Inday TrendingInday Trending
Tutol ang Ina ng Binata sa Kaniyang Nobya; Takot Kasi sa Karma ang Kaniyang Ina

Tutol ang Ina ng Binata sa Kaniyang Nobya; Takot Kasi sa Karma ang Kaniyang Ina

“Hindi ganoong klaseng babae si Anika, ʼma! Huwag nʼyo naman siyang husgahan na lang basta. Hindi siya kagaya ng iniisip mo!” pangangatuwiran ni Sandro sa kaniyang ina sa galit na tono.

“Sinasabi ko sa ʼyo, Sandro, pera lang ang habol sa atin ng babaeng ʼyan!” halos mapigtal naman ang litid na sigaw ni Mrs. Aristotle sa anak na si Sandro. Galit na galit siya nang malamang pinagpaplanuhan na nito at ng nobya nitong galing sa mahirap na pamilya ang pagpapakasal. Alam naman ng anak niyang tutol siya sa kanilang relasyon!

“Pinaniniwala ka lang niya, anak. Maniwala ka sa akin. Alam na alam ko ang likaw ng bituka ng mga kagaya niya!” giit pa ng ina ni Sandro at halos hindi na makapagpigil pa ang binata.

“Bakit? Dahil minsan ka ring naging katulad ng sinasabi mo, mama? Ganoon ho ba?” Malamig ang tinging ipinukol niya sa sariling ina.

Bakas sa mukha nito na nagulat ito sa narinig mula sa kaniya. Ngunit kalaunan ay nag-iwas lamang ito ng tingin.

“Hindi siya magiging masaya sa ʼyo, dahil ginagamit ka lang niya. Iiwan ka rin niya, Sandro!” muli ay dagdag ni Mrs. Aristotle sa pangungumbinsi sa anak.

“Yea,” tumango-tango ito. “Gaya ng ginawa mo kay, dad, right?” nanunuyang sabi pa ni Sandro.

Hindi lingid sa kaniyang kaalaman ang nakaraan ng kaniyang ina. Dati itong bayarang babae nang makilala ng kaniyang ama. Ang ama niya ang nag-alis dito sa burak na kinasasadlakan nito noong mga panahong iyon. Ngunit kailan man ay hindi naging masaya ang kanilang relasyon, dahil hindi naman mahal ng kaniyang ina ang kaniyang daddy.

Muling nagsalita si Sandro. Nais niyang ilabas ang lahat ng sama ng loob na kinikimkim niya simula pa noon. Gusto niyang ipaintindi sa ina ang maling pag-iisip nito tungkol sa kaniyang nobya.

“Takot na takot kang ako ang tumanggap ng karma mo, mama, ano?” Mapait siyang tumawa. “Inaakala mo na ako ang sasalo ng lahat ng kasalanang ginawa mo kay daddy noon?”

Nakita niya ang panlalaki ng mga mata ng ina.

“A-anoʼng sinasabi mo, anak?” maang na tanong nito.

“Hindi ako bulag, mama! Bata pa ho ako noon, pero hindi ako bulag! Akala nʼyo ba ay hindi ko alam na pinagsasabay nʼyo si daddy at si Ninong Felipe noon? Akala nʼyo ba, mama, wala akong kaalam-alam sa tuwing dito kayo gagawa ng kababalaghan sa mismong pamamahay ng ama ko?!”

Dumagundong ang boses ni Sandro sa buong kabahayan. Umaalingawngaw iyon sa lakas na animo ikababasag iyon ng mamahaling chandelier at antigong mga pigurin na koleksyon ng kaniyang ina.

Nasapo ng kaniyang mama ang bibig, gamit ang dalawa nitong kamay dahil sa sobrang pagkabigla!

“Akala mo ha, mama, hindi alam ni papa ang lahat ng ito?” Kumawala ang kanina pa namumuong luha sa mga mata ni Sandro. “Alam niya, mama, pero hiniling niya sa akin na patawarin ka, dahil ikaw pa rin ang aking ina!”

Napahagulhol na rin si Mrs. Aristotle sa tinuran ng anak. Hindi niya akalaing ang buong buhay niyang pagtatago sa ginawa niyang kataksilan sa asawa ay nabalewala lamang pala!

Ngunit bakit nanatili ang mga ito sa kaniyang tabi? Isa lang ang naisip niyang sagot sa tanong na iyon.

Buong buhay ng kaniyang mag-ama ay puro na lamang siya ang iniisip ng mga ito. Kung saan siya sasaya, kung ano ang gusto niya, kung saan siya kumportable at ang lahat ng ayaw niyaʼy inaayawan din ng mga ito. Iyon ay dahil minamahal nila siya!

Ngayon lamang nagawang sumuway ni Sandro sa kaniyang utos. Bakit? Iyon ay dahil nagmamahal na rin ito ngayon.

Bakit niya tututulan ang bagay na minsan niya na ring ipinagdamot sa kaniyang anak? Doon ay natauhan ang ginang.

Mabilis niyang kinausap ang nobya nitong si Anika na sa kabila ng kasamaang ipinakita niya ritoʼy nananatiling magalang at rumirespeto sa kaniya… sa pagkakatanda niya ay hindi siya ganoon noong kaedad niya ito. Mukhang tama ang anak niya. Hindi niya katulad ang nobya nito.

“Hindi ako mahilig sa ganitong mga drama, pero gusto ko sanang itanong kung kaya mo pang patawarin ang salbaheng ale na katulad ko, hija? Matatanggap mo pa ba ako bilang biyenan?” naluluha niyang tanong kay Anika.

Noon din ay bumakas ang halu-halong emosyon sa mukha nito. Gulat, saya at pagtataka ang sabay-sabay na rumehistro sa mukha nito ngunit malugod siya nitong niyakap.

Nang lumingon siya sa kaniyang likuran ay naroon at nakangiti pala ang kaniyang anak.

Advertisement