
Gustong Ikuha ng Babae ng Bodyguard ang Lalaki para Hindi Makapambabae; Saan Kaya Hahantong ang Balak Niya?
Kilala si Victor Lagdameo na isa sa matatagumpay na negosyante sa bansa. Sa edad na trenta y singko anyos ay isa na siyang multi-millionaire. Bukod sa napakayaman ng binata ay hinahangaan din siya dahil sa taglay niyang kaguwapuhan at kakisigan.
Napakaraming babae ang nagkakandarapa na naghahabol sa kanya. Kung sino man ang babaeng magugustuhan ni Victor ay siguradong magbubuhay reyna at hihiga na lamang sa salapi.
Isa si Leyna sa mga babaeng palaging humahabol sa binata.
“Tatakasan mo na naman ako?” inis na tanong ng dalaga na pinamewangan pa ang kausap.
“Wala ka kasing kasawa-sawa, eh. Kahit saan ako pumunta palagi kang nakasunod na parang aso,” natatawang sagot ni Victor.
Napasimangot si Leyna.
“Aba, siyempre, hindi ka pwedeng mawala sa paningin ko, baka mamaya may makasalubong ka lang na babae ay takasan mo na naman ako. Ang gusto ko’y maya’t maya kitang nakikita, baka umiral na naman kasi ‘yang pagiging babaero mo,” wika pa ng dalaga.
Ngunit lingid sa kanilang kaalaman ay may apat na lalaking kanina pa nakamatyag sa kanila.
“Siya ‘yung mayamang negosyante na kikidnapin natin. Tiyak na tiba-tiba tayo ‘pag nakuha natin ang lalaking ‘yan. Magbubuhay milyonaryo rin tayo,” sabi ng lalaking balbas sarado at malaki ang pangangatawan. Mayroon din itong tattoo sa kanang braso.
“Mukhang titipak nga tayo sa kanya, pare. Hitsura pa lang ay halatang mapera na. Nangangati na ang mga kamay ko, yayaman tayo diyan,” tugon naman ng isa pa na may mahabang buhok at may hikaw sa tainga.
“Kaso istorbo lang ‘yung baabeng kasama niya, girlfriend niya yata ‘yon, naririnig ko na nagtatalo, eh,” sabi ng lalaking may katabaan ang katawan.
“Oo nga, siguradong tagilid tayo kapag ganyan na mayroon siyang ibang kasama. Alam niyo naman ang bunganga ng babae parang sirena,” sabad naman ng isa pa na kalbo at balbon.
Napangiti lang ang lider ng grupo, hindi nag-aalala.
“Kailangan lang nating kumilos nang mabilis. Madaling idispatsa ‘yung babae, ang mahirap kapag may kasamang mga bodyguard ang lalaking ‘yon, doon tayo mahihirapan,” wika ng balbas saradong lalaki.
Samantala, patuloy pa rin sa pagtatalo sina Victor at Leyna.
“Kukuha ka ng…are you serious?” gulat na tanong ng binata sa kausap.
“Yes, Victor, nakapagdesisyon na ako. In fact, bukas na bukas din ay kukuha na ako ng bodyguard, hindi lang isa kundi tatlong magagaling na bodyguard,” tugon ng dalaga.
“Ganyan ka ba talaga kadesperada? Kukuha ka pa talaga ng bodyguard para sa akin?” natatawang sabi ni Victor na napapailing na.
“Sa totoo lang, hindi mo naman talaga kailangan ng bodyguard kaso sobrang tigas kasi ng ulo mo,” sagot ni Leyna.
“At sa totoo lang din, ayoko ng may bodyguard. Ayoko ng bodyguard na talo pa ang anino ko kung dumikit sa akin. Kahit bigyan mo pa ako ng sampung bodyguard, hindi nila ako mapipigilan kung sumama man ako sa mga babae. Ano ‘yon, palay na ang lumalapit hindi ko pa tutukain? But let’s face it, marami talaga akong dapat pag-ingatan pero kaya ko ang sarili ko. Huwag na tayong magtalo’t alam mo kung sino ang masusunod sa ating dalawa, okay? Kung makapagmando ka sa akin at makapaghigpit feeling mo girlfriend kita, matuto kang lumugar,” hayag ng binata.
Sa ‘di kalayuan ay handa na ang grupo ng kidnaper. Bitbit ang mga baril at patalim ay nilapitan ng mga ito ang dalawa. Nakasuot din ng maskara ang apat para hindi sila makilala.
“Hep, hep, huwag kang magtatangkang tumakas kundi ay sabog ang utak mo,” wika ng balbas saradong lalaki kay Victor na tinutukan ng baril ang sentido ng binata.
“O, ikaw babae, huwag kang sisigaw kung ayaw mong gripuhan kita,” sabi ng matabang lalaki kay Leyna habang itinutok ang balisong na dala sa tagiliran ng dalaga.
Ang dalawa pang lalaking kidnaper ay nakasunod naman sa kanila.
Hindi man lang nakaramdam ng takot si Victor dahil alam na niya ang mangyayari.
Saglit lang ang pagkabila ni Leyna. Inihanda ng dalaga ang sarili pagkatapos ay inatake ang mga kidnaper.
“Huup!”
“Arggg! Ugh!”
Isa-isang pinagsusuntok, pinagsisipa at pinagtatadyakan ni Leyna ang apat na lalaki. Ni hindi nakaporma ang mga kidnaper, maging ang mga baril at patalim ng mga ito ay walang nagawa sa bagsik ng dalaga. Ipinamalas ni Leyna ang husay niya sa pakikipaglaban na parang isang beteranong boksingera.
Halos magkabali-bali ang mga buto ng apat na kidnaper sa ginawang pambubugbog ni Leyna. Ni hindi na nagawang makabangon pa ng mga ito, sa madaling salita ay ‘knock out’ ang mga buhong.
Maya maya ay dumating na ang mga awtoridad na tinawagan ni Victor sa selpon at isa isang dinampot ang mga bugbog saradong kidnaper.
“Good work, Leyna. Hindi mo ako ipinahiya kay Mr. Lagdameo. Talagang maasahan ka niya,” tuwang-tuwang sabi ng hepe ng pulisya.
Ngunit kahit pinuri ay malungkot at masama pa rin ang loob ni Leyna, ang ‘bodyguard’ ni Victor.
“Hindi ko na po ipagpapatuloy ang pagiging bodyguard ni Mr. Lagdameo, kukuha na po ako ng kapalit ko. Hindi ko na po kaya ang katigasan ng ulo niya at pambababae kaya palagi siyang nalalapit sa gulo. Sa palagay ko’y hindi na niya kailangan ang babaeng bodyguard,” hayag ni Leyna.
Sa tinuran ng dalaga ay hindi na rin napigilan ni Victor ang sarili.
“Sige, payag ako sa gusto mo na kumuha ng kapalit mo pero sa isang kundisyon, hindi ka pa rin aalis sa tabi ko, dito ka lang,” tugon ng binata.
“Eh, ano pa ang gagawin ko sa tabi mo? Kaya nga kukuha ako ng bagong mga bodyguard para may bago nang magbabantay sa iyo,” nagtatakang sabi ni Leyna.
“Hindi pa ba obvious? Hindi ko makakayang mawala ka sa tabi ko, gusto ko’y dito ka lang sa piling ko dahil mahal kita, Leyna, I-I love you,” sinserong sagot ni Victor saka hinawakan ang kamay ng dalaga.
Ikinagulat ni Leyna ang pagtatapat na iyon ng binata. Hindi siya makapaniwala na ang isang Victor Lagdamaeo ay magkakagusto sa isang tulad niya.
“P-pero, b-bakit ako?”
Ngumiti si Victor. “Matagal na kitang gusto, Leyna, noon pa nang una tayong nagkakilala. Mula noon ay napalapit ka na rito sa puso ko. Ang totoo’y wala naman talaga akong ibang babae at hindi ako babaero gaya ng iniisip, mo. Ginagawa ko lang iyon para pagselosin ka at mas lalo mo akong bantayan,” bunyag ng binata.
Pinamulahan ng pisngi si Leyna.
“Paano mo nalaman na…”
“Akala mo siguro ay hindi ko napapansin na palagi kang nakatitig sa akin? Minsan nga ay nahuli kita na kinakausap mo ang sarili mo sa salamin at sinasabi mong ako ang ultimate crush mo, ‘di ba? Aminin mo?”
Hindi na nakatanggi pa ang dalaga at umamin na mahal din siya nito.
“Oo na, sige na, mahal din kita.”
“Eh, ‘di inamin mo rin. So, hindi mo na itutuloy ang pagkuha ng ibang bodyguard? Ayoko ng iba, gusto ko’y ikaw lang, mahal ko,” hirit pa ni Victor at malambing na niyakap ang dalaga.
“In that case, sige hindi na ako kukuha ng iba at ako pa rin ang bodyguard mo laban naman sa mga babaeng naloloka at nagkakandarapa sa iyo,” sagot ni Leyna na ginantihan din ng yakap ang binata.
Makalipas ang ilang buwan ay ikinasal ang dalawa. Ilang taon pa ang nagdaan at hindi na lang si Leyna ang bodyguard ni Victor kundi tatlong makukulit na mga anak na nagmana ng katapangan sa pinakamamahal niyang asawa.