Inday TrendingInday Trending
Puro Kompyuter ang Inaatupag ng Binatang Ito, Natauhan Siya nang Hindi na Makakita Isang Araw

Puro Kompyuter ang Inaatupag ng Binatang Ito, Natauhan Siya nang Hindi na Makakita Isang Araw

“Hoy, Patrick! Alas onse na hindi ka pa rin kumakain!” bulyaw ni Aling Perla sa anak na abala sa paglalaro ng kompyuter.

“Mamaya na, mama! Naglalaro pa ako, eh, pustahan ‘to, huwag kang magulo!” sigaw ni Patrick sa kaniyang ina habang titig na titig sa kompyuter.

“Aba, kung makapagsalita ka sa akin, ha? Ikaw lang naman ang inaalala ko! Hanggang madaling araw kang nagalalaro d’yan nang hindi kumakain! Gusto mo na bang mabura sa mundong ito? O gusto mong mabulag? Hindi mo na pinapahinga ang mata mo! Para mabilis ang pagkawala mo sa mundong ito, ibibigti na lang kita, gusto mo?” sermon pa nito sa kaniya dahilan upang ganoon siya mainis at matalo sa nilalaro.

“Naku naman! Napakaingay! Ayan tuloy, talo ako! Alam mo bang dalawang daan ang pusta ko rito mama? Nakakainis naman, o!” sagot niya saka padabog na tumayo sa silya, bahagya niya pa itong sinipa dahilan upang manggigil ang kaniyang ina.

“Ewan ko ba sa’yong bata ka! Huwag mo akong punuin, dudurugin ko sa harap mo ‘tong kompyuter na ‘to!” panakot ng kaniyang ina saka ambang hahampasin ng nadampot na walis-tambo ang naturang kompyuter dahilan upang mataranta siya’t inawat ito.

“Oo na, matulog ka na, kakain naman ako,” malumay niyang tugon saka hinimas-himas ang likod ng kaniyang ina. Hinagis lang nito sa sahig ang hawak na walis tambo’t agad lumisan sa kaniyang silid. Napabuntong-hininga na lang siya’t tinapon sa basurahan ang pagkaing inihanda nito saka muling bumalik sa paglalaro.

Ganito halos gabi-gabi ang eksena sa kwarto ni Patrick. Kung hindi siya tatakuting sisirain ang pinag-ipunan niyang kompyuter, hindi siya titigil sa paglalaro para kumain. Kahit na buong araw pa siyang nakababad sa harapan ng kompyuter, hindi siya nagsasawa rito.

Bukod sa wiling-wili siya sa bawat panalong nakakamit, nagkakapera pa siya sa tuwing may kapustahan at naipapanalo niya ang laro. Ito ang dahilan upang maging lulong na siya sa paggamit ng naturang kompyuter na ito.

Tapos naman na siya sa pag-aaral, nakapagtrabaho na rin siya’t nakapag-ipon nang kaunting kaya malakas na ang loob niyang magpakasasa sa kaniyang kinawiwilihan. Wala naman itong problema sa kaniyang ina noong mga unang linggo nang kaniyang pagkawili sa kompyuter, ngunit nang mapansin nitong halos hindi na siya lumalabas sa kaniyang silid para kumain, doon na ito nagsimulang magalit sa kaniya.

Katwiran niya, “Hindi naman ako mawawalan agad ng buhay kapag hindi ako kumain ng isang araw,” dahilan upang lalong magalit ang kaniyang ina. Ngunit kahit pa ganoon, inalagaan pa rin siya ng kaniyang ina, para makakain lang siya, dinadalhan pa siya ng nito ng pagkain sa kaniyang silid na madalas, tinatapon niya lang sa basurahan upang masabing nakakain na siya.

Nang makaramdam na ng antok noong pagkakataong iyon, agad na siyang nahiga’t nagpahinga. Ilang oras lang ang lumipas, narinig niyang nagtatahulan ang kanilang mga alagang aso dahilan upang magising siya. Ngunit kahit anong kusot niya sa kaniyang mata, wala siyang maaninag na kahit ano.

“Anong nangyayari?” tanong niya sa sarili habang pilit na inaaninag ang paligid, “Ma-mama? Mama! Wala akong makita, mama! Bulag na ba ako? Mama!” sigaw niya, ngunit kahit anong sigaw niya, hindi dumating ang kaniyang ina dahilan upang tumayo siya’t kapa-kapain ang paligid upang makapunta sa silid ng ina.

Ngunit bago pa siya makapunta sa silid nito, nadapa siya’t nadaganan ng aparador sa kanilang sala dahilan upang lalo siyang magsisisigaw, “Mama! Tulungan mo ako! Ayokong mabulag, mama!”

Doon na niya narinig ang pagtakbo ng kaniyang ina saka tinapik-tapik ang kaniyang pisngi.

“Patrick, gising! Ano, e ‘di nabulag ka sa panaginip mo! Sige, huwag mong tigilan ang magdamagang paglalaro!” sermon pa nito sa kaniya pagkamulat niya, ngunit imbis na sagut-sagutin ang ina, niyakap niya itong inilabas ang takot na naramdaman sa pag-iyak.

Simula noong araw na ‘yon, labis niyang dinisiplina ang sarili. Pilit man siyang inuutusan ng utak na maglaro, pinipigilan niya ito at mas pinipiling tumulong sa mga gawaing bahay.

Napag-isip-isip niya ring kailangan na niyang magtrabaho dahil mauubos na ang kaniyang ipon dahilan upang ganoon na siya muling maghanap ng kaniyang mapapasukang trabaho.

Ganoon na lang natuwa ang kaniyang ina sa kaniyang pagbabago dahil bukod sa nalayo na siya sa kinawiwilihang kompyuter at laro, naaalagaan niya pa nang husto ang kaniyang kalusugan. Biro nito, “Isang panaginip lang pala ang makapagpapabago sa’yo!”

Advertisement