Inday TrendingInday Trending
Laging may Pasa ang Bata dahil daw sa Pagkakulit Nito; Nang Naglagay ng CCTV ang Kaniyang mga Magulang ay Ito pala ang Tunay na Nangyayari

Laging may Pasa ang Bata dahil daw sa Pagkakulit Nito; Nang Naglagay ng CCTV ang Kaniyang mga Magulang ay Ito pala ang Tunay na Nangyayari

“Ikaw na ang bahala sa anak naming si Jepoy, Trina. Basta sundin mo lamang ang lahat ng bilin namin. Mabait na bata ‘yang si Jepoy kaya hindi ka mahihirapan sa kaniya,” saad ni Berna sa bagong yaya ng kaniyang anak.

“Wala po kayong aalalahanin, ma’am. Ako na po ang bahala sa anak niyo,” tugon naman ng dalaga.

Parehong abala ang mag-asawang Berna at Eduard sa pagtatrabaho kaya hindi na nila magawang alagaan pa ang kaisa-isang anak na si Jepoy. Limang taong gulang lamang ang bata at ilang yaya na rin ang nagdaan sa kanila. Madalas kasi nilang paalisin ang mga yaya lalo na kung may isinusumbong ang kanilang anak.

Dahil na rin sa hindi nila mabigyan ng sapat na panahon si Jepoy ay ibinibigay na lang nila ang lahat ng hilingin nito. Magmula sa mga laruan hanggang sa mga pagkain. Dito na lamang bumabawi ang mag-asawa upang mapunan ang pagkukulang sa anak.

“Mommy, bakit ba kailangan ninyo pa ni Daddy na magtrabaho? Bakit hindi na lang po isa sa inyo ang maghanapbuhay at ang isa sa inyo ang mag-alaga sa akin?” tanong ng anak.

“Marami kasi tayong pangangailangan, anak. Lalo na ikaw habang lumalaki ka at kailangan namin ng daddy mo na paghandaan iyon. Saka ayaw mo ba na marami kang pambili ng laruan?” tugon ng ina.

Hindi na lamang umimik ang bata.

Sa tuwing papasok sa trabaho ang mag-asawa ay tanging sina Jepoy at yaya nitong si Trina ang naiiwan sa bahay.

“Kumusta naman ang unang araw mo, Trina?” tanong ng mag-asawa.

“Ayos naman po, sir at ma’am. Medyo may kakulitan lang po itong si Jepoy pero normal naman po iyon sa mga bata. Kayang-kaya naman po,” masigasig na tugon ni Trina.

“Siguraduhin mo, Trina na kahit anong kulit niya ay hindi siya masaktan. Hindi ko mapapahintulutan na may mangyaring masama sa anak ko,” sambit ng ginang.

“Masusunod po,” pahayag ng dalaga.

Sa araw-araw na inaalagaan ni Trina ang kaniyang alaga ay sinisigurado niyang hindi masasaktan ito. Maliban sa lubusang pag-iingat ay pinapakain din niya ito ng masusustansyang pagkain sa tamang oras. Nililimitahan din ng dalaga ang paggamit nito ng tablet upang hindi masira ang mga mata nito. Lubusang pagkalinga ang tanging ginagawa ni Trina kay Jepoy.

Ngunit isang araw ay napansin ni Berna na may pasa sa braso ang kaniyang anak nang minsan ay palitan niya ito ng damit.

“Napano ang pasa mong ito, anak?” tanong ng ina.

Hindi umiimik ang bata. “Huwag kang matakot kay mommy. Sabihin mo kung bakit ka may pasa, anak?” patuloy na pagtatanong ng ina. Ngunit kahit anong pakiusap niya sa anak ay hindi ito sumasagot.

Nang sumunod na araw ay nasalat naman ni Eduard na may bukol ang kaniyang anak. Dagdag pa ang isang pasa binti at pangilan-ngilang mga kalmot. Pilit na tinatanong nila si Jepoy ngunit ayaw pa ring magsabi ng anak sa kanila. Lubusang galit na ang nararamdaman nila sa yayang si Trina dahil alam nilang ito lamang ang kasama ng anak at marahil ito ang may kagagawan nito.

“Baka kaya ayaw umimik ni Jepoy ay tinatakot siya ni Trina. Kailangan ay may gawin tayo. Kailangan natin siyang ipapulis,” saad ng ginang.

“Magpapakabit ako ng CCTV upang matibay ang maging ebidensiya natin laban kay Trina. Nang sa gayon ay hindi na siya makatanggi pa sa panlalapastangan na ginagawa niya sa anak natin,” dagdag naman ni Eduard.

Walang kaalam-alam sina Trina at Jepoy na nagpakabit ng CCTV sina Berna at Eduard sa kanilang tahanan. Nais kasi nilang mahuli sa akto ang dalaga sa ‘di umano’y ginawang pananakit nito sa kanilang anak.

Ngunit ng tignan nila ang CCTV ay lubusan nila itong ikinagulat. Dahil ang pinagbibintangan nilang si Trina ay hindi pala sinasaktan ang kanilang anak bagkus ay lubusan pa niya itong inaalagaan. Kitang-kita ng mag-asawa kung paano mahalin at alagaan ng dalaga ang kanilang anak.

Nagulat din sila ng makitang sinasaktan ni Jepoy ang kaniyang sarili. Iniumpog nito ang kaniyang sarili at pinapalo ang mga braso. Kinukurot niya ang kaniyang mga binti.

“Anak, bakit mo ito ginagawa?” umiiyak na sambit ni Berna sa kaniyang anak.

“Kamuntikan na naming ipakulong ang yaya mo. Ang akala namin ay siya ang may gawa ng mga sugat na iyan sa iyo,” dagdag pa ng ama.

“Patawad po, mommy at daddy. Gusto ko po kasi sana na paalisin niyo na po si Ate Trina at kayo na lang ang mag-alaga sa akin. Naisip ko po na kapag naisip niyong sinaktan ako ni Ate Trina ay papalayasin niyo na siya at hindi na kayo kukuha ng kahit sino para alagaan ako,” pahayag ng bata habang lumuluha.

Nahabag ang mga magulang sa paliwanag ng kanilang anak. Hindi nila alam na ginagawa lang pala ito ng kanilang anak upang mapansin siya at tuluyan nang mabigyan ng oras. Lubusan din ang paghingi ng tawad ng mag-asawa kay Trina dahil sa pag-iisip nila ng masama sa dalaga.

“Wala pong anuman iyon sa akin, ma’am at sir. Lahat naman ng magulang ay ayaw na nasasaktan ang kanilang anak. Gagawin ang lahat para lang hindi masaktan ang anak nila,” wika ni Trina.

Simula noon ay huminto na sa pagtatrabaho si Berna upang matutukan ang kanilang anak. Kinuha na rin nila si Trina bilang kasambahay dahil mapagkakatiwalaan ito lalo na sa anak nilang si Jepoy. Unti-unti ay naunawaan na rin ng bata ang dahilan ng mga magulang kung bakit hindi siya naalagaan.

Salamat sa CCTV at nakita ng lahat ang mga tunay na pangyayari.

Advertisement