
Masakit kung Magsalita ang Ginang na Ito sa Kaniyang Kapwa; Lahat ng Kaniyang Sinasabi ay Babalik Pala sa Kaniya
Maaga pa lamang ay wala nang sawa ang bibig ni Aling Konchita sa pakikipagtsismisan sa kaniyang mga kapitbahay. May edad na ang ale ngunit hindi napigilan ng kaniyang edad ang kaniyang bunganga. Ang masama pa rito ay tanging mga negatibong bagay lamang ang lumalabas sa kaniyang bunganga.
“Alam mo ba ‘yang anak ni Mario, sa tingin ko ay maagang mabubuntis ‘yan! Aba ay kung sinu-sinong lalaki ang kasama. Sasabihin na barkada lamang pero makikita mo madalas na kalandian niya ang mga iyon. Malala pa ay sa kalsada nakikipaglampungan ang alembong na babae,” kwento ni Aling Konchita kay Aling Cora, isang kapitbahay na nagwawalis din kanilang tapat ng bahay.
“Ano ka ba, Konchita! Iba na ang panahon ngayon. Iba na ang mga kabataan. Kung dati ay hindi tayo p’wedeng makipagkaibigan nang basta-basta sa mga kalalakihan, ngayon ay nangyayari na ‘yan. H’wag kang masyadong masama mag-isip sa iyong kapwa. ‘Yang anak ni Mario ay alam ko’y mabait na bata. Palagi ngang umaakyat ng entablado si Mario dahil may karangalan lagi ang anak niya,” paliwanag ng ginang.
“Ay, basta pupusta ako sa’yo. Maagang magbubuntis ang babaeng ‘yon. Tandaan mo na daig ang talino ng pagkakerengkeng!” sambit muli ni Aling Konchita.
Kinabukasan ay ang isang kapitbahay naman nila ang pinagdiskitahan ni Aling Konchita.
“Ayang si Baldo, nakikita mo ba ang hilatsa ng mukha niyan? Aba’y mukha pa lang alam mo nang hindi mapagkakatiwalaan. Naku, malamang ko ay tumitira ‘yan ng ipinagbabawal na gamot kaya ganiyan ang itsura niyan!” pabulong na tsismis ng matanda sa kaniyang kapitbahay.
“Hindi nagdodr*ga iyang si Baldo. Ang pagkakarinig ko ay marami raw trabaho ‘yan kasi kailangang suportahan ang anak na may sakit. Kaya siguro hindi na natutulog ng maayos. Ikaw naman, pagod lang nagdodr*ga na agad ang iniisip mo,” kontra ni Aling Cora.
“Siguro isa na sa mga trabaho niya ang mabenta ng ipinagbabawal na gamot kaya gumagamit na rin. Tandaan mo na iba ang itsura ng pagod sa gumagamit mismo,” giit ni Aling Konchita.
Hindi pa natapos ang matanda at pinagdiskitahang muli ang isa nilang kapitbahay.
“Nakita ko ‘yang si Marites sa palengke. Napakatamis kung ngumiti sa isang mamimili niya. Sa tingin ko nga ay kalaguyo niya iyon. Aba, hindi pa nakakaalis ng matagal ang asawa patungong ibang bansa ay lumalandi na sa iba. Sabagay wala ang asawa niya upang kamutin ang kahit na anong makati sa kaniya!” sambit muli ng matanda.
“Konchita, baka nakakalimutan mo na nagbebenta siya ng manok sa palengke. Para dumugin ang tinda niya ay dapat talagang maging magiliw siya sa kaniyang mga mamimili. Tigilan mo nga ang pag-iisip ng marumi sa iyong kapwa. Saka h’wag na nating pakialaman ang buhay nila. Ikwento mo na lamang sa akin kung ano ang lulutuin mo para sa pananghalian,” tanong ni Aling Cora sa matanda.
“Hay nako, Cora, mabuti na lamang at hindi naging tulad ng mga ‘yan ang mga anak at apo ko! Maaayos na tao ang lahat ng kapamilya ko,” pagmamalaki ng ginang sa kaniyang kapitbahay.
Sa araw-araw na nagdaan ay umikot na sa ganito ang buhay ni Aling Konchita. Minsan nang marinig ni Marites ang mga sinasabi sa kaniya ng matanda ay hindi niya naiwasan na patulan ito.
“Anong sinasabi mo, Aling Konchita, na may kalaguyo ako sa palengke?Nagtatrabaho ako nang marangal nang sa gayon ay makaipon at hindi na kailanganin pa ng asawa ko ang magtrabaho sa ibang bansa. Tapos kayo riyan ay walang sinabi sa akin kung hindi paninira! Ano ang nagawa kong mali sa inyo?” galit na sambit ni Marites.
“Naku, Marites, kahit anong galit ang gawin mo sa akin ay hindi mapagtatakpan niyan ang katotohanan na umaalembong ka sa iba sa palengke. Kitang-kita ng dalawang mata ko!” giit ni Aling Konchita.
“Huwag sanang makarating sa asawa ko ‘yan, Aling Konchita, kung hindi ay baka hindi ko alam ang magawa ko sa’yo!” saad muli ni Marites.
“Mabuti pa nga na malaman ng asawa mo para malaman niyang pinipindeho mo siya habang siya ay nagpapakakuba sa pagtatrabaho sa ibang bansa!” sigaw ng matanda.
“Mag-ingat kayo sa mga sinasabi niyo at baka bumalik sa inyo ang lahat ng mga ginagawa niyong kwento!” dagdag pa ni Marites.
Hindi nga nagkamali si Marites sa kaniyang sinabi. Ilang linggo lamang matapos ang pagtatalo nilang iyon ni Aling Konchita ay nahuli ang panganay na anak nito dahil sa pagtitinda at paggamit ng ipinagbabawal na gamot. Nalaman nila na ang isa niyang apo na nasa hayskul pa lamang ay nabuntis ng kaklase at ayaw itong panagutan dahil mga bata pa raw sila.
Higit pa, isang eskandalo ang naganap sa tapat mismo ng kanilang bahay nang sugurin, saktan at pahiyain ng isang ginang ang bunsong anak ni Aling Konchita dahil kabit daw ito ng kaniyang asawa. Halos mahubaran na ang anak ng matanda sa tindi ng galit ng sugurin ito ng tunay na asawa ng kalaguyo.
Labis na kahihiyan ang inabot ni Aling Konchita lalo na sa kanilang mga kapitbahay. Napagtanto niya na ang lahat ng mga sinasabi niya sa kaniyang mga kapitbahay ay bumalik sa kaniya, at sabay-sabay pa! Alam niyang tumama sa kaniya ang isang matinding karma dahil sa kaniyang mga maling sinabi.
Nais man niyag humingi ng tawad sa mga ito ay huli na ang lahat. Dahil sa kahihiyan na natamo ni Aling Konchita ay hindi na siya lumabas pa ng kaniyang tahanan, kahit sumilip man lamang sa kanilang bintana kahit kailan.