
Pinalabas ng Isang Pulis na Self-Defense ang Kaniyang Ginawa, Isang Bidyo Lang Pala ang Makapagpapatigil sa Gawain Niyang Ito
“Dapa!” sigaw ni Jose nang maaktuhang nagpapalitan ng pera’t pinagbabawal na gamot ang kanilang mga target, isang araw nang sugurin nila ang bahay nang namumuno.
“Boss, teka lang, boss! Wala po akong kinalaman dito, makikiihi lang po sana ako!” pagmamakaawa ng isang binatilyo habang kinakapkapan siya ng ibang pulis.
“Ako ba niloloko mo? Eh, ikaw nga ang utak ng transaksyong ito! Napakabata mo pa, sinisira mo na agad ang buhay mo!” bulyaw niya saka sinipa ang binatilyong nakadapa na ngayon sa sahig.
“Wala kang ebidensiya na ako, boss! Nag-aaral pa po ako!” pangangatwiran pa nito na talaga nga namang ikinagalit niya.
“Ah, sumasagot ka pa? Gusto mo ba talagang makipagbuno sa akin?” tanong niya habang pingot-pingot ang tainga nito, “Hoy, bata, ibigay mo nga ang baril mo sa hampaslupang ‘to!” sigaw pa niya sa bagong kasamahang pulis, agad naman itong sumunod sa kaniyang utos at nang kukuhanin na ito ng binatilyo, bigla niya na lang itong binaril dahilan upang magsigawan at mataranta ang mga nakikiusyoso.
“E ‘di tapos na ang usapan!” sigaw niya nang bumagsak na sa lupa ang katawan ng binata saka niya ito dinuraan, “O, limasin niyo lahat ng pera’t pinagbabawal na gamot na nariyan! Bilisan niyo, nagugutom na ako!” utos niya sa mga kasamang pulis saka nagsindi ng sigarilyo’t pinapanuod ang dugong kumakalat sa semento. Nagsimula nang maghagulgulan ang mga kaanak ng binata, tiningnan niya lang ng masama ang kapatid nitong babae na para bang nais siyang kainin nang buhay.
Isa sa mga hinahangaang pulis sa kanilang lalawigan si Jose. Bukod sa angking niyang galing sa paghuli sa mga krim*nal, magaling pa siya sa pag-iimbestiga. Ito ang naging dahilan upang isang taon lang ang lumipas simula nang siya’y manungkulan, agad na siyang naging pinuno sa isang presinto sa kanilang lalawigan.
Kasabay nang pag-angat niya sa panunungkulan ay ang paglaki ng kaniyang ulo. Nang maitalagang pinuno sa isang presinto, wala na siyang sinasanto dahilan upang katakutan siya ng mga tao. Kung sino man ang makipagsagutan sa kaniya, agad niyang binibigyan ng baril, kapag kukuhanin na ito ng kausap, agad niya itong babarilin at ipapalabas na prinotektahan niya lang ang sarili upang hindi masampahan ng kaso.
Ito ang naging dahilan upang isumpa siya ng pamilya ng mga nakit*l niya. Tuwing magsasampa kasi ng kaso ang mga ito, napapasawalang-bahala lang dahil bukod sa walang ebidensya, mga hawak niya pang pulis niya ang nag-iimbestiga.
Noong araw na ‘yon, matapos nilang madala sa presinto lahat nang naabutan nilang tao sa naturang bahay na iyon, agad na siyang nagtungo sa kaniyang opisina’t nagpahinga.
Ngunit wala pa siyang isang oras na nakapagpapahinga, bigla siyang nakatanggap ng tawag mula sa kanilang hepe. Kumalat daw hindi umano sa social media ang bidyo nang ginawa niyang pagkit*l sa isang binatilyo.
“Ayusin mo ang gusot na ‘yon! Sinasabi ko sa’yo, lahat tayo mapapahamak d’yan!” bulyaw nito sa kaniya saka siya binabaan.
Agad siyang nagbihis at niyaya ang mga kasamahang pulis na muling pumunta sa lugar na iyon upang matukoy kung sino ang nagpakalat.
Nang makarating sila roon, nadatnan niya ang ibang mga pulis mula sa kabilang lalawigan. Kasa-kasama ang kapatid na babae ng binatiyong kaniyang kinit*l.
“Kuhang-kuha po sa bidyo ko ang karumaldumal na ginawa niyo sa kapatid ko, ano?” sambit nito sa kaniya dahilan upang haltakin niya ito’t bulungan, “May kalalagyan ka.”
“Ikaw din may kalalagyan, sa likod ng mga rehas o mas gusto mo bang kaming mga pamilya ng mga kinit*l mo ang dumurog sa mga buto’t laman loob mo?! Ikaw ang hampaslupa, hampaslupang nagpakasasa sa maruming kapangyarihan!” matapang nitong sambit saka dinuraan ang kaniyang uniporme dahilan upang tutukan niya ito ng baril. Nagsisisigaw ang naturang dalaga dahilan upang makuha ang atensyon ng ibang pulis na naroon at doon na nga siya tuluyang dinakip.
Patong-patong na kaso ang naisampa sa kaniya. Nagsilitawan pa ang pamilya ng iba niya pang nakit*l dahilan upang lalong bumigat ang nakapatong na kaso sa kaniya.
Lumong-lumo siya sa nangyayari. Hindi niya lubos akalaing darating ang pagkakataong siya na ang mailalagay ng ibang pulis sa rehas ng bilangguan.
“Kung nagpakatino lang ako’t isinapuso ang mga batas na pinag-aralan ko, sana wala ako sa mabaho’t maruming bilangguang ito,” hikbi niya, isang araw matapos siyang masistensyahan nang habambuhay na pagkakakulong.