Inday TrendingInday Trending
Inilayo sa Bulag na Ama ang Kaniyang Nag-iisang Anak; Ito ang Naging Dahilan ng Pagbabago ng Kaniyang Buhay

Inilayo sa Bulag na Ama ang Kaniyang Nag-iisang Anak; Ito ang Naging Dahilan ng Pagbabago ng Kaniyang Buhay

Panay ang pakiusap ni Nestor sa asawa niyang si Nelly habang nag-eempake ito ng gamit.

“Nelly, ‘wag mo naman akong iwan! Hindi ba’t sinabi ko naman sa’yo na makakaraos din ang pamilya natin?”

Narinig niya ang pagbagsak ng kung ano sa sahig.

“Anong pinagsasasabi mo, Nestor? Kailan pa mangyayari ‘yan? Ilang taon nang ako ang nagtatrabaho para mabuhay ang pamilya natin!” galit na bulalas nito.

Napayuko siya sa sinabi nito. Totoo naman. Simula noong mabulag siya higit anim na ang nakararaan ay ito na ang tumayong breadwinner ng pamilya nila.

Bago siya mabulag ay isa siyang mang-aawit. Marami siyang raket, kaya naman maayos ang buhay nila.

Subalit nang mabulag siya ay unti-unting naubos ang mga kliyente niya, kaya naman napilitan ang asawa niya na magtrabaho sa isang pabrika na malapit sa kanilang bahay.

“Aalis na kami ng anak natin! ‘Wag mo na kaming hanapin!” galit na galit na sigaw nito.

Nabigla siya sa sinabi ng asawa. Hindi nito maaaring kunin ang anak niya. Paano na siya?

“Hindi mo isasama ang anak ko! Umalis ka kung gusto mong umalis, pero iwanan mo ang anak ko!” matigas na pahayag niya.

Sarkastiko itong tumawa.

“Sa tingin mo, iiwan ko rito ang anak natin? Para ano? Para magutom siya kasama mo?”

Napaluha na si Nestor. Kakayanin niyang umalis ang asawa subalit hindi niya kakayanin na mawalay sa anak.

“Saan kayo pupunta? Mahirap magpalaki ng anak nang mag-isa, Nelly. Sinong mag-aalaga sa anak ko sa t’wing magtatrabaho ka?” usisa niya sa asawa.

“May nakilala ako. Matanda at mayaman. Handa siyang ibigay sa akin ang lahat at tanggapin ang anak natin,” mahina ang tinig na sagot nito. Marahil ay ayaw nitong marinig ng kanilang anak ang tunay na rason ng pag-alis nito.

Nanghina siya sa narinig. Subalit kilala niya ang asawa, kapag nakapagdesisyon na ito ay hinding-hindi na iyon mababago.

“‘Wag mo ako subukang kalabanin, Nestor. Kahit dalhin pa natin ang kaso sa korte ay matatalo ka lang. ‘Yun ay kung may pambayad ka sa abogado!” asik nito bago lumabas ng silid.

Wala siyang ibang magawa kundi ang mapahagulhol habang naririnig niya ang pag-iyak ng nag-iisang niyang anak na si Hannah.

“B-bakit po natin iiwan si T-tatay? S-sino na po ang m-mag-aalaga sa k-kaniya?” bulol-bulol na tanong nito sa ina.

“Pupunta na tayo sa malaking bahay, anak,” kalmadong tugon ng asawa niya, na tila hindi man lamang alintana ang malakas na pag-iyak ng sariling anak.

Nanatili siyang nakaupo sa isang sulok. Tama naman kasi ang sinabi ni Nelly. Hindi niya nga ito kayang labanan sa korte.

“Magkakasama ulit tayo, anak,” pangako niya sa anak na noon ay nakalabas na ng bahay kasama ang ina nito.

Ilang minuto lang ang lumipas bago nabalot ng katahimikan ang bahay. Ilang linggo siyang natulala at hindi malaman ang gagawin. Mabuti na lamang at may ilang kapitbahay na nagmamalasakit ang kinukumusta ang kalagayan niya. Madalas pa ay dinadalhan siya ng mga ito ng pagkain.

Hindi mawala sa isip niya ang anak. Alam niya kasi na labag sa loob nito ang pagsama sa ina lalo pa’t siya ang nagpalaki dito.

Subalit alam niya na hindi dapat doon matapos ang buhay niya. Kailangan niyang kumita ng pera para sa kaniyang anak. Kailangan nito ng ama.

Kaya naman isang araw ay gumising siya nang maaga. Naligo siya, nagbihis, at bitbit ang kaniyang lumang gitara ay nagtungo siya sa simbahan upang simulan ang kaniyang misyon.

Noong una ay walang pumapansin sa kaniyang pag-awit lalo na’t tila may kani-kaniyang mundo ang mga tao subalit sa ikatlong araw niya sa pagkanta sa simbahan ay nagsimula na rin siyang kumita.

Hindi niya maiwasang matuwa sa t’wing naririnig ang komento ng ilan sa mga dumaraan.

“Grabe, ang galing!”

“Manong, marami ho kayong napapasaya sa pag-awit niyo!”

Hindi inaasahan ni Nestor na makakabalik pa pala siyang muli sa pag-awit.

Isang araw ay ginising na lamang siya ng malakas na kalampag ng kapitbahay.

“Nestor, gumising ka! May naghahanap sa’yo!”

“Sino ho sila?” takang tanong niya.

“Ah, isa akong producer. Nakita ko kasi ang video na kumakanta ka sa tapat ng simbahan, at nagustuhan ko ang boses mo. Kung gusto mo, kukunin kita bilang singer, sisikat ka!” pang-eengganyo nito.

Kumabog ang dibdib niya sa sinabi ng babae.

“Kikita ho ba ako pera riyan?” alanganing tanong niya.

Narinig niya ang pagtawa ng babae.

“Oo naman, kikita ka nang malaki, lalo na kapag nagustuhan ng mga tao ang awitin mo!”

Iyon ang naging simula ng katanyagan ni Nestor. Bukod kasi sa nabighani ang mga tao sa kaniyang tinig ay naantig pa ang damdamin ng mga ito sa kwento ng kaniyang buhay.

Dahil marami na siyang pera ay hindi naging mahirap para sa kaniya na bawiin ang kaniyang anak na nawalay sa kaniya.

“Nestor, baka naman maaari tayong magsimula ulit bilang isang pamilya?” tanong ng kaniyang dating asawa.

Sunod-sunod na pag-iling ang isinukli niya sa babae.

“Ang anak ko lang ang kailangan ko, Nelly. Makakaalis ka na.”

Nagmakaawa ito kagaya ng pagmamakaawa niya noon subalit buo na ang kaniyang pasya.

Masayang masaya si Nestor. Kasama niya na ulit ang kaniyang nag-iisang anak, at nagagawa niya ang bagay na gusto niyang gawin, ay kumikita pa siya nang malaki!

Naisip ni Nestor na talaga namang kung minsan ay pambihira ang plano ng Diyos. Sino nga naman ba ang mag-aakala na ang pang-iiwan sa kaniyang ng kaniyang asawa ang magiging simula ng sunod-sunod na swerte sa kaniyang buhay? Mabuti na lamang at hindi siya nawalan ng pag-asa at patuloy na lumaban.

Advertisement