Inday TrendingInday Trending
Galing sa Nakaw ang mga Binebentang Gamit ng Isang Ginang, Sa Presinto Rin Kaya ang Kaniyang Destinasyon?

Galing sa Nakaw ang mga Binebentang Gamit ng Isang Ginang, Sa Presinto Rin Kaya ang Kaniyang Destinasyon?

“O, Sita, mukhang marami ka na namang ibebentang gamit, ha?” bati ni Tesang sa kaniyang kabarangay, isang araw nang makasalubong niya ito sa daan.

“Oo nga, eh, maaari mo ba akong tulungang magbuhat? Iuuwi ko lang ito sa bahay namin,” tugon ni Sita, saka maingat na ibinaba ang kahong buhat.

“Naku, ayoko nga! Mamaya biglang dumating ang mga pulis at hulihin ka, madamay pa ako! Ayoko ngang makulong,” mataray na pagtanggi nito dahilan upang bahagyang mag-init ang kaniyang ulo.

“Ay, grabe naman ang imahinasyon mo! Nagpapatulong lang ako, nasa kulungan na ang isip mo! Bakit naman ako huhulihin, aber?” masungit niyang tugon saka siya pumamewang sa harap nito, unti-unti nang naglabasan ang mga tsismosang nilang kabarangay upang makiusyoso.

“Naku, Sita, mukhang nahuhuli ka na sa balita, ang mga nagbebenta nang nakaw ngayon, maituturing na ring magnanakaw. Ingat ka, baka huling araw mo na sa kalsada,” pananakot pa nito sa kaniya dahilan upang lalo siyang mainis.

“Wala akong pakialam sa sasabihin mo, aminin mo na lang na naiinggit ka! Itong tsismosang ‘to, wala nang magawang tama! Pwe!” sigaw niya saka dinuraan ang naturang ginang dahilan upang mag-alboroto ito’t habulin siya ng walis-tingting.

Kilala sa pagbebenta ng mga nakaw na bagay sa kanilang barangay ang ginang na si Sita. Nagdadalang tao siya noong una niyang pinasok ang negosyong ito at dahil nga kapos din noong mga araw na ‘yon at kinakailangan niya ng pera sa kaniyang panganganak, ginamit niya ang natatangi niyang isang daang pisong pera upang bumili ng isang pares ng tsinelas sa magnanakaw niyang kapitbahay. Ang nabili niyang tsinelas na iyon, ibinenta niya naman sa kaniyang kaibigan sa halagang tatlong daang piso.

Labis ang tuwa niya noong mga araw na ‘yon dahil ang isang daang pisong pera niya, napalago niya nang gano’n kabilis. Ito ang naging dahilan upang mapagpasiyahan niyang gawin itong sariling negosyo.

Pinagpatuloy niya ang gawain niyang iyon hanggang sa tuluyan na niyang mapalago ang kaniyanh pera dahilan para matagumpay siyang makabayad sa kaniyang panganganak. At nang bumalik na ang dating sigla ng kaniyang katawan, agad na muli siyang nagbenta ng mga nakaw na gamit hanggang sa siya na ang naging boss ng mga magnanakaw niyang kapitbahay.

Ang mga nananakaw na gamit na binebenta sa kaniya, ginagawa niyang triple ang presyo saka niya binebenta sa merkado. Ito ang naging simula nang pag-angat niya sa buhay.

Ngunit kasabay ng pag-angat niyang ito ang pagtaas din ng bilang ng mga taong may galit sa kaniya. Ika niya sa tuwing nakakarinig ng bagong tsismis tungkol sa kaniya, “Naku, imbis na patulan ko kayo, magbibilang na lang ako ng pera ko,” dahilan upang lalong manggalaiti ang mga ito.

Noong araw na ‘yon, matapos niyang matakasan ang tsismosang kabaranggay, hihingal-hingal niyang ibinaba sa harapan ng kanilang bahay ang kahong buhat-buhat ngunit bigla na lang siyang nakaramdam ng kakaibang kaluskos sa loob ng kanilang bahay dahilan upang agad niya itong buksan.

Doon niya nadatnang nakatungo na sa lamesa ang kaniyang kasambahay habang karga-karga na ng isang pulis ang kaniyang anak dahilan upang bahagya siyang mapaatras. Ngunit patakbo pa lang siya, bigla na siyang pinosasan ng isang pulis na nasa likod niya.

“Marami nang nagrereport sa’yo sa presinto, mukhang sumobra ang yabang mo, naiingit tuloy sila sa’yo. Alam din naming maraming magnanakaw dito, ituro mo sa amin ang mga empleyado mo, ha?” pang-iinis ng naturang pulis saka siya mabilis na isinakay sa patrol.

Sa presinto niya nalamang isa si Tesang sa mga nagreklamo sa kaniya dahilan upang lalo siyang manggalaiti rito. Ika niya, “Kaya pala ang tapang niyang habulin ako ng walis-tingting, ha? Magkakaalaman tayo paglaya ko!”

“Naku, matagal-tagal pa bago ka makalaya,” sabat ng isang pulis dahilan upang lalo siyang mainis.

Sising-sisi siya sa lahat ng kasalanang ginawa dahil bukod sa nilimas ng mga pulis ang kaniyang mga naipundar na gamit at pera, idinala pa ng mga ito ang kaniyang anak sa simbahan upang doon muna ipaalaga dahilan upang labis siyang manlumo.

Doon na niya napagtantong ang pag-asenso niya dahil sa maling gawain ang siyang makapagdadala sa kaniya sa lugar na kaniyang kinakatakutan. Bumalik man siya sa dating buhay na walang pera ni singko, natutunan naman niyang maging tapat sa buhay.

Advertisement