Inday TrendingInday Trending
Hindi Marunong Tumanaw ng Utang na Loob ang Ginang; Isang Pangyayari ang Magtuturo ng Leksiyon sa Kaniya

Hindi Marunong Tumanaw ng Utang na Loob ang Ginang; Isang Pangyayari ang Magtuturo ng Leksiyon sa Kaniya

Napaismid na lang si Rita nang makaalis ang kaniyang hipag na si Alice.

Umandar na naman kasi ang kayabangan nito. Napakahilig nitong bigyan ang kanilang pamilya ng kung ano-anong bagay.

Palibhasa alam nito na angat ang buhay ng mga ito kumpara sa kanila.

Padabog na inihagis niya sa basurahan ang mga damit na ibinigay nito. Ganun ang kadalasang ginagawa niya sa mga ibinibigay nito.

Hindi niya naman ito makompronta dahil ayaw niya magkasamaan ng loob ang kaniyang asawa at ang nag-iisang kapatid nito.

“Anong problema at sambakol ang mukha mo?” tanong ng kaniyang asawa na kadarating lamang mula sa opisina.

“‘Yang kapatid mo kasi, napakayabang! Kung ano anong pinagdadadala sa bahay! Pinapamukha niya naman na mas maayos ang buhay nilang mag-asawa sa atin!” gigil na saad niya sa asawa.

Napailing na lamang si Dennis sa sinabi ng asawa.

“Bakit ba kasi ganyan ang tingin mo sa mga ginagawa ni Alice, Rita? Kilala ko ang kapatid ko, sadyang mapagbigay lang talaga siya. ‘Wag mong masamain ang kabutihang loob na pinapakita niya sa pamilya natin,” mahinahong paliwanag ni Dennis sa asawa na nanggagalaiti.

“Basta! Ayoko ng ganiyang pag-uugali! Mas maayos ang buhay nila pero hindi natin kailangan ang tulong nila!” hindi nagpapatalong sigaw ni Rita sa asawa bago nagdadabog na tinalikuran ang asawa.

Malungkot na napabuntong-hininga na lamang si Dennis. Gusto niya rin namang makasundo ang asawa ng kaniyang nag-iisang kapatid subalit parati na lamang minamasama ng kaniyang asawa ang ginagawa ng kaniyang kapatid.

Hindi niya maiwasang hilingin na sana ay dumating ang panahon na magkasundo na ang mga ito.

Dumaan ang mga araw subalit patuloy pa din ang lihim na pagtatapon ni Rita ng kung anumang ibinibigay ng kaniyang hipag.

Pagkain man, damit, bag, lahat iyon ay diretso sa basurahan.

Hanggang sa isang araw ay hindi niya napigilang komprontahin ang babae.

“Tigilan mo na nga ang kabibigay sa amin ng mga basurang ito! Hindi namin kailangan ng kahit na ano mula sa inyo!” Hayagan niyang pambabastos sa babae bago itinapon sa harapan nito ang mga damit na ibinigay nito sa kaniyang mga anak.

Gulantang na napatitig si Alice kay Rita.

“Ate, hindi pinaglumaan ‘yan! Binili ko ‘yan para sa mga anak mo habang namimili ako para sa anak ko!” giit nito.

“‘Yan! Ganyan ka lagi! Lagi mong pinamumukha na mas maganda ang buhay mo sa pamilya namin!” Sigaw niya dito.

Laglag ang panga ni Alice. Hindi niya inakala na minamasama nito ang mga bagay na ibinibigay niya sa pamilya ng nag-iisa niyang kapatid.

Malungkot niyang nilisan ang bahay ng hipag. Matagal niya nang gustong mapalapit dito ngunit mukhang malabo na iyong mangyari.

Isang araw, abala sa pagluluto si Rita nang hindi inaasahang tawag ang natanggap niya.

“Kayo ho ba si Mrs. Rita Cunanan? Asawa ni Mr. Dennis Cunanan?” bungad ng lalaki sa kabilang linya.

“Ako nga ho, sino ho sila?” kabadong sagot niya sa kausap.

“Sa San Lazaro Hospital po ito, misis. ‘Wag ho kayong mabibigla ngunit nasangkot ho sa isang madugong aksidente ang asawa ninyo. Nasa kritikal ho siyang kalagayan, at kailangan niyo hong pumunta dito sa lalong madaling panahon,” dire diretsong wika ng lalaki.

Lumuluha namang sumugod sa ospital si Rita.

Hindi pa rin siya makapaniwala sa trahedyang sinapit ng kanilang pamilya.

“Kinailangan ho namin na putulin ang dalawang paa ng inyong asawa upang mailigtas siya sa kamat*yan.”

Tila bombang sumabog sa kaniyang harapan ang sinabi ng doktor.

Bagaman nakahinga siya nang maluwang sa kaalamang ligtas na ang kaniyang asawa, hindi niya maiwasang isipin ang hinaharap.

Dahil sa nangyari sa kanilang padre de pamilya, paano na ang pamilya nila?

Nanghihinang naupo si Rita. Saktong namang dumating si Alice kasama ang asawa nito.

Nagimbal din ito nang malaman ang sinapit ng kapatid.

“‘Wag kayong mag-alala ate, nandito lang kami at handang tumulong sa inyo,” maingat na wika ni Alice.

Mapait na napabuntong hininga si Rita. Alam niya kasi na wala siya sa posisyon upang tumanggi sa kahit na anong tulong dahil pilay na pilay ang kanilang pamilya.

Napaluha siya nang maalala ang mga sinabi kay Alice. Marahil ay karma niya iyon dahil hindi siya marunong tumanaw ng utang na loob at hindi siya marunong magpasalamat sa mga nagmamalasakit sa pamilya nila.

“Maraming salamat, Alice. Hihingi na rin ako ng pasensiya sa inasal ko noong huli tayong nagkausap,” hiyang hiyang wika ni Rita sa hipag.

Marahang tinapik lamang siya nito sa balikat.

“Wala na iyo, ate. Malaki ang utang na loob ko kay Kuya Dennis kaya naman gusto kong matulungan siya sa abot ng aking makakaya.” sinserong wika ng babae.

Tinotoo naman ng babae ang pangako nito.

Tinulungan sila nito sa gastusin sa ospital.

At dahil hindi na makapagtrabaho si Dennis sa kalagayan nito, nagprisinta si Alice na pahiramin ng kapital si Rita sa pagsisimula ng negosyo na kukunan nila ng panggastos.

Sina Alice din ang pansamantalang sasagot sa pag-aaral ng mga pamangkin nito habang nagsisimula pa lamang ang negosyo ni Rita.

Hiyang-hiya si Rita sa kaniyang naging pag-uugali at sa ginawa niyang panghuhusga sa kabutihang loob ni Alice.

Sa lahat ng nangyari ay dalawang napakaimportanteng leksiyon ang natutunan ni Rita: ang magpasalamat sa malasakit ng iba, at matutong tumanaw ng utang na loob.

Advertisement