
Nakapulot ang Isang Waitress ng Pitakang Naglalaman ng Maraming Pera; Hindi Niya Inaakala na Ito ang Tatapos sa Kaniyang Problema
“Wenna, tulungan mo ang tatay mo. Nasa himpilan siya ng pulisya ngayon at ikukulong daw nila,” umiiyak na sambit ni Aling Yolly, nanay ng dalaga habang kausap nito as telepono.
“A-anong nangyari po kay tatay, ‘nay?” nag-aalalang tanong ng dalaga.
“Napagbintangan ang tatay mo na nagnakaw raw sa isang tindahan. Ni hindi pa nakakarating ang tatay mo doon ngunit siya ang itinuturo. Hinding-hindi magagawa ng tatay mo ang magnakaw. Pero kahit na anong sabihin namin ay hindi sila nakikinig. Hindi ko na alam kung ano ang gagawin ko, anak. Baka mapano doon ang tatay mo!’ walang tigil sa pagtangis ang ginang.
Ngunit hindi rin alam ni Wenna ang gagawin dahil hindi niya alam kung saan makakakuha ng malaking halaga para ipang piyansa sa kaniyang ama.
Apat na taon na ring nagtatrabaho sa isang magarang restawran si Wenna bilang isang waitress. Napilitan siyang lumuwas ng Maynila upang maghanap ng trabaho upang makatulong sa pagsuporta sa kaniyang mga magulang na pawang matatanda na. Hindi na kasi kaya ng mga ito na magtrabaho sa bukid.
Kaya imbis na magpatuloy sa pag-aaral sa kolehiyo ay mas pinili na lamang ni Wenna na magtrabaho. Alam kasi niyang makapaghihintay ang kaniyang mga pangarap pero hindi ang kumakalam na sikmura ng kaniyang pamilya.
Mabuti na lamang ay agad na nakahanap ng trabaho si Wenna. Sa tuwing sasahod siya ay nagtitira lamang siya ng sapat na panggastos at ang lahat ay ipinadadala na niya sa kaniyang pamilya sa probinsiya. Kailangan din kasi ng gamot ng kaniyang mga magulang.
Kahit na magara ang restawran na kaniyang pinagtatrabahuhan ay hindi rin naman ganoon kalakihan ang kaniyang sahod. Tama lamang upang maitawid niya sa pang-araw-araw ang kaniyang pamilya. Kaya ganoon na lamang ang kaniyang pag-aalala nang malaman niya kung gaano kalaki ang piyansa na hinihingi upang makalabas ang ama sa piitan.
“Isang daang libong piso?” bulong nito sa sarili. “Kahit ako ay hindi pa nakakakita ng ganoong kalaking pera! Saang kamay ng Diyos ako kukuha ng ganoong kalaking halaga?” bulong niya sa sarili habang pinipigil ang kaniyang mga luha.
Naiisip niya kasi ang kalagayan ng kaniyang ama na matanda na tapos ay nakakulong pa sa bilangguan.
Pilit siyang nangutang sa kaniyang mga kaibigan ngunit maging sila ay walang mapahiram dahil sakto lamang ang kanilang sinasahod para sa kanilang panggastos.
Hindi na maialis ni Wenna ang kaniyang isip sa problema ng kaniyang pamilya. Isip siya nang isip ng paraan kung paano man lamang sila mapakikinggan na mali ang kanilang dinampot at hindi ito magagawa ng kaniyang ama.
“Patawarin niyo po ako, ‘nay. Hanggang ngayon po ay hindi pa rin ako nakakagawa ng paraan para sa pang piyansa ni tatay. Nilapitan ko na po ang lahat ng kakilala ko ngunit maging sila ay walang maipahiram sa akin,” sambit ng dalaga kay Aling Yolly.
“Naiintindihan ko, anak. Malaking pera naman talaga ang kinakailangan. Naaawa lang ako sa tatay mo doon. Araw-araw ko siyang dinadalaw. Dindalhan ko siya ng pagkain at damit na pamalit. Pinapakiusapan ko rin ang mga pulis ngunit ayaw nilang maniwala sa akin. Hay, anak, napakahirap maging mahirap,” wika ng ina.
“Huwag mo tayong mawawalan ng pag-asa, ‘nay. Mailalabas din natin si tatay sa kulungan. May awa ang Diyos,” sambit ni Wenna.
Muling nagbalik si Wenna sa kaniyang trabaho. Mas kailangan niyang pagbutihin sapagkat kailangan niyang makaipon pa lalo para sa pang piyansa ng kaniyang ama.
Sa kaniyang paglalakad pabalik ng restawran ay nakita siya ng isang bag sa kaniyang dinaraanan. Agad niyang pinulot ang bag at nang buksan niya ito ay tumambad sa kaniyang harapan ang sangkatutak na pera.
“Diyos ko, ito na po ba ang kasagutan sa aking hinihiling?” wika ni Wenna.
Ngunit alam ni Wenna na kahit na ang perang iyon ang tatapos sa kanilang suliranin ay kailangan niya itong isauli sa tunay na may-ari. Hindi nagdalawang isip si Wenna na hanapin ang tunay na nagmamay-ari ng bag. Nang makakita siya ng mga pagkakakilanlan sa bag ay agad siyang tumawag dito.
Laking tuwa naman ng ginoo sapagkat hindi niya inaakala na maisasauli pa sa kaniya ang bag na naglalaman ng pera.
Nang magkita ang dalawa ay labis na pinasalamatan ng ginoo ang dalaga.
“Kaunti lang kagaya mo sa mundong ito, Wenna. Maraming salamat sa pagsasauli mo sa akin ng pera ko,” sambit ng ginoo.
“Wala pong anuman. Hindi po ako tinuruan ng mga magulang ko na umangkin ng mga bagay na hindi naman sa akin. Kahit na iyang pera po na ‘yan ang solusyon sa pagpapalaya sa aking ama na nasa bilangguan ay hindi ko magawang paginteresan dahil ayokong biguin ang aking mga magulang. Kaya masama ang loob ko na hindi man lamang pakinggan ng mga pulis ang paliwanag namin na hindi magnanakaw ang tatay ko. Matanda na siya at hinding-hindi niya iyon magagawa,” paliwanag ng dalaga.
“D’yan ay maaari kitang matulungan,” sambit ng ginoo. Hindi inaakala ni Wenna na ang lalaking kaniyang natulungan pala ay isang hukom.
Tinulungan siya ng ginoo upang patunayan na inosente ang kaniyang ama at nang makulong ang totoong taong gumawa ng kasalanan.
Lubusan ang saya ni Wenna at kaniyang pamilya nang sa wakas ay nakalaya na rin ang kaniyang ama mula sa pagkakapiit nito. Napatuyan nila na wala itong kasalanan at nahuli na rin ang totoong may sala nito.
Hindi makapaniwala si Wenna na dahil sa hind niya pag-iinteres sa perang kaniyang napulot ay ito pa pala ang maghahatid sa solusyon sa kaniyang problema.
Tunay nga na kinalulugdan ng Diyos ang mga taong tapat at gumagawa ng tama.