Doble Bayani

“Chelsea, anak, kumusta ka na riyan sa Riadh? Ayos ka lang ba? Nakakakain ka ba nang maayos? Ayos lang ba ang trato sa iyo riyan?”

Kausap ni Chelsea sa telepono ang kaniyang inang nasa pilipinas. Halata sa boses nito ang matinding pag-aalala na batid niyang hindi naman talaga maiaalis sa isang ina, lalo pa at milya-milya ang layo nila sa isaʼt isa.

“Kalma ka lang po, ʼMa. Ayos na ayos po ako rito. Sa katunayan ay napakabait nga po ng mga amo ko, e. Ipinagpapasalamat ko nga ho sa Diyos iyon. Talagang hindi Niya ako pinababayaan,” sagot naman niya upang ibsan ang pag-aalala ng magulang.

“Sigurado ka ba riyan, anak? Baka naman akoʼy pinasasakay mo lang para hindi ako mag-alala sa ʼyo, ha? Anak, abaʼy magsabi ka lang sa akin—”

“Mama, okay lang po ako. Walang masamang nangyayari sa akin dito,” putol ni Chelsea sa sanaʼy sasabihin pa ng kaniyang ina, “Kayo ho ang mag-ingat diyan, Mama. Mahal ko ho kayo.”

Natapos ang tawagan nila ng ina nang nakangiti si Chelsea. Talagang ramdam na ramdam niya ang pagmamahal nito at labis na pag-aalala kaya naman ganoon na lang din ang pagtulo ng luha sa kaniyang mga mata dulot ng saya.

Totoong napakabuti ng napuntahang amo ni Chelsea sa Riadh. Hindi ito tulad ng tipikal na amo roon na nanakit at nagmamalupit sa kasambahay. Napakapropesyonal nito at nag-iisa lamang sa bahay. Madalas pa nga itong wala dahil palaging nasa trabaho. Ang sabi sa kaniya nitoʼy bastaʼt panatilihin niya lamang daw na malinis ang bahay ay wala silang magiging problema kaya naman talagang pinagbubutihan ni Chelsea ang trabaho.

Malaki kung magbigay ng bonus ang natapatan niyang amo. Sapat iyon upang biglaan ang maging pag-angat din ng buhay ng mga iniwan niya sa pinas. Ngunit hindi lang iyon, dahil ang ating bayani ay isa palang doble bayani!

Advertisement

Mula sa Riadh ay nakapagbukas si Chelsea ng isang bank account kung saan siya nag-iipon ng funds upang makatulong sa iba nilang kababayan sa pinas. Noon kasi ay nakatira sila sa isang squatterʼs area kung saan may mga kapit-bahay silang halos naging karugtong na rin ng kanilang mga buhay dahil sa pagiging magkakarugtong na rin ng kanilang bahay. Tinulungan niya rin ang ilan sa mga itong makaahon sa hirap.

Tuwing may kalamidad ay to the rescue rin si Chelsea na siyang namumuno sa isang samahan ng mga bagong bayani (OFW) na nagbibigay ng donasyon sa mga taong naapektuhan nito.

Talagang napakamapagkawanggawa ang bayaning si Chelsea kaya naman wala ring tigil sa pagdating ang mga biyaya sa kaniya.

Ngunit hindi inaasahang may kalbaryo palang darating sa ating bayani nang makapag-asawa na ang amo niya makalipas lamang ang limang taon niyang paninilbihan dito.

Malupit at selosa ang naging asawang babae ng amo ni Chelsea. Ang dating magandang buhay niya sa kamay ng kaniyang among lalaki ay napalitan ng pagiging miserable at napuno ng kalupitan. Madalas ay gutumin siya ng kaniyang among babae, sinasaktan at ginigipit lalo na kapag umaalis ng bahay ang mabait niyang among lalaki.

Minsan pa ngaʼy ikinukulong siya nitong maghapon sa CR upang siraan siya sa among lalaki na wala raw siyang ginawa maghapon sa bahay kundi ang magliwaliw. Maging tuloy itoʼy nagagalit na rin sa kaniya kung minsan.

Dumating sa puntong naranasan ni Chelsea ang pinakamalupit na maaari niyang maranasan sa kamay ng kahit sino.

“Tama na po!” Napahiyaw si Chelsea sa sakit at hapdi nang plantsahin ng amo niyang babae ang kaniyang mukha!

Advertisement

Minumura siya nito nang minumura at paulit-ulit na pinapaso ng plantsa!

Nang matapos ay muli siya nitong ikinulong sa banyo. Mabuti na lamang talaga ay naipuslit ni Chelsea rito ang kaniyang cellphone. Nakapag-live siya sa kaniyang facebook account upang humingi ng tulong.

“Pakiusap, tulungan ninyo ako! Tulungan po ninyo akong makaalis dito! Sinasaktan ako ng amo kong babae. Pinaso niya ako ng plantsa sa ibaʼt ibang bahagi ng katawan ko. Diyos ko, Lord, tulungan po ninyo ako!”

Matapos iyon ay naging mabilis ang pagkalat ng video. Napanuod iyon ng karamihan sa kaniyang mga natulungan na siya ring gumawa ng paraan, kasama ang kaniyang sariling pamilya, upang siyaʼy maiuwi na nang ligtas sa bansa!

Tulong-tulong ang mga taong kaniya noong sinaklolohan upang ngayon naman ay siya ang tulungan. Nakauwi nang ligtas si Chelsea, dahil doon. Bukod pa roʼn ay napatawan din ng parusa ang kaniyang among babae.

Ngayon ay nagre-recover na lamang si Chelsea sa kaniyang sinapit na kalupitan. Ganoon man ang nangyari sa kaniyaʼy hindi naman kayang ikaila na isa siyang dobleng bayani ng ating bansa na tumulong sa maraming tao hindi lang sa kaniyang pamilya, kaya naman talagang hindi siya pinabayaan ng Diyos.