Naloko ang Babae na Pinangutang pa ang Kaniya Sanang Pangingibang Bansa; Ano ang Kapalarang Naghihintay sa Kaniya?
“Kumain ka muna, anak,” paanyaya ng kaniyang ina.
Tinignan ni Marina ang pagkain na inaalok nito. Pinaghati-hati nito ang isang lata ng sardinas para sa kanilang magkakapatid ngunit hindi iyon sapat upang matugunan ang kumakalam na sikmura nila.
Alam niya rin ilang araw nang walang pumapasok na pagkain sa tiyan nito, kaya naman pinili niya nang magpaubaya.
“Hindi na ho, Nanay. Sa’yo na ‘yan, hindi naman po ako gutom,” pilit ang ngiting sagot niya kahit ang totoo ay kumakalam din ang kaniyang sikmura.
Kinuha na ang kaniyang mallit na bayong.
“Alis na po muna ako. Mayroon raw pong ipapalaba si Aling Gloria. Pambili rin po iyon ng bigas, sayang naman,” paalam niya sa ina.
Sa ngayon ay paglalaba ang ginagawa niya para kumita.
Ganito ang araw-araw na lagay ng pamilya ni Marina. Mangingisda ang kaniyang ama ngunit simula nang magkasakit ito ay mas lalo silang naghirap. Napilitan siyang huminto sa pag-aaral, ang kaniyang ina naman ay mahina ang pangangatawan at ‘di nya maatim na pagtrabahuin pa kaya naman heto siya’t sinusubukang kumayod para sa mga ito.
“Naghahanap ka ba ng trabaho? Mukhang hindi madali ang paglalabada. Sayang naman ang kamay mo, lapnos na lapnos na,” komento ng isang lalaki na hindi pamilyar sa kaniya. Sumulpot lang ito mula kung saan.
“Sino po kayo?”
“Joey ang pangalan ko, galing akong Maynila. Naghahanap kasi ako ng mga gustong magtrabaho sa ibang bansa dito sa lugar niyo, baka interesado ka? Malaki-laki rin ang bayad,” pang-eengganyo nito.
“Hindi po ako nakatapos ng pag-aaral e. May tatanggap ba sa akin?”
Ang totoo ay matagal niya na iyong naiisip. Kahit na mapudpod pa ang kamay niya sa kakalaba ay hindi iyon kailanman magiging sapat para mapakain ang pamilya at mapatingnan ang ama sa doktor.
“Aba oo naman, mukha ka namang masipag at saka bata ka pa. Pag-isipan mo ha, tawagan mo lang ako,” bilin nito. Nag-iwan ito ng numero para tawagan kapag nakapagdesisyon na siya.
Ilang araw niya iyong pinag-isipan hanggang sa tuluyan na siyang makagawa ng desisyon.
“Aba, sigurado ka ba anak? Mahirap doon dahil mag-isa ka lang,” nag-aalalang komento ng kaniyang tatay.
“Opo, Tatay. Kaysa naman nandito nga ako, nagugutom naman tayo.”
Hinawakan nito ang kaniyang kamay.
“Pasensiya ka na, anak, ha? Kung hindi ako magkasakit, hindi ka mapipilitang itaguyod ang pamilya natin,” tila naluluhang pahayag nito.
Tila naman may kumurot sa kaniyang puso sa sinabi nito. “Ayos lang, ‘Tay. Hindi niyo naman ginustong magkasakit ‘di ba? Habang hindi pa ako magaling, hayaan niyo muna ako.”
Kahit kailan ay hindi siya nagdamdam sa mga magulang dahil alam niyang masipag ang mga ito at ginagawa ang lahat para sa kanila.
Iyon na nga ang nangyari. Nangutang pa siya ng pera sa kapitbahay dahil kailangan daw ng pera ni Joey, bayad sa ahensiyas na magpoproseso ang mga papeles na kailangan. Malaki-laki rin ang binayad ngunit may tiwala siyang mababayaran niya rin iyon agad dahil malaki naman ang kikitain niya.
“Ingat ka doon, ha. Tatawag ka kapag may problema,” umiiyak na habilin ng ina.
Tumango siya at niyakap ito.
Niyakap niya rin ang mga kapatid at pagkatapos ng mahabang pagpapaalam ay sumakay siya sa bus na magdadala sa kaniya sa Maynila. Bitbit niya ang pag-asa na mabibigyan ng mas maayos na buhay ang pamilya.
Subalit tila pinagbagsakan siya ng langit at lupa nang makarating siya sa ahensya na dapat sana ay mag-aasikaso ng kaniyang papeles.
“Ano pong ibig niyong sabihin na walang Joey Hernandez dito? Sa kaniya po ako nagbayad dahil ang sabi niya, siya na daw ang mag-aasikaso ng lahat, at pupunta na lang ako dito nang handa na ang mga dokumento,” paliwanag niya sa empleyado.
“Naku, Ma’am. Mukhang na-scam ho kayo. Uso ho ‘yun, eh. Kunwari magre-recruit pero nagpapanggap lang talaga, sabay takbo ng pera.”
Hindi makapaniwala si Marina sa nangyari. Nanghihina siya ngunit nang tawagan siya ng ina ay hindi niya masabi rito ang totoo.
“Ayos lang naman, ‘Nay. Ang sabi ko ay malapit na matapos ang papeles kaya baka bukas makakalipad na ako. ‘Wag po kayong mag-alala sa akin,” wika niya sa ina.
Nang ibaba na ang tawag ay tuluyan nang bumagsak ang kaniyang luha. Naalala pa niya na mayroon silang utang ngayon dahil sa ibinayad niya sa manlolokong si Joey.
Paano niya iyon mababayaran ngayon? Hindi siya pwedeng umuwi. Kailangan niyang gumawa ng paraan.
“Tutal nasa Maynila na rin ako, maghahanap ako ng trabaho dito,” sabi niya sa sarili.
Determinado siyang naglakad sa kalye, iniisa-isa ang mga restawran para mag-apply ngunit dahil hindi siya nakatapos ng pag-aaral ay hindi siya tinatanggap ng mga ito.
“Ano sa’yo, Miss?” tanong agad ng isang matandang lalaki pagkapasok niya pa lang sa isang maliit na karinderya.
Hindi kagaya ng iba na maraming tao, doon ay halos walang tao kundi dalawang kustomer.
“Um, hindi po ako nandito bilang kustomer. Mag-aapply po sana ako ng trabaho,” diretso niyang sinabi sa matanda.
Binigyan siya nito ng kakaibang paningin dahil sa sinabi niya.
“Pasensya na, hija. Hindi ako natanggap ng empleyado, wala rin naman akong madaming kustomer. Wala pa akong ibabayad sa’yo. Sa iba na lang.”
Lumapit siya dito at halos magmakaawa na. Wala siyang ibang mapupuntahan at magdidilim na rin.
“Sige na po, marami po akong kayang gawin. Maglinis, magluto, maghugas ng plato, lahat po,” patuloy na pakikiusap niya sa matanda.
Bumuntong hininga ang matanda at itinuro ang isang bakanteng upuan. Umupo ito sa kaniyang harap at tinanong siya kung ano ang nangyari. Wala siyang ibang nagawa kundi sabihin dito ang nangyari. Mukhang naawa ito sa kaniya kaya laking pasasalamat niya nang sa huli ay pumayag na rin ang matanda na nakilala niyang si Renan.
“Sige, sagot ko na ang pagkain at may maliit na kwarto dito na pwede mong tuluyan pero maliit lang ang sweldo na maibibigay ko dahil hindi naman malaki ang kita ng negosyo ko,” paalala ng matanda.
“Maraming salamat ho, Sir Renan! Hinding-hindi po kayo magsisisi!” abot-abot na pasasalamat niya sa matanda.
Subalit tila hindi man siya maambunan ng liwanag dahil bagsak na bagsak na ang karinderya. Halos walang kustomer na dumarating. Pailan-ilan lang ang pumapasok na kadalasan ay hindi pa bumabalik.
Sa totoo lang, may ideya na siya kung bakit. Dahil kasi sa kalumaan ay hindi na presentable ang lugar. Maging ang mga pagkain ay hindi na ganoon kasarap, dahil masyado nang matanda si Sir Renan para magluto.
“Oras na siguro para isara ito. Wala rin namang kumakain,” sabi nito isang araw.
Ganoon na lamang ang pagkadismaya niya. Hindi siya maaring umuwi na walang pera!
“Po? Sayang naman po!” nanghihinayang na tugon niya, lalo pa’t naikwento ng lalaki na ang karinderya ay itinatag at itinaguyod pa ng asawa nitong pumanaw na.
Hanggang sa isang ideya ang sumagi sa isip niya.
“Paano po kung tulungan ko kayo tapos baguhin natin yung iba para gumanda?” suhestiyon niya.
Mula noon siya na ang nagluto at nagpatakbo ng karinderya. Binihisan niya na rin ang naturang lugar.
Walang pagod siyang nagyaya ng mga kustomer kahit na katirikan ng araw. Unti-unti ay nagkaroon ng mga kustomer na kalaunan ay naging suki na nila.
‘Di nagtagal ay nakilala rin ang munti nilang karinderya. Masayang masaya siya sa nangyari.
Tuwang tuwa ang matanda dahil hindi nito inaakala na may pag-asa pa pala ang karinderya nitong halos papalubog na.
“Maraming salamat, Marina, Hulog ka ng langit!”
Nang lumaon ay lumaki na nang lumaki ang dating maliit na karinderya, hanggang sa makapagpatayo na sila ng ibang branch.
Nagsimula siyang kumita nang malaki, hanggang sa halos halos limpak limpak na salapi kinikita niya, lalo pa’t siya ang itinuturing na utak ng matagumpay na negosyo. Siya na ang pinagkakatiwalaang kanang kamay ni Sir Renan.
Sa wakas ay hindi na maghihikahos ang kaniyang pamilya!
Labis ang ligaya at pasasalamat ni Marina. Hindi niya inakala na ang kamalasang inabot niya ang magdadala pala sa kaniya sa tagumpay. Naisip niya na hindi man laging umaayon sa ating mga plano ang nangyayari, basta’t hindi tayo mawalan ng pag-asa ay makakaahon tayo at magtatagumpay sa buhay.