Inday TrendingInday Trending
Siniraan ng Ina ang Anak para Makahingi ng Pera sa Pamangkin na Nasa Ibang Bansa; Kahihiyan ang Idudulot ng Kaniyang Pagsisinungaling

Siniraan ng Ina ang Anak para Makahingi ng Pera sa Pamangkin na Nasa Ibang Bansa; Kahihiyan ang Idudulot ng Kaniyang Pagsisinungaling

“Angie, salamat nga pala sa padala mo sa akin. Nakuha ko na kaninang umaga. Malaking tulong ito upang makabili ako ng gamot. Ang hirap talaga ng tumatanda at marami nang kailangan,” saad ni Berta sa kaniyang pamangkin na nasa ibang bansa.

“Walang anuman po, tiya. Nagkataon lang din na nakakaluwag-luwag na ako ngayon kaya kahit paano ay nakakapagpadala ako ng pera. Kung may kailangan pa po kayo ay sabihin n’yo lang sa akin. Sino pa ba ang magtutulungan kung hindi tayo ring magkakamag-anak. Pagdamutan n’yo na po ‘yan,” saad naman ni Angie.

Pagbaba ng telepono ay maligayang binilang ni Berta ang limang libong pisong padala sa kaniya ng pamangkin.

Agad niya itong itinago nang makita niyang paparating na ang kaniyang panganay na anak na si Carla.

“”Nay, nag-uwi po ako ng pansit. Saka binili ko na rin po ang mga gamot n’yo para sa dalawang linggo. Sa susunod na sahod na lang po ako ulit bibili. Kumain muna kayo bago kayo uminom ng gamot,” saad naman ng dalaga.

“Sige lang at busog pa ako. Siya nga pala, Carla. P’wede ko bang hilingin sa’yo na huwag ka na munang nagpo-post ng mga lakad mo sa social media? Baka kasi akalain ng tao ay mayaman tayo at baka mangutang pa sila atin!” sambit pa ng ina.

“Iba talaga ang mga tsismosa pati ba naman ang mga larawan ko ay ginagawan nila ng kwento. Pero sige po, ‘nay, hindi na po ako magpo-post,” natatawa namang wika naman ni Carla.

Maayos naman ang kita ni Carla bilang isang manager sa isang restawran. Sa katunayan nga ay magkatulong sila ng kaniyang pangalawang kapatid sa mga gastusin sa bahay. Sila rin ang nagpapaaral sa dalawa pa nilang kapatid na nasa kolehiyo rin.

Ngunit nakukulangan si Aling Bera sa ibinibigay ng kaniyang anak. Panay kasi ang alis nila ng kaniyang mga kumare at naiinis ito sa tuwing natatalbugan sa damit at gamit ng mga kaibigan.

Doon niya naisip na kumustahin ang kaniyang pamangking si Angie na isang nars sa Amerika. Nakapag-asawa na rin ito doon at may sarili nang pamilya. Minsang naglambing si Aling Berta sa pamangkin at agad naman siya nitong pinadalhan ng limang libo.

Isang araw ay may lakad muli si Aling Berta at kaniyang mga kaibigan. Nang manghingi siya ng pera kay Carla ay binigyan lamang siya nito ng limang daang piso.

“Pasensya na po kayo, ‘nay, at pamasahe na lang kasi ang natira sa akin. Binayaran ko na rin po ang kuryente at tubig. Saka nag grocery na rin po ako ng pagkain natin sa loob ng dalawang linggo,” saad ni Carla sa ina.

“Saan naman aabutin itong limang daan, Carla? Ni hapunan ay hindi ito makakabili. Hindi na lang ako sasama sa mga kaibigan mo dahil mapapahiya lang ako,” sambit naman ng ginang.

“Pasensya na po talaga kayo, ‘nay. Susubukan kong manghiram sa mga kaibigan ko,” dagdag pa ng dalaga.

“Huwag na at ako na ang gagawa ng paraan!” wika muli ng ina.

Naisipan ni Aling Berta na muling tawagan ang kaniyang pamangkin na nasa Amerika.

“Pasensya ka na, Angie, kaso ikaw lang talaga ang malalapitan ko. Alam ko kasing ikaw lang ang makakaunawa sa akin at sa kalagayan ko. Matanda na kasi ako at wala nang pakinabang kaya kung tratuhin na lang ako ng mga anak ko ay basta gano’n na lang. Hindi ko alam kung paano ako makakabili ng gamot na iniinom ko sa araw-araw para sa kolesterol ko at presyon. Kung lalapit naman ako sa iba ay magiging mukhang masama ang mga anak ko,” nagpapaawang sambit ni Aling Berta.

“Bakit naman ganiyan ang mga anak ninyo, tiya! Bakit pati pambili ng gamot ay hindi nila maibigay sa inyo? Hayaan n’yo, tiya, at buwan buwan ay padadalhan ko kayo ng pambili. Huwag na po kayong mag-alala dahil ako na po ang bahala. Sana ay matauhan ang mga anak n’yo sa masamang ginagawa nila sa inyo!” saad naman ni Angie.

Mula noon ay buwan-buwan nang nakakatanggap si Aling Berta ng allowance mula kay Angie. Pilit niyang sinisiraan ang kaniyang mga anak na kesyo hindi raw nagbibigay ang mga ito at tinitipid din daw siya sa pagkain. Sa awa naman ni Angie ay sinuportahan niya ang kaniyang tiyahin at nag-umpisa na rin siyang magalit sa kaniyang mga pinsan.

Isang araw ay nagpost sa social media si Carla ng isang bagong selpon. Bigay ito ng kompanyang pinagtatrabahuhan ng dalaga. Ngunit nagulat na lamang si Carla nang mabasa ang komento ng kaniyang pinsang si Angie sa naturang post.

May bago kang telepono pero hindi mo man lamang mabilhan ng gamot ang matanda mong ina! Anong klaseng anak ka?

Agad niyang tinanong ang kaniyang ina kung saan nanggagaling ang galit sa kaniyang ito ng pinsang si Angie.

“Hindi ko alam sa kaniya! Baka nagkamali lang siya ng kinomentuhan. Huwag mo nang kausapin at baka lumaki lang ang gulo. Hayaan mo at ako na ang kakausap!” wika naman ng ina.

Ngunit lalong naghinala itong si Carla mula sa tinuran ng kaniyang ina. Malaki ang kaniyang paghihinala na may kinalaman ang ina sa lahat ng ito. Kaya agad na tinawagan ni Carla itong si Angie.

“Ate Angie, mawalang galang na sa iyo pero hindi totoo ang sinasabi mo. Inuuna ko nga lagi ang gamot ni nanay. Saka hindi ko binili ang selpon na ‘to. Bigay sa akin ito ng kompanyang pinagtatrabahuhan ko,” paliwanag ni Carla.

“Huwag ka nang magmalinis, Carla. Sinabi na sa akin ni Tita Berta ang lahat! Sinabi niya sa akin kung paano n’yo tratuhing magkakapatid ang nanay n’yo! Hindi na kayo nahiya! Mga wala kayong utang na loob. Ako pa ang nagbibigay ng pambili ng gamot ng nanay n’yo!” bulyaw ng pinsan.

“Kahit kailan ay hindi kami nanghingi sa iyo, Ate Angie. Alam ng Diyos na ako ang nagbibigay kay nanay! Saka lagi namin siyang iniintindi dito sa bahay,” depensa naman ni Carla.

Upang malinawan ang lahat ay pinakausap ni Carla sa ina si Angie.

“’Nay sabihin n’yo nga dito kay Ate Angie kung ano talaga ang ginagawa naming magkakapatid para sa pamilyang ito. Bakit niya ako sinusumbatan gayong hindi naman siya ang nagpapakain sa atin?!” sambit ni Carla na labis na ang sama ng loob.

Dito na lumabas ang lahat ng katotoohanan. Nanlumo si Carla nang malamang sinisiraan pala sila ni Aling Berta upang makahingi sa kaniyang pinsan na nasa Amerika.

Nang malaman naman ni Angie ang buong katotohanan ay labis siyang nainis sa tiyahin.

“Hindi n’yo naman kailangang gumawa ng kwento para makahingi ng tulong akin. Hindi naman po ako madamot. Saka hindi rin patas sa mga anak n’yo ang ginawa n’yong kasinungalingan. Pinag-away n’yo pa kaming dalawa ni Carla,” sambit ni Angie sa tiyahin.

Labis na kahihiyan ang naramdaman ni Aling Berta sa puntong iyon. Lubos ang kaniyang paghingi ng tawad sa kaniyang anak at sa pamangkin. Nanghingi din ng paumanhin sina Carla at Angie sa isa’t isa dahil sa hindi pagkakaunawaan.

Nagdamdam man si Carla sa ginawang ito ng kaniyang ina ay pinatawad pa rin niya ito sa pangakong hindi na ito muling uulitin pa ni Aling Berta.

Samantala, nadala naman si Angie sa pagbibigay ng tulong sa kay Aling Berta kaya hininto na niya ang pagpapadala ng pera. Magpahanggang ngayon ay hindi pa rin maalis ni Aling Berta ang kahihiyan dulot ng ginawa niyang paninira sa mga anak.

Advertisement