Inday TrendingInday Trending
Wala pa ring Trabaho ang Dalagang Ito Kahit Dalawang Taon nang Nagpupursigi, May Tatanggap Pa Kaya sa Kaniya?

Wala pa ring Trabaho ang Dalagang Ito Kahit Dalawang Taon nang Nagpupursigi, May Tatanggap Pa Kaya sa Kaniya?

“Ang aga-aga, nakabusangot ka na agad d’yan! Hindi ka na naman natanggap sa kumpanyang pinuntahan mo kahapon, ano?” tanong ni Zeth sa kaniyang nakababatang kapatid, isang umaga nang makita niya itong malungkot habang kumakain ng almusal.

“Ewan ko ba, kuya. Presentable naman akong humaharap sa kanila, nasasagot ko naman nang maayos lahat ng tinatanong nila sa akin, maganda at ayos naman ang mga impormasyong nakalagay sa resume ko, bakit hindi nila ako tinatanggap?” daing ni Angel saka nagsimula nang umiyak dahilan upang tabihan siya ng kapatid sa hapag-kainan.

“Siguro, hindi pa talaga oras para magtrabaho ka, bunso. Sulitin mo muna ang mga araw na wala kang trabaho dahil kapag may trabaho ka na, hindi ka na makakapagpahinga,” tugon nito habang tinatapik-tapik siya sa likuran.

“Hindi pa ba sapat ang dalawang taong pagpapahinga ko, kuya? Buryong-buryo na ako rito sa bahay! Nahihiya na rin ako sa inyong lahat dahil palamunin niyo pa ako!” sambit niya sa gitna ng mga paghikbi.

“Huwag ka nga mag-isip ng ganyan! Halika, sumama ka na lang sa’min, maliligo kami sa dagat,” yaya nito sa kaniya dahilan upang agad siyang umiling.

“Ayoko,” tipid niyang sagot.

“Hindi ako papayag! Magbihis ka na!” utos nito sa kaniya saka siya hinila patungo sa kaniyang silid.

Dalawang taon na ang nakakalipas simula nang makapagtapos ng pag-aaral ang dalagang si Angel at simula noon, kahit halos linggo-linggo siyang naghahanap ng trabaho at sumusubok ng kung ano-anong paraan para makapasok sa isang kumpanya, hanggang ngayo’y wala pa rin siyang trabaho.

Habang siya’y nasa bahay lang, ang mga kasabayan niyang makapagtapos ay nasa ibang bansa na, may naipupundar na at ang iba pa nga’y milyonarya na dahilan upang ganoon na lang siya makaramdam ng inggit. Wika niya pa, “Buti pa sila, matataba na ang bulsa. Samantalang ako, ito, nakaasa pa rin sa mga magulang at kapatid,” na labis niyang ikinalulungkot.

Ito ang dahilan upang labis siyang mahiyang lumabas ng kanilang bahay. Ayaw niya kasing mapag-usapan ng mga tsismosa sa kanilang barangay dahil alam niyang lalo lang siyang makakaramdam ng depresyon kapag nangyari ito. Lalabas lang siya kapag may pupuntahan siyang interbyu at mananatili na muli sa loob ng kanilang bahay.

Dito na niya labis na nakukwestiyon ang plano ng Panginoon sa buhay niya. Sabi niya pa nga, “Kung wala Kang balak na pagtrabahuhin ako, kuhanin Mo na ako!”

Noong araw na ‘yon, sa sobrang bigat ng dibdib niya, hindi niya napigilang hindi magsabi sa kaniyang kuya. Pinagsisihan niya naman ito kaagad dahil bigla siya nitong niyayang maligo sa dagat.

Kahit na ayaw niya, wala siyang magawa kung hindi ang sumunod dito. Nagbihis siya at naghanda ng mga gamit na kakailanganin nilang dalawa.

Mayamaya pa, tuluyan na nga silang nakarating sa kanilang paliliguan. Kasama nila ang mga lalaki nilang pinsan na tuwang-tuwang makita siya.

“Himala, sumama ka sa amin! Siguro may trabaho ka na, ano? Libre naman d’yan!” biro ng isa niyang pinsan na agad na pabirong sinuntok ng kaniyang kuya dahilan upang lalong magtawanan ang ilan.

Habang naliligo ang mga ito, nakatanaw lang siya mula sa kanilang inupahang kubo dahilan upang yayain na siyang maligo ng kaniyang kuya na kanina pa lumalangoy-langoy doon.

“Ayoko, kuya, hindi naman ako marunong lumangoy. Buti pa kung malapit lang sila, eh, nasa dulo na sila, o!” tugon niya sa kapatid.

“May tiwala ka ba sakin? Akong bahala sa’yo,” pagpupumilit nito dahilan upang sumama nga siya rito.

Inakay siya nito hanggang sa makarating kung nasaan ang kanilang mga pinsan.

“Mababaw lang pala dito sa gitna?” tanong niya.

“Oo, bunso. Maihahalintulad ang dagat na ‘to sa mga problemang kinakaharap natin sa buhay. Maaaring malunod man tayo sa una dahil sa taas ng tubig, pero sa gitna, biglang may lilitaw na pag-asa at ito ang tinatapakan nating buhangin ngayon,” sambit nito na ikinaluha niya, “Kung nagawa mong magtiwala sa akin sa pag-akay sa malalim na parte ng tubig, bakit ka nangangamba ka sa plano ng Diyos sa’yo? Mas katiwa-tiwala siya sa akin, bunso,” dagdag pa nito dahilan upang siya’y maliwanagan sa buhay at humagulgol doon.

Nang makita siyang umiiyak ng mga pinsan, agad siyang nilaro ng mga ito hanggang sa makalimutan niyang malungkot siya.

Simula noong araw na ‘yon, araw-araw niyang sinusuyo sa panalangin ang Panginoon. Malungkot man siya sa paglipas ng panahong wala siyang trabaho, natutuwa siya sa malaking pagbabago sa buhay niya.

Ilang buwan pa ang dumaan, tuluyan na nga siyang tinawagan ng isang kumpanya at hindi lang ito basta-basta trabaho, dahil siya’y ipapadala sa isang mayamang bansa upang doon magtrabaho!

“Mabuti na lang talaga, nanalangin ako at naghintay,” iyak niya habang ikinukwento ang tagumpay sa buong pamilya.

Advertisement