Hinusgahan ng mga Taga-Baryo ang Binatang puro Tattoo sa Katawan, Natameme Sila nang Malaman Nila ang Katotohanan
“Nakita mo ba ang anak ni Nanding? Umuwi kahapon dito galing Maynila. Aba’y ‘pag nakita mo’y tadtad ng tato ang katawan! Nakakatakot siya!” tsismis ni Aling Precy sa kapitbahay na si Aling Gloria.
“Siguro kaya tumira sa Maynila ang binatang iyon ay tinatago ni Nanding. Hindi ba, noon pa man ay sakit na ‘yun ng ulo ng mga magulang niya? Kaya marami sigurong tato ay dahil labas masok sa bilibid,” tugon naman ni Aling Gloria.
“Dapat pala ay sabihan natin si Nanding na huwag nang pauwiin dito ang kaniyang anak dahil nananahimik ang baryo natin. Baka mamaya ay ‘yung anak pa niya ang magkalat ng gulo dito,” saad pa ni Aling Precy.
Laman ng tsismisan ng mga ginang at matatanda ang kauuwi lang na anak ni Mang Nanding na si Stephen. Halos labing dalawang taon din itong hindi nauwi ng kanilang baryo dahil tumira na sa Maynila.
Marami ang haka-haka sa kanila noon na nakabuntis daw itong si Stephen. Ang sabi ng iba ay napasok daw ito sa gulo kaya itinago ng kaniyang ama. Hanggang sa lumaki na ang istorya dahil tikom ang bibig ni Mang Nanding tuwing tatanungin ang tunay na kalagayan ng anak.
Hanggang sa kumalat na nga ang balitang may kr*men daw itong ginawa kaya nagtago. Lalo pang nagpatibay ng kanilang haka-haka nang biglang umuwi si Stephen ng wala man lamang pasabi sa kaniyang ama.
“Nakita ko nga nang bumaba ng sasakyan. Parang gulat na gulat si Nanding at narito ang anak niya! Sa pagkakarinig ko ay sinasabihan pa ni Nanding na bumalik na lang ng Maynila at siya na ang dadalaw. Tapos ay nakita ko nga na tadtad ng tato si Stephen!” kwento muli ni Aling Precy.
“Mahabaging Diyos, baka mamaya ay kung ano na ang gawin ng binatang iyon dito sa lugar natin. Lagi ko pa namang napapagalitan ‘yun nung araw. Iba ang tingin sa akin baka mamaya ay gantihan ako,” sambit naman ni Aling Gloria na nananginginig pa sa takot.
Buhat nang magbalik si Stephen sa kanilang baryo ay walang ginawa ang mga ginang kung hindi manmanan ang kilos ng mag-ama lalo na ng binata.
Isang hapon ay humahangos pa itong si Aling Gloria na nagtungo sa mga kumare niya upang ikwento ang kaniyang narinig mula sa pag-uusap ng mag-ama.
“Narinig ko mismo sa bibig ni Nanding na pinapabalik na niya ang anak niya sa Maynila. Ang sabi pa niya ay wala raw mangyayari sa buhay ni Stephen kung babalik pa ito dito. Ngunit pinipilit ni Stephen na manatili siya sa piling ng ama,” pahayag ng ginang.
“Ang malala pa do’n ay narinig ko kay Nanding na sinabi niya sa anak na matagal niya raw inilihim ang lahat sa mga tagabaryo ang lahat tapos ay sa pagbabalik ng anak ay mauungkat pa rin ito. Nagmatigas si Stephen kaya nauwi ito sa kaunting pagtatalo,” dagdag pa ni Aling Gloria.
“Humingi na kaya tayo ng tulong sa mga awtoridad? Nangangamba ako para sa buhay natin dahil alam ng mga iyan na lagi natin silang pinag-uusapan. Sila naman din kasi ang may kasalanan dahil kung wala silang masamang ginagawa ay wala sanang lihim na dapat ungkatin,” wika ni Aling Precy sa mga kumare.
Ilang sandali pa ay nagdaan sa kanilang harapan ang binatang si Stephen ay kinumusta sila.
“Hindi ko na kayo nakilala, Aling Gloria. Parang dati lang ay wala kayong ginawa kung hindi sigawan ako. Pasensiya na po kung makulit ako noon. Hayaan n’yo po at babawi ako sa inyo,” saad ni Stephen sa ginang.
Kinabahan lalo si Aling Gloria sa sinabing ito ni Stephen. Sa kaniyang palagay kasi ay nagbabanta na si Stephen.
“Gaganti talaga siya sa akin, Precy! Kapag may nangyaring masama sa akin ay alam n’yo na kung sino ang kailangang managot,” saad pa ng takot na takot na ginang.
Lumipas ang mga araw at napapansin na ni Stephen na iba na ang pakitungo sa kaniya ng kanilang mga kapitbahay. Iwas na ang mga ito sa kaniya at tila lagi siyang pinag-uusapan ng mga ito.
“Sinabi ko na sa’yo na bumalik ka na ng Maynila. Doon ay mas magiging malaya ka. Mas makakakilos ka ng gusto mo. Sisikip lang ang mundo mo dito. Hindi ka dapat narito, anak,” saad pa ni Mang Nanding.
Ang hindi alam ng mag-ama ay nakikinig sa kanilang usapan ang ilang kapitbahay. Dahil sinabi ni Mang Nanding ay agad na tumawag ng tauhan ng barangay sina Aling Precy at Aling Gloria. Maging ang iba ay tumawag na rin ng pulis dahil sa tingin nila ay itinatago ni Mang Nanding ang kr*minal niyang anak.
Nang makarating ang mga awtoridad ay takang taka si Stephen kung bakit siya hinuhuli.
“A-ano po ba ang kasalanan ko?” tanong ng binata sa mga pulis.
“May ginawa ka raw kr*men noong araw kaya ka nagtatago. Nangangamba ang mga tiga rito na baka raw mapahamak sila. Sumama kayo sa himpilan upang magpaliwanag,” saad ng pulis.
“Ano naman ang katibayan nila para akusahan ako ng ganiyan? Dahil lang ba sa puno ng tato ang katawan ko?” saad naman ni Stephen.
Doon ay sinabi ng mga ginang ang narinig nilang usapan ng mag-ama. Natawa na lamang si Stephen sa dahilan ng mga kapitbahay.
“Hindi ba sinabi ko na sa iyo na wala kang mahihita sa lugar na ito. Ito ang dahilan, Stephen! Bumalik ka ng Maynila dahil mas may kinabukasan ka doon. Alam mo naman ang mga taga-rito. Huhusgahan ka base sa panlabas mong kaanyuan,” sambit ni Mang Nanding sa anak.
“Mali po ang lahat ng iniisip n’yo sa akin. Wala po akong kr*men na ginawa. Nasa Maynila po ako ng matagal dahil nag-aral ako ng medisina. Ganap na po akong doktor at nang mabalitaan kong walang doktor dito sa baryo natin ay pinili kong bumalik dito para pagsilbihan ang mga taga-rito,” paliwanag ni Stephen.
“Ngunit ayaw kong narito siya sapagkat alam ko ang ugali ng mga taga-rito! Kahit anong kabutihang gawin niya ay may masasabi pa rin ang mga tao. Tingnan n’yo nga, hindi n’yo naman kilala na ang anak ko ay pinagbintangan n’yo agad siyang nakagawa ng kr*men dahil lang sa marami siyang tato at dahil sa ayaw kong sagutin noon kung bakit siya nasa Maynila. Nais kong patahimikin n’yo ang pamilya namin sa tsismis!” wika pa ni Mang Nanding.
Halos hindi na makaharap pa itong sina Aling Precy at Aling Gloria. Labis silang napahiya nang malaman nila ang buong katotohanan. Labis ang paghingi nila ng tawad kay Nanding at sa anak nitong si Stephen na nais lamang palang gumawa ng mabuti.
Samantala, hindi pinakinggan ni Stephen ang payo ng ama na bumalik na lamang ng Maynila. Nanatili siya sa baryo upang maging doktor doon at nang makasama na rin niya ang amang tumatanda.
Buhat noon ay natutunan ng mga taga-baryo ang isang malaking aral na huwag basta humusga ayon sa panlabas na anyo lamang.