Inday TrendingInday Trending
Pinagtatawanan ng Dalagita ang Kaklase na Pilantod; Isang Sikreto ang Nabunyag sa Likod ng Aksidenteng Kinasangkutan Nito

Pinagtatawanan ng Dalagita ang Kaklase na Pilantod; Isang Sikreto ang Nabunyag sa Likod ng Aksidenteng Kinasangkutan Nito

Kahit paika-ika ay pinilit tumakbo ni Gelay papunta sa kanilang klasrum nang marinig niya ang bell na hudyat na magsisimula na ang klase.

Nang makarating siya sa klasrum ay nakita niyang nasa loob na ang kanilang guro. Mabuti na lamang at mabait at maunawain ito. Kung ibang guro ang naroon ay malamang nasabon na siya.

“Pasensiya na po, Ma’am,” paulit-ulit niyang sinabi habang palapit sa kaniyang upuan.

Narinig niya ang tinig ni Macy, ang kaklase niyang sa hindi niya malamang kadahilanan ay napakalaki ng galit sa kaniya.

“Ayan na si Gelay Pilay,” humahagikhik nitong bulong sa katabi.

Gelay Pilay. Iyon ang madalas itawag sa kaniya ng kaklaseng si Macy. Mapanglait ito at lahat ng mali sa kanilang magkakaklase ay pinupuna nito.

Palibhasa ay wala itong kapintasan maliban sa masama nitong pag-uugali. Maganda ito, maputi, makinis, at matalino. Kaya marami pa rin ang humahanga sa kaklase.

“Magkakaroon ng meeting ang mga magulang sa darating na Biyernes. Tungkol ito sa nalalapit niyong pagtatapos, kaya aasahan ko ang pagdalo ng mga magulang niyo, maliwanag ba?” pagbabalita ng kanilang guro.

“Opo!” sabay-sabay na sumagot nila.

Nang lumabas ang kanilang guro ay dali-daling lumapit sa kaniya si Macy.

“Gelay. Siguro pilay rin ang nanay mo, ano?” tumatawang tanong nito.

Narinig niya ang hagikhikan ng mga alipores nito.

“Oo, pilay din ang nanay ko. Parehas kaming napuruhan nang maaksidente kami limang taon na ang nakararaan. Doon din nasawi ang Tatay ko,” sagot niya sa kaklase.

Hindi man ito natinag at nagtuloy-tuloy sa pambubuska.

“Kawawa naman ang nanay mo! May pilay na anak na kagaya mo!”

Nagkunwari pa itong malungkot bago muling bumulwak ang malakas na tawanan nito ang ng mga kasama nitong kaibigan.

Natigil lamang ito nang panibagong guro ang pumasok sa kanilang silid-aralan.

Nailing na lamang si Gelay. Hindi man maganda ang turing sa kaniya ng kaklase ay nasanay na lamang siya. Marahil ay may malalim na dahilan din kung bakit ito ganoon umasta.

Sabado. Akay-akay niya ang ina papasok sa kanilang klasrum nang makasalubong niya si Macy at ang mga kaibigan nito.

Noong una ay kinabahan siya dahil baka awayin siya nito sa harap ng kaniyang ina suibalit nakahinga siya nang maluwag nang walang kalokohan na ginawa ang kaniyang kaklase.

Ayaw niya rin kasi malaman ng kaniyang Nanay na mayroong tumatrato sa kaniya nang hindi maganda.

“Anak, kilala mo ba ‘yung nakasalubong natin?” narinig niyang tanong ng kaniyang Nanay. Nang lingunin niya ay nakiya niya ang nakapako nitong tingin sa papalayong sina Macy.

“Sino po doon, Nanay?”

“‘Yung magandang bata na maputi.”

“Ah, si Macy po? Opo, kilala ko po siya, bakit po?” takang takang usisa niya sa ina.

Umiling ito habang malalim ang kunot noo.

“Wala, anak. Parang pamilyar kasi siya. Hindi ko lang matukoy kung saan at kailan ko siya nakita.”

“Baka naman po kamukha lang, Mama. Bago lang po ako dito sa eskwelahan,” sagot niya.

“Siguro nga,” kibit balikat nito.

Nang sa wakas ay makarating silang mag-ina sa klasrum ay ganun na lamang ang gulat niya nang salubungin sila ng malakas na palakpakan.

“Congratulations!” halos magkakapanabay na sigaw ng kaniyang mga kaklase at mga magulang.

“Ikaw ang tatanggap ng pinakamataas na karangalan sa araw ng inyong pagtatapos, Gelay,” nakangiting pagbabalita ng kanilang guro.

“Wow! Napakagaling mo naman, anak! Congrats!” tuwang tuwang wika ng kaniyang ina. Bakas sa mukha nito ang labis na saya at pagmamalaki sa kaniya.

Subalit isang galit na tinig ang pumutol sa masayang sandali na iyon.

“Ano? Bakit ‘yang pilantod na ‘yan ang magkakamit ng unang karangalan, eh kakalipat lang niya sa eskwelahan na ito? Sa nakaraang tatlong taon, ako ang may pinakamataas na marka!” sigaw ng kadarating lang na si Macy.

“Macy, hinaan mo ang boses mo, may mga magulang tayong kasama rito. Isa pa, ‘wag mong tawagin ng kung ano-anong pangalan si Gelay. Wala tayong magagawa kung siya ang nakakuha ng pinakamataas na grado dito,” kalmadong pagpapaliwanag ng guro.

Nang mga sandaling iyon ay napagtanto ni Gelay ang pinanggagalingan ng galit nito sa kaniya. Ayaw pala nito na nauungusan!

“Hindi! Hindi ako papayag na maungusan ako ng Gelay Pilay na ‘yan! Hindi siya karapat-dap–”

Naputol ang anumang sasabihin nito ng isang lalaki ang dumating. Sa tindig pa lamang nito ay mukha na itong makapangyarihan at punong-puno ng awtoridad.

Kitang kita niya ang takot na bumalatay sa magandang mukha ng kaklase.

“Macy, anong kalokohan na naman ito? Bakit ka nag-eeskandalo dito? Sinong tinatawag mong pilay?” galit na sita nito kay Macy na noon ay putlang putla na.

“P-papa, akala ko po hindi kayo makakarating?” alanganing bulalas nito.

“Mabuti na lang at pumunta ako dahil naabutan ko ang pinaggagawa mo! Wala ka na talagang nagawang mabuti! Nakalimutan mo na ba na dahil sa pagpapasaway mo, nawala ang nanay mo?”

Nagulat ang lahat sa rebelasyon ng lalaking kadarating lamang. Si Macy naman ay tila isang maamong tupa na nanahimik sa isang sulok.

Lumapit sa kanila ang lalaki.

“Misis, pagpasensiyahan niyo na ho ang ginawa ng anak ko–”

Hindi natapos ang sasabihin ng lalaki dahil tila ito nakakita ng multo nang makita nito ang kaniyang ina.

“M-marcela?”

“Delfin,” sagot naman ng kaniyang ina.

“Hindi ko alam na dito pala nag-aaral ang anak mo,” gulat na sambit ng lalaki.

“Patawad, ililipat ko na kaagad ng school ang anak ko. Hindi ko naman alam.” Tinawag nito ang anak.

“Macy, lumapit ka rito! Mag-sorry ka sa kanila!” udyok nito sa anak.

“Ayoko!” matigas na tugon ng kaklase.

“Hindi ka hihingi ng tawad sa pamilya na biktima ng kalokohan mo limang taon na ang nakalilipas?” seryosong saad ng lalaki.

Doon niya nalaman na sangkot pala ang pamilya nina Macy sa aksidente na naging dahilan ng pagpanaw ng kaniyang ama.

Si Macy at ang ina nito ang sakay ng sasakyan na nakasagasa sa pamilya nila! Sa pagrerebelde ni Macy ay inagaw nito ang manibela sa ina, dahilan upang sumalpok ang kotse ng mga ito sa sasakyan nila.

“Tinatawag mo siyang Gelay Pilay, gayong ikaw ang may kasalanan kung bakit siya nagkagan’yan!” kastigo pa ng ama kay Macy na noon ay tahimik nang lumuluha. Marahil ay hindi nito inaasahan ang lihim na nabunyag.

Taos puso itong humingi ng tawad sa kanilang mag-ina. Mula sa aksidente hanggang sa pang-aapi nito sa eskwelahan.

Kahit na sinabi na nilang mag-ina na hindi na kailangan ni Macy umalis ng eskwelahan ay hindi nila napigilan ang gusto mangyari ng ama nito. Ayaw raw kasi nito na naalala nila ang malagim na aksidente sa t’wing nakikita niya ang kaklase.

Malungkot man siya sa nangyari ay nakahinga naman siya nang maluwag dahil sa wakas ay wala nang nag-aapi sa kaniya sa eskwelahan.

Isang mahalagang aral ang natutunan ni Gelay sa nangyari. Hindi natin alam ang istorya ng isa’t isa kaya’t parati nating piliin na maging mabuti sa lahat sa abot ng ating makakaya!

Advertisement