Walang Kawala sa CCTV

Bago tuluyang umalis ay muling sinipat ni Aling Azon ang sarili sa salaming basag na nakalagay sa kabinet ng kaniyang aparador. Kailangan niyang magmukhang maayos at kagalang-galang upang walang makapansin sa kaniyang “modus operandi” na ilang beses na niyang ginagawa.

Kinuha niya ang kaniyang bayong at nanaog na sa kaniyang munting barung-barong. Pupunta siya sa palengke hindi upang mamili, kundi upang isagawa ang kaniyang panlolokong matagal-tagal na rin niyang ginagawa upang magkapera.

“Pakiramdam ko swerte ako ngayong araw na ito,” nakangiting bulong ni Aling Azon sa kaniyang sarili.

Ang maitim na balakin ni Aling Azon ay turo sa kaniya ng asawang si Mang Temyong na nakakulong sa Bilibid dahil sa salang estafa at panggagantso. Kailangan ni Aling Azon ng pera dahil malaki-laki ang natalo niya sa sakla at bingo noong nagdaang gabi. Sinisingil na rin siya ng mga pinagkakautangan niya dahil sa walang humpay niyang pangungutang para lamang masuportahan ang kaniyang bisyo.

Patungo siya ngayon sa Divisoria upang doon isagawa ang kaniyang plano. Syempre, ayaw naman niyang “napipirmi” sa iisang palengke dahil baka may makahalata sa kaniya. Nang makarating sa isa sa mga palengke ng Divisoria, matiyaga niyang sinuyod ng tingin ang mga nagtitindang mukhang tanga at lutang upang madali niyang magawan ng kaniyang panloloko. Ang gagawin niya, kunwari ay bibili siya at maglalapag na kunwari ng pambayad. Pagkatapos, lilituhin niya ang nagtitinda na magdadagdag pa siya. Kapag sisingilin na siya nito, sasabihin niyang iniabot na niya, at siya ngayon ang hihingi sa sukli. Ilang beses na niyang nagawa ito dahil talagang inaaway niya ang mga tindero o tindera kapag igigiit na hindi pa talaga siya nagbayad.

“Neng, pabili nga ako ng isang kilong manok at isang kilong karne ng baboy. Pang-adobo ah,” sabi ni Aling Azon sa isang tinderang nasa labing pitong gulang. Naispatan ito ni Aling Azon dahil tila natataranta ito dahil medyo dagsa ang mga mamimili. Ito ang mga hanap niya. Mga madaling mataranta.

Ipinakita ni Aling Azon ang isang libong piso at inilapag malapit sa kiluhan. Kumuha na ang tindera ng kaniyang mga order. Nang mapansin ni Aling Azon na maaari na niyang lansiin ang tindera, nagsabi pa siya ng order niya.

“Saka padagdag nga ng ano… ng dugo ng baboy. Para sa dinuguan,” utos niya sa tindera. Tumalima naman ito at yumukod upang sumalok ng dugo ng baboy na nakalagay sa isang timba. Mabilis namang dinampot ni Aling Azon ang isang libong piso at ibinalik sa bulsa na para bang walang nangyari.

Advertisement

Nang nakaplastik na ang lahat ng order ni Aling Azon at sambitin ng tindera kung magkano lahat ang kaniyang binili, kunwari ay naggalit-galitan si Aling Azon.

“Hoy Ineng hindi ba’t iniabot ko na sa iyo ang pambayad ko? Isang libo. Ako ang suklian mo,” sabi niya sa tindera.

Napakunot-noo ang tindera, “Ma’am wala pa po kayong iniaabot sa akin.”

Itinaas ni Aling Azon ang boses upang mas maging kapani-paniwala ang pag-arte.

“Anong hindi pa nagbabayad eh inilapag ko nga kanina rito ang isang libo ko. Hindi ako manloloko miss. Hindi ko kasalanan kung tarantahin ka’t hindi mo napansing nagbayad na ako. Tingnan mo sa lapag baka tinangay ng hangin,” utos ni Aling Azon at namaywang pa siya.

Tumalima naman ang tindera at hinanap sa lapag ang isang libong piso subalit wala talaga siyang makita. Iginigiit ni Aling Azon na nagbigay na siya ng bayad at sukli na lamang ang hinihintay niya. Matigas ang tindera na wala pa siyang natatanggap mula rito at hindi siya magbibigay ng sukli. Nagsimula na silang palibutan ng mga miron. Dumating ang isang lalaking mukhang Intsik na siyang may-ari ng pwesto. Inusisa nito ang kaguluhang nagaganap.

“Iyang alaga mo hindi pa ako sinusuklian. Nagbayad na ako eh. Isang libo ang iniabot ko. Ginagawa mo pa akong sinungaling? Tingnan mo nga ako oh. Mukha akong mayaman at edukada. Sino sa atin ang mukhang tanga?” pamamahiya ni Aling Azon sa tindera. Naiiyak na ito dahil sa labis na pagkapahiya.

“Sige madali lang naman itong solusyunan. Tingnan natin sa CCTV.” sabi ng lalaking may-ari ng pwesto.

Advertisement

Napatawa si Aling Azon.

“Nasaan ang CCTV ninyo? Dito sa palengke, may CCTV?”

Itinuro ng lalaki ang CCTV na nakakubling malapit sa ilawan ng pwesto. Hindi ito masyadong pansin dahil maliit lamang. Namutla si Aling Azon. Dinaluhan na rin sila ng dalawang pulis na rumoronda ng mga oras na iyon sa palengke.

Kitang-kita sa CCTV footage ang lahat ng ginawa ni Aling Azon. Pulang-pula ang kaniyang mukha. Pahiyang-pahiya. Hindi niya alam kung saan magtatago. Gusto niyang lumubog sa kinatatayuan. Kalaboso siya.

Dinala siya sa presinto at ipiniit. Nagmakaawa si Aling Azon na hinding-hindi na niya gagawin ang kaniyang modus, subalit buo ang pagpapasya ng may-ari na ipakulong siya. Matapos ang paglilitis, tuluyang nabilanggo si Aling Azon. Pareho na silang nakakulong ng kaniyang asawa. Sising-sisi naman si Aling Azon sa kaniyang nagawa subalit huli na ang lahat.