Inday TrendingInday Trending
Tampulan ng Tukso ang Batang Lumalangoy sa Ilog para Makapasok sa Paaralan; Magugulat ang Lahat sa Swerteng Naghihintay para sa Kaniya

Tampulan ng Tukso ang Batang Lumalangoy sa Ilog para Makapasok sa Paaralan; Magugulat ang Lahat sa Swerteng Naghihintay para sa Kaniya

Humahangos at basang basa pa itong si Joshua nang makarating sa kanilang paaralan. Ayaw man niyang mahuli sa klase ay wala siyang magawa dahil kailangan pa niyang tumawid ng ilog para lang makarating sa eskwela. Wala namang bangkang kayang maghatid sa kaniya kaya tinitiis ni Joshua ang paglangoy sa ilog araw-araw.

Dahilan ito para maging tampulan siya ng tukso ng ilang kamag-aral.

“Malapit nang maging siyokoy si Joshua. Hindi na ako magugulat kung isang araw ay bigla na lang siyang tubuan ng hasang at kaliskis,” sambit ng kaklaseng si Amir.

Dinig sa buong pasilyo ang tawanan ng lahat ng estudyante habang hiyang hiya naman itong si Joshua na tinutuyo ang kaniyang damit.

“Tigilan n’yo ang panunukso n’yo kay Joshua! Buti pa nga siya ay masikap na mag-aral hindi kagaya ng iba sa inyo. Narito lang kayo sa paaralan dahil sa kailangan at pinilit kayo ng magulang n’yo,” wika ng gurong si Ginang Cruz.

“Sige na, Joshua, at magpalit ka na ng uniporme baka magkasakit ka pa niyan at hindi ka makapasok sa susunod na araw. Hihintayin kita saka ko sisimulan ang klase,” saad pa ng mabait na guro.

Labis ang pasasalamat ni Joshua dahil sa tuwina’y ipinagtatanggol siya ng kanilang guro.

Ngunit kahit na pinagsabihan ni Ginang Cruz ang kaniyang mga estudyante ay mayroong paring matitigas ang ulo na laging tinutukso at minamaliit itong si Joshua. Isa na rito ang mayabang na si Amir.

“Akala mo siguro ay mapapahinto ako ng guro natin sa pang-aasar sa’yo, ‘no?! Maaaring ngayon ay nakakapag-aral ka pero malaki ang posibilidad na hindi ka makapagtapos ng pag-aaral dahil bangka nga lang ay wala ang pamilya mo!” saad ni Amir kay Joshua.

“Alam mo, ang dapat sa’yo ay tumigil na ngayon pa lang dahil sinasaktan at pinapagod mo lang ang sarili mo! Wala rin namang mapupuntahan ang buhay mo kung hindi sa pangingisda. Tumambay ka na lang sa ilog at mamingwit, magkakapera ka pa!” pangungutya muli ng kaklase.

Pinipigilan lamang ni Joshua ang kaniyang mga luha upang ipakita sa mga ito na hindi siya naaapektuhan. Ngunit sa kaniyang kalooban ay nais na niyang maghumiyaw.

Tumalikod na lamang si Joshua at hindi na pinatulan pa ang mga salbaheng kaklase.

Ilang sandali pa ay nakita ni Ginang Cruz na tila malungkot at may bumabagabag kay Joshua. Agad niya itong nilapitan upang kumustahin.

“Ayos ka lang ba, Joshua? Bakit parang malungkot ka? May problema ba?” tanong ni Ginang Cruz sa estudyante.

“Wala naman po, ma’am. Iniiisip ko lang po kung hihinto na ako ng pag-aaral. Ngayong elementarya pa lamang po ako ay hirap na kami sa pag-aaral ko. Paano pa kaya kung mag hayskul ako. Lalo na po sa kolehiyo. Tiyak kong hindi na kakayanin pa iyan ng mga magulang ko,” saad ni Joshua sa guro.

“Alam mo, Joshua, hanga ako sa dedikasyon mo para matuto. Huwag kang mawawalan ng pag-asa. Laging gising ang Panginoon. Lagi kang magdarasal sa Kaniya sapagkat ibibigay Niya ang nais ng iyong kalooban. Hanggang kaya ko ay tutulungan kita,” saad pa ng guro.

Nabuhayan muli ng loob itong si Joshua at ipinagpatuloy niya ang kaniyang pag-aaral. Araw-araw ay tinitiis niyang languyin ang ilog upang siya ay makapasok sa paaralan.

Kahit na palagi siyang tampulan ng tukso ay hindi na lang niya ito inintindi. Ang tanging nasa isip lamang niya ay kung paano mapagtatagumpayan ang pagsubok sa kaniya upang makapagtapos ng pag-aaral.

Isang araw habang lumalangoy sa ilog papasok ng paaralan ay may namataan si Joshua na tila may isang batang nalulunod sa malalim na parte ng ilog. Hindi nagdalawang-isip si Joshua at agad niya itong nilangoy upang kaniyang sagipin. Halos wala nang buhay ang bata nang kaniyang iahon sa ilog.

Bago pa man makarating sa batuhan ay may dalawang banyagang humahangos at papalapit sa dalawang bata.

Kanina pa pala hinahanap ng mag-asawang ito ang kanilang anak. Nang makita nilang iniligtas ni Joshua ang bata mula sa pagkakalunod ay labis siyang hinangaan ng mga ito. Isang bayani ang turing sa kaniya ng mag-asawang banyaga.

Labis ang pasasalamat ng mag-asawa sa pagkakaligtas ni Joshua sa kanilang anak.

Nang malaman ng banyagang mag-asawa ang buhay na dinaranas ni Joshua ay labis na naawa ang mga ito. Lalo na nang malaman nilang kaya nasa ilog ang bata nang panahon na iyon ay dahil kailangan niya itong tawirin para makapasok lamang sa paaralan.

Humanga ang dalawa sa dedikasyon sa pag-aaral at sa pagsuong sa buhay ni Joshua. Bilang pasasalamat sa kabayanihang ginawa ng bata sa kanilang anak ay inalok nila si Joshua upang sumama sa kanila sa ibang bansa at doon na mag-aral.

Hindi makapaniwala ang bata sa magandang balitang ito. Bukod pa sa pag-aaralin siya sa ibang bansa ay bibigyan din ng mag-asawang banyaga ng kabuhayan ang kaniyang mga magulang nang sa gayon ay makaahon na ang mga ito kahit paano sa kahirapan.

Nang makarating naman ang balitang ito sa eskwelahang pinapasukan ni Joshua ay marami ang nainggit sa kaniya. Alam kasi nilang ang pagpunta sa ibang bansa ni Joshua ay isang malaking pagkakataon para mabago na ang kaniyang buhay.

“Binabati kita, Joshua. Masaya ako sa magandang buhay na naghihintay sa’yo sa ibang bansa. Nawa’y makatapos ka ng pag-aaral at gamitin mo ang pagkakataon na ito upang umunlad ka. Hindi ko makakalimutan na nagkaroon ako ng isang estudyante na gaya mo. Lagi kitang ipagmamalaki,” saad ni Ginang Cruz kay Joshua.

“Maraming salamat din po, Ginang Cruz. Dahil sa inyo ay hindi ako nawalan ng pag-asa. Tunay ngang nariyan ang Panginoon at dininig niya ang aking mga panalangin,” sambit namna ni Joshua.

Tuluyan nang umalis ng bansa si Joshua upang mag-aral sa Amerika. Dahil sa galing niyang lumangoy ay naging isang magaling siyang manlalaro ng paaralan. Nang makatapos ng pag-aaral ay kinuha na rin niya ang kaniyang mga magulang upang doon na rin sila sa Amerika manirahan.

Labis ang pasasalamat ni Joshua sa Panginoon dahil sa isang iglap lang ay nabago ang kaniyang buhay. Palaging tatanawin ni Joshua ang araw na tinupad ng Diyos ang kaniyang mga kahilingan.

Advertisement