“Pakiusap, tama na!” pakikiusap ni Ara habang walang awa siyang sinasaktan ng asawa.
“Hindi ba sabi ko sa bahay ka lang? Ano at nakikipaglandian ka sa lalaking iyon?” nangagalaiting saad ni David, na siyang asawa ni Ara.
“Hindi naman ako nakikipaglandian, nagtanong lang ‘yong tao.” Pagtatanggol ni Ara sa sarili ngunit bingi ito at hindi pinakinggan ang kaniyang paliwanag.
Bugb*g sarado na naman ang kaniyang katawan buhat sa tinamong pananakit ng asawa. Dahil lamang sa maling pang-aakusa nito ay ilang latay na naman ang kailangan niyang paghilumin. Naiyak si Ara sa sitwasyon niya ngunit hindi naman niya maiwan si David.
Mahal na mahal ni Ara si David. Bukod tangi itong lalaki na tumanggap sa kaniya noong mga panahon na kailangan niya ng karamay. Walang pag-aalinlangan nitong tinanggap at minahal siya. Nagkataon lamang na hindi sila magkaanak at doon nagbago ang pakikitungo nito sa kaniya. Matagal na nitong hinihiling na magkasupling sila ngunit hindi pa rin magbunga ang kanilang pagsasama. Ang una nilang anak ay binawian ng buhay sa hindi malamang sakit na naging simula ng pagbabago ng asawa.
Gabi-gabi ay ipinagdarasal ni Ara na biyayaan na silang muli ng supling. Walang oras na umusal siya ng panalangin dahil kahit siya ay naiinggit sa mga mag-asawa na kumpleto ang pamilya dahil sa kanilang mga anak.
Alas onse ay dumating si David na lasing na lasing. Inalalayan niya ito papasok sa kwarto at kumuha ng maligamgam na tubig at maliit na tuwalya. Pinunsan niya ang katawan nito bago muling binihisan ng pambahay.
Ganoon palagi ang tagpo. Aalis, darating, sasaktan siya, aalis at lasing na kapag dumating. Hinalikan nito ang labi ng asawa at naluluhang tinitigan ang maamo nitong mukha.
“Mahal na mahal kita,” bulong ni Ara saka iniyakap ang braso sa asawa.
Kinabukasan ay maaga na namang umalis si David. Muli niyang hinintay ang gabi dahil ganoon na naman siguro ang uwi nito. Nakatulog na siya sa lamesa ay wala pa rin si David. Hindi na rin mainit ang niluto niyang bulalo na siyang paborito ng asawa.
“Mahal,” bulong ni David kay Ara. Hindi niya inaakalang maaabutan ang asawa na tulog sa lamesa. Nakatulugan na siguro nito ang paghihintay.
“S-Sorry, nakatulog ako!” gulat na wika ni Ara nang maalimpungatan. Mabilis siyang kumilos upang pagsilbihan ang asawa.
“Ako na,” agaw ni David sa pagtangka nitong paghahain. Napatulala naman si Ara sa ginawa ng asawa. Hindi siya makapaniwala sa inaasta nito.
“Maupo ka,” saad ni David at pinaghila ng upuan ang kabiyak. Nagsandok ito ng kanin at ulam saka sila sabay na kumain. Halos hindi pa rin makapaniwala si Ara. Huli niyang naranasan ito ay noong may anak pa sila.
Tila bumalik ang dati niyang asawa. Tahimik siyang lumuha ngunit hindi niya napigilan ang pagyugyog ng balikat.
Agad siyang niyakap ni David.
“Tahan na. Patawarin mo ako, Mahal. Patawad kung nasaktan ako sa pagkawala ng anak natin kaya ikaw ang napagbubuntunan ko ng galit. Mahal na mahal kita. Patawarin mo ako.” Hinalikan nito ang noo ni Ara.
Napagtanto ni David kung gaano kabait at mapagmahal ang asawa niya. Na hindi nito kasalanan na mawalan sila ng anak. Ramdam niya ang pagmamahal ng asawa kahit paulit-ulit niya itong sinasaktan at dapat na niyang itigil ang pananakit niya rito.
Araw-araw ay binibigyan ng surpresa ni David ang asawa. Tila bumalik sila sa pagkabinata at dalaga. Niyakap at hinalikan ni Ara si David nang muli siya nitong surpresahin.
“May surpresa rin ako sa ‘yo,” kinikilig at masayang wika ni Ara.
Napakunot ang noo ni David.
“Ano ‘yon?” Ipinakita ni Ara ang pregnancy test at positibo ang resulta roon.
“Buntis ka?” Hindi makapaniwalang tanong ni David. Napatango si Ara.
Nagsisigaw si David sa sobrang tuwa. Binuhat nito ang asawa at hinalikan ang mga labi.
“Mahal na mahal kita, Ara. Sobra!” Si Ara naman ang humalik at hindi naiwasang maluha.
“Mahal din kita. Simula noon at hanggang ngayon, mahal kita.” Madamdamin at marahang hinalikan siya ni David, kita ang kislap ng mata at sobrang saya dahil sa paparating na biyaya sa kanilang pamilya.
Naroon man ang takot na baka mawalan muli sila ng anak ay pinatatag ng mag-asawa ang isaʼt isa. Hanggang ngayon ay pinagsisisihan ni David ang nagawa noon kay Ara kaya naman talagang bumabawi siya.
Ang buong akala niya ay huli na ang lahat upang maayos pa nila ang kanilang pagsasama. Ang kailangan niya lang pala ay tapang… tapang na harapin ang kaniyang pagkakamali at itama iyon.