Basurerong Tagagising Sa Umaga

“Tapon! Tapon basura! Limang piso lang!” sigaw ni Mang Eugenio habang nagroronda sa buong barangay.

Ito ang araw-araw na dahilan kung bakit palaging maaga nagigising ang dalagang si Kyla.

“Ano ba naman yang si Mang Eugenio? Ito na naman! Wala pang alas sais ng umaga nagroronda na! Halos umalingawngaw ang boses sa buong barangay! Kada umaga na lang nasisira ang tulog ko dahil sa kaniya!” inis na sigaw ng dalaga, kakatulog niya lang kasi, kakatapos niya lang gumawa ng kaniyang proyekto.

Lalo pa siyang nainis nang mapadaan sa kanilang bahay ang matanda, tila lalo kasing lumakas ang sigaw nito dahilan para awayin niya ang matanda.

“Hoy! Mang Eugenio! Alam mo ba kung anong oras lang? Sobrang aga pa para mangolekta ng basura! Labis mo nang nabubulahaw ang mga taong nagpapahinga!” bulyaw ng dalaga sa matanda, bigla naman itong natahimik nang marinig ang sigaw ng dalaga.

“Pasensya na, ho!” tugon nito saka nagmadaling umalis kasama ng kaniyang tagpi-tagping kariton, padabog namang bumalik sa pagkakahiga ang dalaga, saka pinagpatuloy ang kaniyang pamamahinga.

Nasa ikaapat na taon na ang dalagang si Kyla sa kolehiyo kaya naman tila madalas lagi siyang inuumaga ng tulog para lamang matapos ang kaniyang mga dapat ipasa sa paaralan. Ngunit kasabay nito palagi siyang nabubulahaw ng ingay na gawa ng matandang nangongolekta ng basura tuwing umaga, palaging nasisira ang kaniyang tulog. Dahilan upang ganoon na lamang siya manggilaiti sa matanda.

Nang araw ring iyon, bandang mga tanghali, oras na para bumangon ang dalaga upang maghanda sa kaniyang pagpasok. Mabilis siyang kumilos para hindi siya mahuli sa kaniyang klase.

Advertisement

Ngunit tila nagulat siya nang makitang ang matandang nangongolekta ng basura kanina ay nagtatawag na ngayon ng mga pasahero sa jeep.

“O, maluwag pa! Maluwag pa! Ineng! Kasiyang-kasiya ka pa dito!” alok nito sa mga pasahero, pinagmasdan niya lang ito saka tuluyang sumakay ng jeep.

Kitang-kita niya kung paano habulin ng matanda ang jeep na sinasakyan nila nang tangkain ng driver na huwag siyang bayaran.

“Hoy! Pahingi kahit limang piso! Napuno ko yung jeep mo!” sigaw nito habang tumatakbo, sinaway ng mga pasahero ang driver.

“Hindi ka na naawa sa matanda!” sigaw ng isang pasahero dahilan para tumigil ito at abutan ng tatlong piso ang matanda. Tuwang-tuwa naman ito nang maabutan ng maliit na halaga ng pera.

Nagsimula nang mabagabag ang dalaga. Ngunit hindi niya ito ininda. Nais man niyang abutan kahit pa maliit na halaga ang matanda, hindi niya ito ginawa dahil nahihiya siya sa mga kasama niyang pasahero.

Natapos ang kaniyang klase na hindi niya matanggal sa isipan ang matanda. Bahagya siyang nakokonsensya sa pagsigaw niya sa matanda kanina. Ngunit tila lalo pa siyang nabagabag dahil habang naglalakad siya, naririnig niya na naman ang boses ng matanda.

“Balot! Penoy! Bili na kayo!” sigaw nito, bahagya pa itong tumigil sa harapan niya saka siya inalok ngunit umiling lang siya at nagpatuloy sa paglalakad. “Ineng! Mag-aral ka nang mabuti! Para hindi ka matulad sa’kin!” hiyaw pa nito.

Advertisement

Napagtanto ng dalaga na tila mali ang kaniyang husga sa matanda. Labis siyang nakokonsensya dahil sa pagsigaw niya dito.

Sakto namang kinabukasan, sa ganap na alas singko ng umaga, muling sumigaw ang matanda,

“Tapon! Tapon Basura! Limang piso lang!” nagmadaling bumangon ang dalaga, ngunit hindi na para bulyawan ang matanda, lumabas siya nang may dala-dala kape at ilang pirasong tinapay.

Napagtanto niyang katulad niya na nag-aaral ng mabuti para sa kaniyang tagumpay, ginagawa lang ito ng matanda upang tugunan ang kaniyang pangangailangan sa buhay.

“Tay! Kain tayo!” yaya niya dito saka pinaupo ang matanda sa upuang nilabas niya.

“Aba, Ineng, hindi mo ba ako sisigawan ngayon?” pabirong tanong nito, ngumiti lang naman ang dalaga saka inabot sa matanda ang isang piraso ng tinapay.

Doon rin ay nagkakwentuhan sila. Nalaman ng dalaga na dati palang isang accountant ang matanda ngunit tila napagbintangan siyang nangupit sa bangkong pinagtatrabahuhan niya sa Maynila. Nasisante siya at dahil nga sa record na iyon, wala nang bangko ang nagtiwala sa kaniya. Kahit saan rin siya sumubok magtrabaho, walang kumukuha sa kaniya. Kaya naman simula noon, upang mabuhay ang kaniyang pamilya, lahat na ng raket ay kaniyang pinapasukan.

Tila labis namang nalungkot ang dalaga sa kaniyang mga nalaman. Kung tutuusin pala ang swerte niya pang nakakatulog siya kahit sa saglit na oras, dahil ang matanda, ay halos wala nang pahinga’t tulog kumita lamang ng pera.

Advertisement

Simula nang pagkakataon na iyon, palagi nang inaabangan ng dalaga ang matanda tuwing umaga. Palagi niya itong binibigyan ng almusal o kahit man lang kape, kapag wala siyang pera. Sa simpleng pagtulong niyang iyon, bakas na bakas sa mukha ng matanda ang tuwa kaya naman ganoon na lang rin kasaya an dalaga sa pagtulong sa kaniya.

Madalas kapag naiistorbo tayo, galit at inis ang ating nauuna. Marapat lamang na maging maintindihin tayo, dahil hindi lang tayo ang naaagrabyado ng buhay.