhang pagkain para bukas at luma at kupas ang mga damit, ngayo’y ibang-iba na ang takbo ng buhay nito. Nakabili na ito ng sariling bahay para sa kaniyang pamilya at isa pang bahay para sa sariling mga magulang, palaging puno ang bago at high-tech na refrigerator na madalas nitong binabahagi sa social media, at naggagandahan pa ng mga suot nitong damit na halatang mula sa mga mamahalin na mall.
Dagdag pa rito, nagawa rin ng kaibigan niyang ito na pag-aralin sa isang kilalang unibersidad sa Maynila ang mga anak habang siya, hindi man lang niya mapag-aral sa libreng unibersidad sa kanilang lalawigan ang kaniyang panganay na anak dahil wala siya ni singko kahit pambili ng uniporme’t mga gamit nito.
Ito ang dahilan para halos araw-araw, palagi niyang abangan ang mga post nito sa social media at pangarapin ang buhay na mayroon ito. Kung hindi nga siya siguro nakakasagap ng internet sa kapitbahay nilang jumper naman ang kuryente, siguro’y hindi niya magagawang subaysabayan na para bang teleserye ang buhay nito.
Sa sobrang inggit niya rito, nang makita niyang may niregalo itong laptop para sa panganay na anak, hindi na niya napigilang magkomento sa post nito. Sabi niya, “Sana all mayaman at may kakayahang bilhan ng mamahaling gamit ang anak.”
Buong akala niya’y dededmahin lang siya ng kaibigan niyang ito dahil nga matagal na silang hindi nagkukumustahan pero laking gulat niya nang siya’y replyan nito sa komento.
“Usap tayo!” sabi nito saka agad na tumawag sa kaniya, “Buhay ka pa pala, Donna! Ano nang balita sa’yo?” masaya nitong bungad, hiyang-hiya pa siyang ipakita ang mukha rito dahil halata sa itsura niya ang hirap na kinahaharap sa buhay.
“Ayos naman, balita ko mayaman ka na, ha?” sagot niya rito na ikinatawa nito.
“Mayaman nga ako, malayo naman ako sa pamilya ko,” seryoso nitong tugon, “Sa totoo nga lang, ‘yong mga simple mong post tungkol sa mga anak mo, sobra kong kinaiinggitan. Kasi ni minsan, hindi ko nagawang kuhanan ng litrato ang mga anak ko dahil palagi akong wala sa tabi nila. Sa pamamagitan na lang ng mga materyal na bagay ako nakakabawi sa kanila na napakasakit para sa isang ina,” dagdag pa nito saka biglang humagulgol na labis niyang ikinagulat.
“Hoy, ano ka ba? Huwag ka namang umiyak nang gan’yan!” saway niya rito dahilan para bahagya itong mapatigil sa pag-iyak.
“Tuwang-tuwa nga ako nang mag-komento ka sa post ko, Donna. Naisip ko, sa wakas, may mapaglalabasan na ako ng mga hinaing sa buhay,” hikbi nito na talagang ikinatahimik niya.
Doon niya naisip na kung tutuusin, swerte pa pala ang buhay na mayroon siya. Hirap man at walang kasiguraduhan ang buhay na mayroon siya, araw-araw naman niyang kasama ang kaniyang buong pamilya. Nagagawa niya pang subaysabayan at gabayan ang paglaki ng kaniyang mga anak kahit wala siyang maibigay na mga materyal na bagay sa mga ito.
“Gusto bang mag-aral ng anak mo sa kolehiyo, Donna? I-enrol mo na siya, ako na bahala sa baon, uniporme, at sa lahat ng gastusin niya,” sabi nito habang nagpupunas ng luha sa mga mata. “Seryoso ka ba riyan?” gulat niyang tanong dito.
“Oo, bayad ko ‘yon sa pakikinig mo sa akin ngayon. Sinalba mo ako sa depresyon,” sagot nito saka pinakita sa kaniya ang taling nakasabit na sa kisame ng bahay nito.
“Hoy, tanggalin mo ‘yan!” kabado niyang utos dito.
“Basta tatanggapin mo ang alok ko sa anak mo, ha?” wika nito na agad niyang sinang-ayunan dahilan para kalasin nito ang taling nakasabit at ito’y putul-putulin sa harapan niya.
Dito na siya unti-unting nagkaroon ng pag-asa sa buhay. Bukod sa napag-aral na nito ang kaniyang anak, halos buwan-buwan pa itong nagpapadala ng kaunting pera sa kaniya panggastos. Linggo-linggo niya rin itong kinakausap na talagang ikinasasaya nito.
Ilang taon pa ang lumipas, tuluyan na nga nakapagtapos ng pag-aaral ang kaniyang anak at ito’y kinuha na rin ng kaniyang kaibigan sa abroad upang doon magtrabaho na talagang nagpaalwan ng kanilang buhay.
“Marami talagang salamat sa’yo!” iyak niya rito nang minsan niya itong tawagan.
“Mas maraming salamat sa’yo, Donna! Kung hindi dahil sa’yo, hindi ko magagawa ang lahat ng ito!” masayang tugon nito na ikinataba lalo ng puso niya.