Inday TrendingInday Trending
Minamaliit ng Dalagang Ito ang Marusing na Katrabaho, Gulat Siya nang Masaksihan Ito ng Kanilang Boss

Minamaliit ng Dalagang Ito ang Marusing na Katrabaho, Gulat Siya nang Masaksihan Ito ng Kanilang Boss

“Hoy, Klara, baka gusto mo namang magpunta sa derma para mapagamot ‘yang mga tigyawat mo sa mukha. Hindi ka ba nahihiya na ikaw lang ang mukhang dugyot sa kumpanyang ito?” diretsahang sambit ni Nica sa isa niyang katrabaho, isang tanghalian habang sabay-sabay silang nakain sa kanilang kantin.

“Nahihiya, s’yempre, lalo na sa tuwing napapalibutan niyo akong lahat. Ang gaganda niyo, halatang alagang-alaga niyo ang mukhat at balat niyo. Gusto ko rin sanang maging katulad niyo pero wala kasi akong sobrang pera pangpaarte sa katawan ko,” nahihiyang sagot nito na ikinatawa niya.

“Kawawa ka naman pala. Ngayon hindi na ako nagtataka kung bakit mukha kang palaboy kapag nasa tabi namin,” taas kilay niyang tugon saka ininom ang binili niyang softdrinks.

“Huwag mo namang sabihin ‘yan, kahit papaano naman, maayos ako manamit at tumindig,” wika nito na lalo niyang ikinatawa, pasimple na siyang inaawat ng ibang katrabaho ngunit panay pa rin ang pagmamaliit niya rito.

“Maayos na para sa’yo ‘yan? Eh, pangtulog ko lang ang mga gan’yang damit!” sigaw niya.

“Ano bang ginawa ko sa’yo? Bakit gan’yan ka makapagsalita sa akin?” tanong nito dahilan upang lapitan niya ito at sabihing, “Ang pangit mo kasi tingnan mula ulo mukhang paa!” saka niya ito binuhusan sa palda ng iniinom niyang softdrinks.

Mainit ang dugo ng dalagang si Nica sa bago nilang katrabaho. Bukod kasi sa masama ang amoy nito, hindi pa kaaya-aya ang itsura nito dahilan upang halos araw-araw, ito’y kaniyang durugin sa mga maaanghang na salita. Nasa harap man ng iba pang empleyado o kahit silang dalawa lamang, hangga’t may masasakit na salita siyang masasabi, kaniya itong ipagduduldulan sa dalaga.

May pagkapabida rin kasi ito lalo na sa tuwing dadalawin sila sa opisina ng kanilang boss na labis niyang ikinaiinis.

Sa katunayan, tahimik naman talaga sa mga tipikal na araw sa kanilang opisina ang dalagang ito, ngunit kapag and’yan na ang kanilang boss, todo kwento ito at patawa nang patawa. Habang siya, napipilitang tumahimik sa isang tabi kahit na may importante siyang sasabihin sa kanilang boss.

Ito ang dahilan upang ganoon niya na lang ito maliitin sa tuwing magsasama-sama silang magkakatrabaho tuwing breaktime. May pagkakataon pa ngang sadya niya itong kinukulong sa kanilang opisina upang huwag niya lang makasabay kumain.

May pagkakataon ring katulad noong araw na ‘yon, na kahit nasa harapan sila ng pagkain at maraming tao, walang habas niya itong lalaitin at ipaparinig sa iba pang mga empleyado upang mapahiya ito.

Pilit man siyang awatin ng iba pa nilang katrabahong kasama sa lamesa, tinuloy niya pa rin ang pagbubuhos ng softdrinks sa suot nitong palda dahilan upang ito’y maiyak at mapatakbo sa palikuran habang siya, halos hindi na makahinga sa kakatawa.

“Nakita niyo ba ‘yong mukha niya? Diyos ko! Lalo siyang pumangit sa pag-iyak niya!” tawang-tawa niyang sambit sa mga katrabahong nakatungo lang at tahimik na kumakain.

“Oo, nakita ko. Masaya ka bang may natatapakang tao?” sagot ng isang pamilyar na boses dahilan upang manlaki ang mata niya at unti-unting pumihit patalikod upang makumprima kung sino ito.

“Ay, sir, magandang tanghali po! Kanina pa po kayo riyan?” kamot-ulo niyang tanong dito.

“Oo, maaari ba kitang imbitahan sa opisina ko?” tanong nito na labis niyang ikinakaba.

Pagkarating niya sa opisina nito, nagpakita ng ilang larawan ang boss nilang ito. Pinakita sa kaniya ang larawan ng isang barung-barong, maruming tubig, batang kumakain ng walang ulam, nanlilimos na kamay at iba pang larawang nagpapakita ng kahirapan.

“Ni isa ba riyan, may naranasan ka na sa tanang buhay mo?” tanong nito sa kaniya dahilan upang agad siyang mapailing, “Lahat kasi ‘yan, naranasan na ni Klara. Nakuha namin siya sa lansangan dalawang taon na ang nakakaraan. Mailap siya noon at palaging nakasimangot. Kaya sobrang saya ko ngayong marunong na siyang makipaghalubilo, nagagawa niya pang makipagbiruan sa akin. Kung naiinis ka sa itsura niya, magpasalamat ka na lang sa Diyos dahil hindi ka nakaranas ng hirap. Bibigyan kita ng pagkakataong humingi ng tawad sa kaniya at baguhin ang ugali mo, kung hindi mo kaya, umalis ka na lang sa kumpanya ko,” sambit pa nito na ikinapahiya niya.

Magkahalong kahihiyan at awa ang naramdaman niya pagkatapos ng usapang iyon. Kaya naman agad niyang nilapitan ang dalagang iyon upang humingi ng tawad dito.

Sa kabutihang palad naman, likas na mabait ito at siya’y agad na pinatawad. Bilang kapalit, tinulungan niya itong maging presentable at maayos katulad niya.

Advertisement