Pinag-aagawan ng Binata at ng Kaniyang Kaibigan ang Isang Dalaga, Sino Kaya ang Magwagi sa Puso Nito?
“Saan kayo nagpunta ni Cheska kahapon, Jerwin?” tanong ni Merzel sa kaniyang matalik na kaibigan nang makita niya ang litratong inilagay nito sa social media na kasama ang gusto niyang dalaga.
“Kumain lang kami sa labas, nagsine at naglaro sa arcade, bakit? Naiinggit ka? Nagseselos?” panunukso nito habang pinapakita pa sa kaniya ang iba pang larawang kasama ang dalagang ito. “Hindi mo ba nahahalatang may gusto rin ako sa kaniya?” inis niyang tanong dito.
“Halatang-halata ko, kaya nga ginagawa ko ang lahat ngayon para hindi mo siya makasama. Mahirap na’t baka maagaw mo pa,” nakangising sambit pa nito dahilan upang tumaas na ang kaniyang boses.
“Maagaw? Bakit, pagmamay-ari mo na ba siya ngayon?” nanggagalaiti na niyang tanong.
“Hindi pa naman, pero malapit na. Kaya kung ako sa’yo, huwag ka na pumagitna pa dahil ako ang makakalaban mo,” pagbabanta nito sa kaniya.
“Wala akong pakialam sa’yo, ang gusto ko lang makuha ang dalagang pinapantasya ko noon pa man. Ako ang nauna sa kaniya, bata pa lang kami, alam niyang gusto ko na siya!” bulyaw niya rito saka niya hiwakan ang kwelyo nito.
“Wala rin akong pakialam sa rason mong ‘yan, paunahan na lang!” sigaw nito sa kaniya saka siya tinulak palayo at iniwang mag-isa sa kanilang tambayan.
Buong akala ni Merzel, sa pelikula at teleserye lang nangyayari ang pag-aagawan ng dalawang magkaibigan sa iisang dalagang kanilang iniibig. Ito ang dahilan upang ganoon na lamang siya maapektuhan nang malaman niyang nais din ng kaniyang matalik na kaibigan na maging karelasyon ang kaniyang kababata na noon pa ma’y kaniya nang hinihintay.
Laking pagsisisi niya kung bakit pinakilala niya pa sa kaibigan niyang ang kababata niyang ito. Wika niya, “Kung hindi ko lang sana pinakilala si Cheska sa kaniya, edi sana, nasosolo ko siyang pasiyahin.”
Hindi naman niya masisisi ang kaniyang kaibigan dahil bukod sa mala-anghel ang mukha at boses ng dalagang ito, matalino’t mabait pa sa mga taong nakapaligid sa kaniya.
Sa katunayan, may pagkakataon pa ngang para silang batang nag-aaway ng kaniyang kaibigan dahil sa isang sorbetes na bigay ng dalaga na kanilang pinag-aagawan nang minsan silang magkita-kitang tatlo sa tapat ng simbahan. Inis na inis man siya nang dila-dilaan nito ang sorbetes dahilan upang wala siyang makain, agad naman itong napalitan ng kilig ng bigyan din siya ng sorbetes ng dalaga saka sinabing, “Kahit kailan talaga, para kang bata!” saka siya tinawanan nang tinawanan.
Ngunit, hindi niya akalaing inunahan na agad siyang dumiskarte ng kaniyang kaibigan. Napatunayan niya ito nang makita niya ang mga litratong nito kasama ang naturang dalaga sa social media.
“Nailabas mo lang siya pero matagal na niyang alam na gusto ko siya,” pagpapakalma niya sa sarili, bago niya kumprontahin ang kaibigang nasa kanilang tambayan.
Pagkatapos ng usapan nilang iyon, hindi na niya lubos na mapakalma ang sarili dahil ayaw niyang maagaw nito ang dalagang matagal na niyang hinihintay dahilan upang tawagan niya ito kaagad at yayaing kumain sa paborito nilang paresan.
Agad naman itong pumayag at nakipagkita sa kaniya labis niyang ikinatuwa.
“Pagkakataon ko na ‘to, pagkatapos naming kumain, tatanungin ko na agad siya kung pwede manligaw,” sa isip-isip niya habang umo-order ng kakainin nilang pares.
Kaya lang, napansin niyang tutok sa pagseselpon ang dalaga kahit na kasama niya na ito. Ngumingiti-ngiti pa ito habang nagta-type sa hawak na selpon dahilan upang kaniya na itong usisain.
“Sinong kausap mo? Mukhang may nagpapangiti na sa’yo, ha?” biro niya rito.
“Iyon nga ang ikuwento ko sa’yo ngayon kaya agad akong pumayag na kumain tayo!” sagot nito na ikinakaba niya.
“Mamaya na ‘yan pagkatapos nating kumain! Baka mawalan ako ng gana!” tugon niya saka agad na binigay dito ang binili niyang pares.
Habang sila’y nakain, kwento nang kwento ang dalagang ito tungkol sa pinuntahan, kinain at pinanuod na pelikula kasama ang kaibigan niyang si Jerwin dahilan upang siya’y maalibadbaran.
“Masaya ka bang kasama siya?” tanong niya rito.
“Oo naman! Sa buong buhay ko, ngayon ko lang ‘to naramdaman!” sagot nito na ikinadurog ng puso niya, “Saglit, si Jerwin, dumaan!” dagdag pa nito saka agad na lumabas sa kanilang kinakainan.
Kahit na alam niyang lalo siyang masasaktan, sinundan niya ito at halos maluha siya nang makitang magkayakap na ang dalawa.
“Siguro nga, hindi ko napapasaya si Cheska katulad ng pagpapasaya sa kaniya ni Jerwin,” wika niya saka mag-isang umuwi sa kanilang bahay.
‘Ika nga ng karamihan, ang tunay na umiibig ay marunong magparaya.