Inday TrendingInday Trending
Mura ang Upa ng Kwartong Tinutuluyan ng Binata; Ano ang Misteryosong Kwento sa Likod Noon?

Mura ang Upa ng Kwartong Tinutuluyan ng Binata; Ano ang Misteryosong Kwento sa Likod Noon?

“Dalawang libo lang po isang buwan? Kasama na po ang tubig at kuryente?” hindi makapaniwalang tanong ni Joey sa babaeng nagpaparenta ng kwarto.

“Oo, hijo. Hindi ba’t naghahanap ka ng murang rerentahan? Mayroon pa kaming isang bakanteng kwarto, pwedeng-pwede ka roon,” anito.

Nagtataka man ay agad siyang pumayag. Kung palalagpasin niya pa kasi ang pagkakataon, siguradong hindi na siya makakahanap pa ng ibang kwarto na ganoon kababa ang bayad. Swerte nga siya dahil napakalaki ng matitipid niya dahil sa mababang renta.

“Bahala na kung maliit man ang kwarto o madumi. Ang importante lang naman ay may matutuluyan!” Iyon ang nasa isip ng binata habang binabagtas nila ang daan papunta sa silid na rerentahan niya.

Napanganga si Joey nang makita niya na ang kwarto. Malayong-malayo kasi iyon sa inaasahan niya. Malinis iyon at maluwang.

Pakiramdam niya ay nanalo siya sa lotto. Sino ba namang mag-aakala na dalawang libo lang ang renta niya para sa kwarto?

“Ano? Kukunin mo ba?” untag ng kasera.

“Opo! Kukunin ko!”

Kitang-kita niya na tila nakahinga nang maluwag ang kasera. Naisip tuloy niya na marahil ay matindi ang pangangailangan ng ginang para paupahan ang silid sa ganoong kamurang halaga.

Papasok na sana siya sa kaniyang tutuluyan nang mamataan niya ang isang matandang halatang hirap sa pagbitbit ng mga pinamili nito.

“Magandang umaga po! Tulungan ko na po kayo riyan,” aniya nang malapitan ang matanda. Kinuha niya ang bitbit nito.

“Naku, salamat!” anito saka siya tinitigan nang maigi, tila kinikilala siya.

“Bago ka lang ba rito? Parang ngayon lang kita nakita,” puna ng matanda.

Tango ang naging sagot niya saka itinuro ang kwarto kung saan siya tumutuloy.

“Opo, kakalipat ko lang po kaninang umaga. Diyan po ako sa kwarto na ‘yan tumutuloy. Kung may kailangan man po kayo, pwedeng-pwede niya akong katukin kahit na anong oras,” alok niya dito.

Ang ngiti ng matanda ay unti-unting napalitan ng pag-aalala.

“Ganun ba? Ikaw pala ang bagong lipat diyan… Matagal na kasing bakante ‘yan kaya hindi ako sanay. Sigurado ka na diyan ka tutuloy? Mayroon akong kakilalang landlady sa kabilang building. Pwede ka naman doon maghanap ng kwarto,” suhestiyon nito.

Agad siyang binalot ng pagtataka.

“Salamat po, pero ayos na po ako rito. Sobrang swerte ko nga po kung tutuusin, ang ganda ng kwarto pero ang mura lang ng renta. Bakit ko naman po gugustuhing umalis pa?” takang tanong niya dito.

Ilang segundo itong nanahimik, tila nag-alangan pang sagutin ang tanong niya.

“Sa totoo lang kasi, hindi naman ikaw ang una at huli na nagtangkang tumira sa bahay na ‘yan. Marami na kayo pero lahat sila hindi nagtatagal. Ang iba, isang araw lang ang itinatagal dahil hindi raw nila kaya manatili talaga,” pagkukuwento nito.

“Talaga po? Ano raw pong dahilan?” interesadong tanong niya.

“Pare-pareho lang ang kwento nila. Mayroon daw kasing multong nagpaparamdam tuwing gabi. Hindi sila makatulog nang maayos kaya pinipili na lang nila lumipat dahil sa takot. Dahil kumalat ang kwento, wala na tuloy gustong tumuloy. Kaya siguro pinarentahan na lang nang mura para hindi gaanong malugi ang may-ari,” pagpapatuloy nito.

Unti-unti siyang tumango. Sabi niya na’t may dahilan sa likod ng hindi kapani-paniwalang renta!

Nginitian niya ang matanda.

“Pasensya na po kayo pero hindi po ako naniniwala sa mga bagay na hindi ko naman nakikita kagaya ng multo. ‘Wag ho kayong mag-alala, hindi ako matatakutin,” natatawang tugon niya sa matanda.

Nailing na lang si Joey nang makapasok siya sa kaniyang kwarto. May mga tao talagang todo ang paniniwala sa mga katatakutan!

Ipinagsawalang bahala niya ang narinig. Gaya nga ng sinabi niya, bakit niya tatakutin ang sarili sa isang kwento na wala namang patunay?

Sumapit ang gabi. Ikinatuwa ni Joey na tahimik ang paligid.

Nang matapos niya ang trabaho ay isinara niya ang kaniyang kompyuter saka siya dumiretso ng higa sa kama.

Nakatitig siya sa kisame nang makarinig siya ng mahihinang kaluskos sa paligid.

Noong una ay inakala niya na galing lang iyon sa bintana na bahagyang nakabukas, kaya hindi niya na iyon pinansin. Ngunit ang mga kaluskos ay unti-unting naging boses ng babae na umiiyak. Doon na siya napatayo mula sa higaan.

Sa unang pagkakataon ay tumaas ang balahibo niya sa takot nang marinig niya ang mga mga katagang “Tulungan mo ako…” mula sa kung saan.

Naalala niya ang kwento ng matanda kanina. Hindi kaya totoo ang multo? Dahil kung hindi, ano itong naririnig niya ngayon?

Lalabas na sana siya ng kwarto nang may mahagip ang kaniyang mga mata mula sa isang maliit na butas sa dingding. Kahit takot ay sinubukan niya itong lapitan at ganoon na lang ang panlalaki ng mata niya nang makita niya ang isang maliit na speaker.

Nang ilapit niya sa tenga niya, doon niya nakumpirmang doon nga galing ang nakakatakot na tunog.

Napapikit na lang siya sa inis pagkatapos ay lumabas ng kwarto para katukin ang kapitbahay na siyang may pakana ng lahat. Agad din namang sumilip ang isang babae pagkatapos ng ilang minuto.

“Anong kailangan mo?” pat*y-malisyang tanong nito.

Ipinakita niya rito ang hawak niyang speaker. Nanlaki ang mata nito nang mapagtantong nahuli niya ang kalokohan nito.

“Nahuli na kita. Bakit mo ginagawa ‘to? Hindi mo ba alam na ang daming naapektuhan dahil sa ginagawa mong pananakot sa iba? Isusumbong kita sa may-ari para ikaw ang mapaalis,” litanya niya saka inis na naglakad paalis.

“Sandali lang!” pigil nito sa kaniya.

Inis na binaling niya rito ang tingin, naghihintay ng eksplanasyon mula rito.

“Pasensya ka na. Ginawa ko lang naman iyon para protektahan ang sarili ko. Nadala na kasi ako sa mga nagiging kapitbahay ko na pulos manyakis. Kita mo ‘yung butas kanina? Ginawa ‘yun ng dating tenant para silipan ako. Matagal niya na palang ginagawa pero hindi ko napansin,” pagkukuwento nito.

“Tapos ‘yung sumunod sa kaniya, mas malala. Sinubuka niyang pumasok sa kwarto ko, mabuti na lang at wala ako sa bahay!” nanlalaki ang matang salaysay nito. May bahagya pang bakas ng takot sa maamo nitong mukha.

“Naiintindihan ko na kung bakit mo nagawa ito, Miss,” pakikisimpatya niya. “Pero bakit hindi mo sinumbong sa may-ari? Kesa ‘yung nananakot ka. Maapektuhan pa niyan ang kita ng may-ari, eh,” nakangiwing usisa niya.

“Nagsumbong ako. Ang sabi hayaan ko na lang tutal hindi naman ako nasaktan. Syempre kailangan kong gumawa ng paraan,” nakayuko nitong salaysay, bakas ang hiya at pagsisisi sa mukha.

Natahimik naman si Joey dahil sa narinig. Nakaramdam siya ng awa sa dalaga. Hindi rin biro ang pinagdaanan nito. Marahil ay takot na takot ito kaya nito nagawa ang ganoon. Nais nga lang naman nito protektahan ang sarili.

Nadismaya tuloy siya sa kasera nila na hindi man lang ito tinulungan noon.

“‘Wag kang mag-alala. Hindi ako masamang tao. Mapapagkatiwalaan mo ako,” nakangiting wika niya.

Bilang patunay ay inayos niya ang butas sa dingding na sinasabi ng babae. Ayaw niya na may agam-agam pa rin ito. Todo ang pasasalamat ng babaeng nagpakilala na si Angel.

“Salamat, Joey! Siguro kung may tumulong lang sa akin noon gaya ng ginawa mo, baka hindi ako nauwi sa pananakot,” malungkot na pahayag ng dalaga.

Doon nagtapos ang “kwentong multo” ni Joey.

Dahil sa nangyari, naisip niyang maaaring hindi nga totoo ang multo pero may mga bagay na mas nakakatakot pa roon—ang pagsasawalang bahala sa paghingi ng tulong ng iba, gaya ng naranasan ni Angel.

Advertisement