
Dahil sa Hindi Pagkakaunawaan ay Nagkalamat ang Samahan ng Mag-ina; Mabigat Pala ang Dinadala ng Kaniyang Mama
“Sana mawala ka na lang!” sigaw ni Christine sa kaniyang ina dahil sa sama ng loob. Malakas na sampal naman ang dumapo sa kaniyang pisngi buhat sa kaniyang inang nanggagalaiti.
“Wala kang alam sa pinagdaraanan ko. Wala kang alam sa hirap at sakit na araw-araw kong pasan upang sabihin mo sa ‘kin ang mga katagang iyan. Dahil minsan hinihiling ko rin na sana nga. Sana mawala na rin ako sa mundo!” garalgal ang bawat pananalita ni Flor. Hindi niya inakala na pagsasalitaan siya ng ganoon ng anak na si Christine.
Nagtatakbo paakyat sa kaniyang kwarto si Christine habang hawak ang pisngi na siguradong namumula na ngayon. Sumubsob siya sa kama at doon tahimik na umiyak.
Simula nang hindi na magpakita ang kaniyang ama ay hindi na rin naging maayos ang pagsasama nilang mag-ina. Palaging wala si Flor at kung magkikita man sila ni Christine ay puro kamalian ang napapansin niya sa anak.
Wala siyang ibang hangad kung hindi itama ang anak ngunit minasama pa nito. Hindi niya tuloy napigilan na mapagbuhatan ito ng kamay.
Naging mas gala si Christine. Madalang itong umuwi ng bahay dahil wala rin naman siyang madaratnan doon. Kung uuwi man siya ay hindi rin sila nagpapansinan o umiimik sa isa’t isa.
Nang minsan umuwi si Flor sa bahay ay tulog na tulog pa ang anak. Tanghali nang tapat ay mahimbing pa rin ang tulog nito kaya naman ipinagluto niya ito.
Alas onse na nang magising ito. Langhap ni Christine ang mabangong pagkain kaya nagmadali siyang bumaba. Takam na takam siya sa masarap na ulam sa lamesa. Mayroong itlog, tocino, ham, foot long, hotdog at sinangag. Nangingislap ang mata niya at agad siyang kumuha ng kanin at isa-isang tinikman ang ulam.
Nasa kalagitnaan siya ng masarap na pagkain nang makita niya ang inang may hawak na notebook at hindi siya pinansin. Hindi rin ito nagsabi ng kahit anong salita at basta siya nilampasan.
Napakibit-balikat si Christine pero muling napatingin sa hawak-hawak na notebook ng ina. Ilang araw na itong may dalang ganoon pero binabalewala niya. Ngayon ay tila ba nagka-interes siya rito.
Nang minsan maiwan ito ng ina habang namamalengke ay sinilip niya ang laman ng notebook. Doon niya nakitang puro recipe ito ng mga masasarap na pagkain. Na-boring si Christine at hahayaan nalang sana ang notebook nang mabuklat niya ang huling dalawang pahina.
“Dear Mahal,
Lumalaki na si Christine, hindi na siya bata ngayon. Kung makikita mo siya, napakaganda niya. Sayang, hindi mo na siya makikita. Alam kong masaya ka na sa bago mo. Nakita ko kayo. Ang saya n’yo. Sana ganoon din ako, sana maging masaya na muli ako. Alam mo Mahal? Nagpapakatatag ako sa pag-iwan mo sa akin, sa amin ni Christine. Mahal pa rin kita. Iingatan ko si Christine. Mahal na mahal ko siya. Huwag ka nang mag-alala pa. May trabaho na rin ako, mabubuhay ko siya. Mahirap sa simula pero kinakaya ko. Ayoko na rin umasang babalik ka. Alam kong bumalik ka na sa kung saan ka dapat. Salamat sa pagmamahal, sa supling na iniwan mo sa akin. Salamat sa lahat.”
~ Flor
Napaluha si Christine sa nabasa. Hindi niya alam na ganoon ang pinagdaraan ng kaniyang ina. Araw-araw ay hinihiling niyang hindi na lang sana ito ang naging mama niya ngunit mas hindi siya karapat-dapat na anak. Nasasaktan siya habang binabasa ang sulat nito para sa asawa.
“Mama,” bulong ni Christine habang tumutulo ang luha.
Maya-maya ay dumating si Flor at nanlaki ang mata nang makitang hawak-hawak ni Christine ang notebook kung sana siya nagsulat ng liham para sa ama nito.
“N-Nabasa mo?” hinihiling ni Flor na hindi, ngunit tumango si Christine at ngayon ay umiiyak na.
“Bakit hindi n’yo sinabi sa akin? Habang lumalaki ako ay araw-araw kong hinihiling na sana hindi kayo ang ina ko. Araw-araw sinisisi kita sa pag-iwan sa ‘tin ni Papa pero siya pala ang may kasalanan. Ipinagpalit niya tayo!” Napaupo si Christine dahil sa nalamang katotohanan.
“Hindi, anak. Sila ang unang pamilya, niya. Wala tayong magagawa,” may pagpapaunawang wika ni Flor.
“Mama, patawad po sa nasabi kong masasakit na salita. Pangako, magiging mabait na anak na po ako at hindi na magiging pasaway pa.” Niyakap ni Flor ang anak dahil sa tinuran habang nakapikit din na nangako si Christine sa sariling tutuparin niya na makapagtapos siya ng pag-aaral.