Hindi Malimot ng Dalaga ang Nobyong Biglang Nang-iwan sa Kaniya, Babalik Pa Nga Ba Ito sa Buhay Niya?
“O, bakit nagyayaya ka na naman ng inuman, ha? Ano na namang problema mong babae ka? May nangutang na naman ba sa’yo tapos hindi ka na naman binayaran? O may nakaaway na namang kapitbahay ang nanay mo?” sunod-sunod na tanong ni Janice sa kaibigang nag-iinom nang mag-isa sa paborito nilang bar.
“Pwede ba maupo ka muna bago ka dumakdak d’yan?” masungit na sagot ni Raya saka nilagok ang alak na nasa harapan niya.
“Ano ba kasing problema mo? Teka, siguro, naiisip mo na naman ang huli mong nobyo, ano?” tanong nito sa kaniya dahilan upang siya’y mapatango-tango, “Ay, Diyos ko, heto na naman tayo!” dagdag pa nito saka tuluyan nang naupo sa tabi niya.
“Hindi ko siya makalimutan, eh, anong magagawa ko? Palagi siyang nasa isip ko, pakiramdam ko nand’yan lang siya, babalik siya, tutuparin namin ang mga pangarap namin,” wika niya habang nagsisimula nang pumatak ang kaniyang mga luha.
“Sabi naman kasi sa’yo, kinalimutan ka na noon! Maghanap ka na ng ibang lalaki! Tingnan mo ako, nakatatlo na kaagad akong nobyo, habang ikaw, hindi pa rin makamove-on!” sigaw pa nito.
“Sinubukan ko naman, hindi ba? Pero nandito pa rin siya sa puso ko, eh!” wika niya habang bahagyang sinusuntok-suntok ang dibdib niya.
“Ewan ko sa’yo, akin na nga ‘yan, mag-inom na lang tayo!” sagot nito saka inagaw sa kaniya ang hawak na alak.
Tatlong taon na ang nakakaraan simula nang hiwalayan ng kaniyang nobyong nasa ibang bansa ang dalagang si Raya sa hindi niya malamang dahilan. Bigla na lang itong tumawag sa kaniya at sinabing, “Tingin ko kailangan na nating tapusin ‘to, mahihirapan ka lang at nahihirapan na rin ako,” at pagkatapos noon, hindi na ito muling nagparamdam pa sa kaniya.
Ito ang dahilan upang ganoon na lang siya mahirapang kalimutan ito. Bukod sa hindi niya maintindihan kung bakit siya iniwan nito dahil handa naman siyang maghintay dito sa Pilipinas at tiisin na hindi ito makita at makasama nang ilang taon, ito pa ang kauna-unahang lalaking nagpasaya at nagparamdam sa kaniya nang totoong pagmamahal kaya ganoon na lang ang paghihinagpis niya simula nang mawala ito sa kaniya.
Pangako pa nga nito sa kaniya bago ito umalis ng bansa, “Kahit anong mangyari, hahanapin kita, papakasalan kita,” dahilan upang ganoon na lang siya masaktan nang sobra nang tuluyan siya nitong i-block sa social media.
Kahit anong gawin niyang paraan upang makalimutan ito katulad ng pakikipag-date sa ibang lalaki, pagkaabala sa trabaho at marami pang ibang paraan, palagi pa rin itong tumatakbo sa isip niya at kung minsan pa nga, ito’y napapanaginipan niya dahilan upang halos linggo-linggo na lang niyang niyayang uminom ang matalik niyang kaibigan para lamang malabas ang sakit na nararamdaman.
“Ang bait-bait noon, ano kayang dahilan niya bakit niya ako iniwan? Sabi niya mahal na mahal niya ako!” palagi niyang sambit sa tuwing maalala ang binata.
Noong araw na ‘yon, muli na naman niyang naalala ang binata dahilan para siya’y muling mag-inom kasama ang kaibigan. Siya’y nagpakalango sa alak habang sinisigaw ang lahat ng kaniyang mga hinaing sa buhay.
“Mangangako-ngako ka, tapos bigla kang mawawala? Papasayahin mo ako tapos bigla kang makikipaghiwalay? Sana noong una pa lang, hindi ka na nagparamdam sa akin! Hindi ka tunay na lalaki!” sigaw niya habang akay-akay siya ng kaniyang kaibigan patungo sa kaniyang bahay.
“Andito naman ako ulit, eh, katulad ng pangako ko, hahanapin kita,” sabat ng isang pamilyar na boses dahilan para mapatigil silang magkaibigan at sabay na tignan ang lalaking nasa likuran nila.
“Lasing na tayo pareho, ano? Bakit andito ang lokong ‘yan? Halika na nga!” sambit niya sa kaibigan.
“Mukhang siya nga ‘yan, Raya,” gulat na gulat na sabi ng kaniyang kaibigan nang unti-unti itong lumapit sa kanila at siya’y yakapin.
Nagising na lamang siyang nasa bahay na.
“Pati ba naman sa panaginip, susundan mo talaga ako?” sigaw niya.
“Kahit saan ka man magpunta, nandoon ako,” sabat na naman nito na ikinagulat niya.
Nang mapagtanto niyang totoo nga ang nangyari kagabi at ang lalaking nasa harapan niya’y hindi ilusyon, nagsimula na siyang humagulgol.
Labis na humingi ng tawad ang binatang ito sa kaniya. Pinaliwanag nito ang tunay na dahilan bakit ito nakipaghiwalay dahilan upang lalo siyang maiyak.
“Pasensya na, mahal ko, gusto ko lang tumutok sa trabaho para pag-uwi ko, pupwede na tayong ikasal agad. Patawad sa masakit na pamamaraang pinili ko,” iyak nito saka siya mariing na niyakap.
At dahil nga mahal niya talaga ang binatang ito, kaniya itong pinatawad at ilang buwan lang ang lumipas, kaniya na itong pinakasalan.
“Raya, ang pinakamarupok na babae sa balat ng lupa!” sigaw ng kaniyang kaibigan sa kanilang kasal na ikinatawa ng lahat nang nandoon.