
Nalaman ng Binata na May Nobyo na ang Bestfriend Niya na Matagal na Niyang Iniibig; Anong Sakripisyo ang Kaya Niyang Gawin?
Tuwang-tuwa si Jimmy dahil magkikita sila ng bestfriend niyang si Cathy. Ipagtatapat na niya sa dalaga ang nararamdaman niya rito.
Mayamaya ay nagkita na ang dalawa sa isang coffee shop. Medyo kinakabahan pa siya nang dumating ito.
“Bakit, ano bang meron, besh, at gusto mo akong makausap?” tanong nito.
“M-may sasabihin kasi ako sa iyo, Cathy,” aniya.
“Ako rin sana, mayroong sasabihin sa iyo, besh!” anito sa masayang tono.
Napansin ni Jimmy na namumula at kinikilig pa ang kaniyang bestfriend.
“Mukhang sobrang saya mo, besh. Sige, ikaw muna ang mauna. Ano ba ang sasabihin mo?” nagtataka niyang tanong.
“Kami na ni Kirby!”
Nawala ang ngiti sa labi ni Jimmy. Bigla siyang nakaramdam ng matinding lungkot.
“Ano? K-kailan pa?”
“Umamin siya sa akin na may nararamdaman din siya sa akin, kaya inamin ko rin sa kaniya na gusto ko rin siya. Kami na, besh. Boyfriend ko na siya!”
Natahimik si Jimmy. Hindi niya inaasahan ang ginawang pagtatapat na iyon ng dalaga. Kahit nasaktan sa sinabi nito ay pinigilan niya ang sarili at nanatiling mahinahon.
“Hindi mo ba ako babatiin ng congratulations?” sabi ni Cathy.
“C-congrats, besh. Masaya ako para sa inyong dalawa!” pilit na tugon ni Jimmy habang pinipigilan ang luhang gusto nang kumawala sa mga mata.
Matagal na kasing crush ng bestfriend niyang si Cathy ang binatang si Kirby na kaklase nila noong college. Nang malaman niyang may pagtingin din pala ito sa dalaga ay biglang gumuho ang mundo niya. Hindi na niya naipagtapat pa rito ang nararamdaman niya. Mahal din niya si Cathy pero may mahal na itong iba at may boyfriend na.
Pagkatapos nilang magkape sa coffee shop ay nagmamadaling nagpaalam si Cathy dahil may date pa raw ito kasama ang nobyo. Nang tuluyan itong makaalis ay hindi na napigilan ni Jimmy ang mga luhang kanina pa gustong kumawala. Dahil mahal na mahal din niya ang dalaga ay wala siyang magagawa kundi ang palayain ito.
Isang araw, habang namamasyal siya sa mall ay nakasalubong niya si Cathy at ang boyfriend nitong si Kirby. Ang dalaga ang unang bumati sa kaniya.
“Besh, narito ka rin pala? Anong ginagawa mo rito?” tanong nito sa kaniya.
“O, I-ikaw pala besh! Wala lang, naglilibot-libot lang ako rito. Alam mo na, nagwiwindow shopping,” sagot niya.
“Kirby, babe, siya ang bestfriend kong si Jimmy. Bata pa lang kami magkaibigan na kami niyan!”
“Hi, Jimmy. Oo natatandaan ko siya, babe. Kaklase natin siya noong college. Kumusta ka na pare? Minsan sama ka sa amin ni Cathy lumabas, isama mo ang girlfriend mo, double date tayo!” masayang bati ng lalaki.
“Naku, walang girlfriend ‘yang si Jimmy. Pihikan sa babae ‘yan, e!” sabad ni Cathy.
Kahit medyo nasaktan sa sinabi ng dalawa ay sumang-ayon na lang siya.
“Oo, wala pa akong girlfriend. Wala pang magkamali, e!”
Mayamaya ay nagpaalam na rin ang dalawa sa kaniya. Hinabol niya ng tingin ang magkasintahan. Kahit masakit sa loob niya na makitang kapiling ng ibang lalaki ang babaeng iniibig niya ay masaya na siya dahil iyon naman talaga ang mahalaga, ang maging masaya ito sa taong mahal nito kahit pa siya ang nahihirapan.
Pagdating niya sa bahay ay naabutan niya ang kaniyang nakatatanda niyang tiyahin na si Auntie Beatrice na naghahanda ng hapunan.
“O, bakit ngayon ka lang, Jimmy? Alam mo namang bawal sa iyo ang sobrang napapagod,” nag-aalalang wika nito.
“Nakita ko siya kanina, auntie. Masakit pa rin pala kapag nakita mo ang mahal mo na masaya kasama iyong taong mas mahal niya,” sabi niya sa malungkot na boses.
“Kalimutan mo na ang nararamdaman mo kay Cathy. May mahal siyang iba at hanggang pagiging kaibigan lang ang kaya niyang ibigay sa iyo!” anito.
“Iyon naman po ang ginagawa ko, pero hindi ko pa rin maiwasang malungkot, auntie. Mahal na mahal ko pa rin ang bestfriend ko,” tugon niya.
“Nag-aalala lang naman ako sa iyo, pamangkin ko. Alam mo naman na mula nang mawala ang mga magulang mo ay ako na ang tumayong nanay mo kaya sobrang mahal na mahal kita, Jimmy. Alam kong mahal mo si Cathy, pero panahon na para tuluyan mo siyang palayain diyan sa puso mo. Para hindi ka na masaktan pa, makakasama iyan sa kalagayan mo.”
“Alam ko, auntie. Salamat po at palagi kang nariyan sa tabi ko,” sagot niya sa tiyahin sabay yakap rito nang mahigpit.
Mula noon ay napagdesisyunan ni Jimmy na lumayo na lamang kay Cathy at hayaan na ang dalaga sa taong minamahal nito. Nagpunta siya sa probinsya kasama ang tiyahin. Nagpaalam siya kay Cathy na may aasikasuhin lang doon pero ang plano talaga niya ay hindi na siya babalik sa Maynila.
Unti-unting hindi na nagparamdam si Jimmy kay Cathy. Hindi na rin siya tumatawag at nagchachat sa dalaga para kumustahin ito.
Makalipas ang isang taon, habang naglalakad pauwi si Cathy ay bigla niyang nakasalubong ang tiyahin ni Jimmy na si Auntie Beatrice.
“Tita?” tanong niya sa babae.
“C-Cathy? Ikaw na ba iyan? Ang laki na ng tiyan mo!” balik na tanong nito na halos ‘di nakilala ang babae. Nagdadalantao na kasi ito. Nagpakasal na rin ito kay Kirby.
“Opo tita. Walong buwan na po akong buntis. Ikinasal na rin po kami ni Kirby. Kumusta na po kayo, tiya? Kumusta na po si Jimmy? Matagal na po kaming hindi nagkakausap. Iimbitahin ko sana siya sa kasal namin kaso hindi naman po siya nagrereply at sumasagot sa mga text at tawag ko,” sunud-sunod na tanong niya sa babae.
Biglang nalungkot ang mukha nito at ‘di na naiwasang maiyak.
“W-wala na siya, Cathy. W-wala na ang bestfriend mong si Jimmy,” bunyag nito.
“A-ano po?!”
Gulat na gulat siya at hindi makapaniwala sa sinabi ng tiyahin ng kaibigan.
“May leukemia si Jimmy. Hindi niya sinabi sa iyo ang tungkol sa sakit niya dahil ayaw niyang bigyan ka pa ng alalahanin. Ayaw niyang malungkot ka, gusto niya na palagi kang masaya lalo’t nahanap mo na ang lalaking mahal na mahal mo. At may dapat ka pang malaman tungkol sa kaniya, matagal ka na niyang iniibig, Cathy. Ipagtatapat na sana niya ang nararamdaman niya sa iyo kaso nalaman niya na may boyfriend ka na pala. Pilit ka niyang kinalimutan dahil gusto niya na palagi kang masaya, Cathy, kaya siya na ang nagparaya. Desisyon niya na lumayo at hindi na makipag-usap pa sa iyo dahil ayaw ka niya niyang guluhin ngunit kahit sa huling hininga niya ay ikaw pa rin ang bukambibig niya. Ang sabi niya sa akin, kapag wala na raw siya ay sabihin ko sa iyo na huwag na huwag ka raw malulungkot dahil palagi ka raw niyang babantayan,” hagulgol ng babae.
Hindi na rin napigilan ni Cathy na mapaiyak sa ipinagtapat ni Auntie Beatrice.
“H-hindi ko alam, tita, na iyon pala ang dahilan niya. Napakabuti ni Jimmy, tita, napakabuti niyang tao. Sana mapatawad niya ako, tita.” Napahagulgol na rin si Cathy at niyakap nang mahigpit.
“Wala kang kasalanan, hija. Hangad ni Jimmy ang kaligayahan mo. Nasaan man siya ngayon, siguradong masaya na rin siya dahil alam niyang masaya ka na sa iyong pamilya,” tanging nasambit ng babae.
Ang tunay na pagmamahal ay kayang magsakripisyo kahit pa ang kapalit nito ay ang sariling kaligayahan, makita lang na masaya ang taong minamahal kahit pa sa piling ito ng iba.