Hiniwalayan ng Isang Ginang ang Asawang Nais ng Simpleng Buhay; Bandang Huli’y Tunay na Kaligayahan ang Nakamit ng Ginoo
“John, ano itong sinasabi ng daddy na napahiya raw siya sa meeting kanina dahil hindi ka raw sumipot? Hindi ba napag-usapan na natin ang bagay na ito? Mahalaga para sa kompanya ang meeting na ‘yun. Kung hindi ka naghanda ay sana’y nagpasabi ka man lang hindi ‘yung bigla ka na lang hindi sisipot!” galit na sita ni Alice sa kaniyang asawa.
“Ilang beses ko nang sinasabi sa’yo na hindi ko gusto ang trabaho ko sa kompanya. Sawang-sawa na akong maging tauhan lang ng daddy mo. Napapagod na akong tratuhin niya ako na parang surot lang dahil trabahador lang niya ako. Gusto ko nang umalis sa kompanya, Alice. Nais kong magsimula ng bagay na pinaghirapan ko talaga,” saad pa ni John.
“Tungkol na naman ba ito sa sa sinasabi mong farm na gusto mong bilhin? Wala diyan ang pera ngayon, John! Bakit mo pa ba nanaisin na magsimula sa baba gayong nasa itaas na tayo? Ako rin naman ang magmamana ng lahat ng mga ari-arian at mga negosyo ng pamilya namin kaya dapat ay ngayon pa lang ay matuto ka na. Tawagan mo ang daddy ko at humingi ka ng tawad. Pumasok ka bukas sa opisina at pagbayaran mo ang hindi mo pagsipot sa meeting!” wika pa ni Alice.
Malaki ang agwat sa pamumuhay nila Alice at John. Noon pa man ay wala nang bilib sa ginoo ang ama ni Alice. May kaya man ang pamilya ni John ay hindi pa rin matatawaran ang yaman ng pamilya nila Alice. Pilit pa ring pinaglaban ni John ang kaniyang pagmamahal sa dalaga hanggang tuluyan silang ikasal.
Hangad ni John ang isang simpleng pamumuhay kasama ang pinakamamahal. Ngunit malayong malayo ito sa buhay nila ngayon ng asawa. Subsob ang dalawa sa trabaho. Nais man ni John na magsimula na sila ni Alice ng sarili nilang pamilya ay tutol dito ang asawa. Sunud-sunuran pa rin kasi si Alice sa kaniyang ama lalo na pagdating sa negosyo.
Masama man sa kalooban ni John ay tinawagan niya ang kaniyang biyenan upang humingi ng tawad. Ayaw na kasi niyang magtalo pa sila ng kaniyang asawa. Ngunit sa totoo lamang ay hindi lang alam ni Alice kung gaano nais ni John na mawala sa anino ng kanilang pamilya.
“Walang mararating ang pagmamatigas mong iyan, John. Akala mo ba’y may mararating ang ugali mong ganyan sa negosyo? Hindi na nakakapagtaka kung bakit hindi yumayabong ang kahit anong departamentong ipahawak ko sa iyo. Hindi ko alam kay Alice kung ano ang nakita niya sa iyo at ikaw pa ang pinili niyang pakasalan. Marami namang nanliligaw sa kaniya na galing sa prominenteng pamilya. Marahil ay bunga na rin ito ng kaniyang pagrerebelde sa amin noon. Ngunit hindi na lang niya maitama dahil malaki itong kahihiyan kaya pinanindigan na lamang niya,” pahayag ng biyenang lalaki ni John.
Labis na nasaktan si John sa pangmamaliit na ito ng kaniyang biyenan. Akala pa naman niya ay magiging maayos na ang lahat kung siya ang magpapakumbaba.
Dahil hindi na makayanan pa ni John ang lahat ng panglalait at pangmamaliit sa kaniya ng ama ng asawa. Dito na niya napagpasyahan na kausapin si Alice.
“Hindi ko na kaya pa ang lahat ng ito, Alice. Tanggap ko naman na magkaiba ang mundo natin pero hindi n’yo na ‘yun kailangan pang ipamukha sa akin araw-araw. Minahal kita hindi sa yaman na taglay mo. Akala ko kapag nagpakasal na tayo ay mas magiging maligaya tayong dalawa pero hanggang ang mga magulang mo ang nagpapatakbo ng buhay natin ay hindi natin magagawa iyon,” saad ni John sa asawa.
“Anong gusto mo, John? Sumama ako sa iyo sa sinasabi mong farm para magpastol ng mga hayop at magtanim ng mga halaman? Hindi ganiyang buhay ang gusto ko! Hindi mo ba kayang magpasalamat man lang dahil sa nagawa na ng daddy ko ang lahat para sa buhay na inaasam natin. Ipagpapatuloy na lang natin ang nasimulan niya! Anong mapapala mo sa pagkakaroon ng simpleng buhay! Hindi ka magiging maligaya lalo na sa mundong pera ang nagpapaikot” nagagalit na tugon naman ni Alice.
“‘Yan ang problema sa inyong mayayaman. Ang akala n’yo ay mabibili ng pera ang kaligayahan. Pinapipili kita ngayon, Alice, sasama ka sa akin, simple man ang buhay ngunit sinisigurado ko sa’yo na magiging masaya tayo. Gagawa tayo ng sarili nating pamilya! O habang buhay ka na lang na magiging sunud-sunuran sa pamilya mo?’ pahayag pa ng ginoo.
Walang kagatol-gatol na sumagot si Alice sa kaniyang asawa.
“Patawad pero hindi ko kayang iwan ang buhay na meron ako ngayon. Kung hindi mo kayang sumunod sa pamilya ko ay baka hindi ka nga nararapat na mapabilang sa amin,” saad naman ng ginang.
Nang gabi ding iyon ay nagpasya ang mag-asawa na maghiwalay. Nalulungkot man si John sa sinapit ng relasyon nilang mag-asawa ay pilit siyang bumangon. Pilit niyang tinanggap na mas matimbang ang pera kay Alice kaysa sa kaniya na asawa nito.
Sa kakaunting naipon ni John ay nagsimula siya ng isang maliit na farm. Habang nasa probinsya ay nakilala ni John ang dalagang si Celia. Simple lamang ito at lubos siyang nauunawaan nito.
Hindi nagtagal ay nahulog ang loob nila sa isa’t isa. Sinamahan ni Celia si John sa nais nitong gawin sa buhay. Lagi siyang nakasuporta dito. Naging masaya naman ang kanilang pagsasama.
Nang magkrus muli ang kanilang landas ay minaliit ni Alice ang pamumuhay ng dalawa.
“Pinagpalit mo ang lahat ng yaman na mayroon ako para lang sa buhay na ganito? Tama nga ang daddy ko, nahihibang ka na at wala ka sa tamang pag-iisip. Hindi ka talaga nababagay sa pamilya namin. Hindi ko talaga alam kung ano ang nakain ko at nagpakasal ako sa isang taong mababang uri na kagaya mo!” pagmamaliit ni Alice sa dating asawa.
Dahil hindi na nakatiis si Celia sa mga sinasabi ni Alice ay ipinagtanggol niya si John.
“Magkakaiba talaga ang pananaw ng mga tao. Mabuti na lamang ay hindi ako pinalaki ng magulang ko na tulad mo. May pagpapahalaga ako sa mga bahay, maliit man o malaki. Ikaw ang nawalan dahil hindi mo makita ang busilak na kalooban ni John. Hindi ako nagtataka kung bakit kahit kailan ay hindi mapunta ang kompanya niyo sa rurok ng tagumpay dahil wala kayong mga puso at pera lang ang nagpapaandar ng buhay n’yo! Tama ang sabi ng daddy ko hindi n’yo kami matatalo kailanman dahil mayroon kami na wala kayo,” wika pa ni Celia.
Labis na nagtataka si Alice sa kung ano ang sinasabi nitong si Celia.
“Anong binatbat ng isang klaseng babaeng gaya mo sa tulad ko? Hindi mo maaabot ang lahat ng mayroon ako ngayon!” galit na sambit ni Alice.
“Naabot ko na ang lahat ng naabot mo at nalampasan ko pa! Ang daddy ko lang naman ang may-ari ng numero unong kompanya sa bansa. Pero mas pinili namin na mamuhay ng simple. Hindi kami gaya n’yo na ginawang diyos ang pera!’ wika pa ni Celia.
Lubos na ikinagulat ni Alice ang pag-aming ginawang ito ni Celia. Hindi niya akalain na ang babaeng kaniyang minata ay ang kaisa-isang tagapagmana ng pinakamalaki at pinakamaunlad na kompanya sa bansa.
Maging si John ay nagulat dahil buong akala niya ay anak ng simpleng magsasaka lamang itong si Celia.
“Patawad kung hindi ko inamin sa’yo, John. Nais ko kasing magmahalan tayo nang hindi mo iniisip ang apelyido ko. Nais ko rin namang mamuhay ng simple tulad mo dahil ang makasama ka ay tunay na kaligayahan para sa akin,” saad pa ni Celia.
Hindi na nakaimik pa si Alice at dahil sa labis niyang inis ay tinalikuran na lang niya ang dalawa. Hindi niya akalain na mas magandang buhay pala ang naghihintay para kay John sa piling ng iba.
Habang si John ay namuhay ng simple at masaya kasama si Celia at kanilang mga anak, binalot naman ng lungkot at pag-iisa itong si Alice.
Dalangin ni John na isang araw ay mapagtanto ng kaniyang dating asawa na hindi lamang sa materyal na bagay, karangyaan, at kapangyarihan nasusukat ang tunay na kaligayahan kung hindi sa wagas na pag-ibig mula sa iyong minamahal.