Hindi Boto ang Dalaga sa Lalaking Ka-chat ng Kaniyang Kaibigan; Ano ang Magpapabago sa Isip Niya?

Panay ang hagikhik ng kaibigan niyang si Alyssa. Aba’y tila ito kinikiliti kung makangiti!

“Ano ‘yan?” usisa ni Keena sa kaibigan.

“May na-meet ako sa Facebook. Si Cesar,” malawak ang ngiting sagot nito.

“Mabait. Saka vibes na vibes kami,” sabi pa nito.

Natawa na lang siya. Ang totoo ang nakokornihan siya sa mga chat-chat. Hindi siya naniniwala na pwede siyang makahanap ng disente lalaki sa Facebook, na siyang gamit ngayon ni Alyssa.

“‘Wag mo nang sayangin ang oras mo riyan. Baka kung sino-sino lang ang makilala mo niyan,” payo niya. Ayaw niya rin naman na masaktan na naman ito ng kung sino.

Ngunit hindi ito nakinig sa kaniya. Dahil matapos ang isang buwan ay tila ito sirang plakang paulit-ulit. Magkikita na raw ito at si Cesar!

“Kinakabahan ako! Unang beses naming magkikita!” malakas ang boses na bulalas ni Alyssa.

Advertisement

Napaismid na lang si Keena sa sinabi ng kaibigan. Bakas sa mukha nito ang pagkasabik.

“Sure ka na ba riyan? Nakita ko ang Facebook niya. Ano ba nagustuhan mo roon?” nayayamot na puna niya sa kaibigan.

Agad na nawala ang ngiti nito.

“Bakit, ano bang meron? Mukha naman siyang maayos, Keena,” kunot-noong balik tanong nito.

Napakibit balikat siya bago ipinakita sa kaibigan ang larawan ng lalaking kinasasabikan nitong makita.

“Ayan, nasa bukid! Magsasaka pa yata! Ano ba ‘yan, kukuha ka lang ng lalaki ‘yung magbubukid pa…” nakairap na wika niya.

“Ano naman kung magsasaka? Grabe ka naman. Mabait naman si Cesar, ‘yun ang mahalaga…” nakalabing pagtatanggol ni Alyssa sa lalaking gusto.

“Hindi naman lahat ng lalaki, gaya ni Angelo. At wala namang kaso ‘yun. Ang mahalaga lang ay ‘yung itatrato ka ng tama at hindi ka sasaktan…” mahabang litanya pa nito.

Advertisement

Si Angelo ay ang kasalukuyang kasintahan ni Keena. Isa itong matagumpay na arkitekto.

“Ang panget naman kasi ng taste mo. Sabi ko sa’yo, rereto kita sa kaibigan ni Angelo, ayaw mo naman! Ayaw mo yata ng matino at disenteng lalaki,” naiiling na sabi niya sa kaibigan.

Napabuntong hininga si Alyssa. Bakas sa mukha nito ang pagkadismaya.

“Alam ko naman na ginagawa mo ‘to dahil ayaw mo na masaktan ako ulit. Pero hindi ba pwede na maging masaya ka na lang para sa akin? Hindi ba pwede na hilingin mo na lang na mabuting tao si Cesar at hindi ako sasaktan?” tila nagtatampong tanong ni Alyssa.

Noon naman siya nakadama ng sundot ng konsensya. Tama ito. Dapat nga ay suportahan niya ito.

Ngumiti siya bago nagsalita.

“Sorry na. Gusto mo ba na samahan kita sa unang date n’yo ng Cesar na ‘yan?” nakangiting tanong niya sa kaibigan. Nais niya na bumawi sa mga nasabi niyang hindi maganda.

Sunod-sunod na tango ang naging sagot nito.

Advertisement

Napailing na lang si Keena. Ang totoo ay matindi pa rin ang disgusto niya kay Cesar, ngunit ayaw niya naman na pag-awayan pa nila iyon ng kaibigan.

Naisip niya na ipapakita niya na lang iyon kay Alyssa sa araw na makilala nila si Cesar. Ipapakita niya rito na hindi ito dapat na makuntento sa mga gaya ni Cesar.

Sumapit ang pinakahihintay na araw ni Alyssa. Makikita na nila si Cesar!

“Saan kayo magkikita?” usisa niya.

Tumaas ang kilay niya nang banggitin ni Alyssa ang pangalan ng isang mamahaling hotel.

“Baka ikaw ang pagbayarin niya ng buong bill ng kinain niyo, ha!” pabirong hirit niya, na umani ng matalim na irap mula kay Alyssa.

Maaga pa nang dumating sila. Ngunit naroon na ang lalaki! Tahimik itong nakaupo sa isang sulok ng restawran. Sa mesa sa harap nito ay may nakapatong na dalawang bungkos ng magkaibang bulaklak.

Agad itong tumayo nang makita ang paglapit nila ni Alyssa. May ngiti sa labi ng lalaki nang iabot sa kanila ang mga bulaklak.

Advertisement

“Maganda ang tindig kahit simple lang. Maganda ang bulaklak,” sa isip-isip ni Keena. Ikinagulat pa niya na alam ng lalaki ang paborito niyang bulaklak. Sinabi raw ni Alyssa.

Sa pakikipag-usap ni Keena sa lalaki ay wala siyang makitang ni isang kapintasan dito.

Magalang itong makipag-usap sa kanila. Maging sa mga serbidora ay maayos nitong tratuhin. Isa pa, nakikita niya tunay na tuwa sa mukha nito sa t’wing kausap nito ang kaibigan niya.

Napagtanto ni Keena na marahil nga ay nararapat din ito para sa kaibigan niya. Ngunit may isa na lang siyang tanong. Kaya ba nitong buhayin ang kaibigan niya? Hindi ba’t isa itong magbubukid? Aba’y ayaw niya naman na madehado ang kaibigan niya!

Kaya naman pasimple siyang nag-usisa.

“Cesar, anong trabaho mo?”

Hindi agad ito nakasagot. Tila nag-iisip ng sasabihin. Bahagyang nakaramdam ng pagkadismaya si Keena. Mukhang tama nga ang hinala niya sa lalaki.

“Sa farm. Sa farm ako nagtatrabaho,” sagot nito.

Advertisement

“Maayos ba ang kita sa ganoon?” alangang usisa niya.

Ngumiti ito, bago itinuro ang apat na lalaki sa katabi nilang mesa.

“Napapakain ko naman nang maayos ang mga bodyguard ko, kaya ‘oo’ ang isasagot ko, Keena,” tila naaaliw na sagot nito.

Napanganga siya. Lalo na noong kumaway pa sa kanila ang apat na lalaki.

“B-bodyguard? Bakit ka may bodyguard?” gulat na tanong niya.

Si Alyssa ang sunod na nagsalita.

“Hindi kasi siya magbubukid, friend. Sila ay may-ari ng farm!” paliwanag ni Alyssa.

Tinitigan niya nang matalim ang kaibigan. “Alam mo? Hindi mo sinabi sa akin?”

Advertisement

“Gusto ko lang makita reaksyon mo. Alam ko naman na hindi ka boto kay Cesar noong una,” natatawang paliwanag nito.

“Pasado na ba ako para sa kaibigan mo, Keena?” tila nanunuksong tanong naman ni Cesar.

Aba’y pinagkaisahan pala siya ng dalawa!

Hiyang-hiya man ay tuluyan nang nawala ang agam-agam ni Keena. Bongga naman pala ang lalaking nabingwit ng kaibigan niya!