Inday TrendingInday Trending
Naengganyo ang Lalaking Ito na Magtrabaho sa Ibang Bansa, Rehistrado kaya ang Kumpanyang Kinabibilangan ng Ginang na Kausap Niya?

Naengganyo ang Lalaking Ito na Magtrabaho sa Ibang Bansa, Rehistrado kaya ang Kumpanyang Kinabibilangan ng Ginang na Kausap Niya?

“Wala ka pa rin bang maipapakitang kasulatan sa akin na kayo ay rehistradong kumpanyang nagpapadala ng mga empleyado sa ibang bansa?” pang-uusisa ni Ruben sa kausap niyang ginang na isang employer, isang hapon nang ito’y kitain niya sa isang restawran.

“Sabi ko naman kasi sa’yo, sir, hindi pa namin nakukuha ang kasulatan sa Maynila dahil sa pandemya pero may pinadala na sa aming mensahe na pupwede na kaming magpadala ng mga empleyado. Nagdadalawang-isip ka ba, sir, sa kumpanya namin?” tanong nito sa kaniya dahilan upang siya’y mabigla.

“Ah, eh, hindi naman sa ganoon. Natatakot lang kasi akong ma-scam katulad ng mga nasa balita ngayon. Kupit ko pa naman ang perang ito sa asawa ko,” kamot-ulo niyang sagot kaya ito napatawa.

“Huwag kayong mag-alala, sir, hindi kayo mabibigo sa amin! Pinakita na naman sa’min sa’yo ang mga empleyadong napadala namin, hindi ba? Napakausap pa nga namin sa’yo ang ilan, kaya wala kang dapat ipakabahala,” nakangiting wika nito na labis na ikinagaan ng kaniyang loob.

“Naku, salamat talaga sa inyo. Sa wakas, magkakaroon na ako ng trabaho. O, ito na ang bayad ko, hintayin ko na lang ang tawag niyo bukas ng umaga, ha?” tugon niya pa saka iniabot na rito ang perang pangbayad sa kaniyang ticket at hotel na tutuluyan sa kaniyang pangingibang-bansa.

“Opo, sir! Ingat po kayo!” paalam nito saka tuluyan na siyang iniwan doon.

Sa tahanan ng padre de pamilyang si Ruben, ang kaniyang asawa ang nagtatrabaho para sa kanilang buong pamilya habang siya ang nakatoka sa pag-aalaga sa mga bata at pag-aasikaso sa kanilang tahanan.

Nagsimula ito nang siya’y mawalan ng trabaho sa ibang bansa at mapilitang umuwi rito sa Pilipinas. Simula noon, wala na siyang nahanap na iba pang trabaho dahil bukod sa hindi naman siya nakapagtapos ng kolehiyo katulad ng mga hinahanap na empleyado ng halos lahat ng kumpanya, bahagya ring mahina ang kaniyang pag-iisip dahilan upang makailang ulit na siyang maloko at mawalan ng pera ng mga kawatan.

Dito na naubos ang kaniyang naipon dahilan upang napilitang nang magtrabaho ang kaniyang asawa. Lingid man sa kagustuhan nitong mawalay sa kanilang mga anak, wala itong magawa dahil ito lang ang nakapagtapos ng pag-aaral sa kanilang dalawa at may mas malaking oportunidad sa pagtatrabaho sa malalaking kumpanya.

Ngunit dahil nga nais niya talagang makatulong sa kaniyang asawa, nang may makita siyang naghahanap ng mga empleyado sa social media na ipapadala sa isang pabrika sa Korea, agad niya itong pinadalhan ng mensahe hanggang sa labis na siyang maengganyo rito.

At dahil nga wala na siyang pera, inunti-unti niya ang pagkupit sa asawa hanggang sa makabuo siya ng kinsemil na hinihingi ng ginang na kaniyang nakausap na pangbayad daw sa kaniyang gagamiting hotel sa Korea at pangbili ng kaniyang ticket.

Wala nang mas sasaya pa sa kaniya nang matagumpay na siyang makapagbayad dito. Pakiwari niyang ilang hakbang na lang ang kaniyang lalakarin at muli na naman siyang magiging isang huwarang ama at asawa.

Maaga siyang nagising kinabukasan upang hintayin ang tawag ng ginang na ito. Sabi kasi nito, “Kapag tinawagan na kita, sir, maghanda ka na agad ng mga dadalhin mong gamit dahil aalis ka na agad kinagabihan,” dahilan upang labis siyang masabik at ensayuhin na ang sasabihing pagpapaalam sa asawa.

Ngunit, dumating na ang gabi, wala pa rin siyang natatanggap na tawag o kahit isang mensahe mula rito dahilan upang tawagan niya na ito sa social media account nito.

Doon niya nakitang naka-block na siya rito dahilan upang siya’y labis na kabahan. Sinubukan niya itong tawagan sa numerong binigay nito sa kaniya ngunit hindi pala ito rehistradong numero.

Mangiyakngiyak na siya sa kakaisip kung paano makokontak ang ginang na iyon. Hindi siya mapakali dahil pakiramdam niya, nabiktima na siya ng mga katawan.

Napansin ng kaniyang asawa ang kaniyang pagkabalisa dahilan upang siya’y usisain nito. Sa sobrang kaba niya, dire-diretso niya itong kwento sa asawa dahilan upang ganoon na lang mag-apoy ang tainga nito.

“Nagawa mong kumupit sa akin para lang ipa-scam ang pinaghirapan kong pera? Kailan mo ba gagamitin ang isip mo, ha? Wala na ngang naipakita sa’yong papeles, tumuloy ka pa rin!” sigaw nito sa kaniya dahilan upang siya’y mapatungo at maiyak na lamang.

Doon niya labis na kinukuwestiyon ang sarili, “Bakit ba hindi mo naramdaman na niloloko ka lang? Ganoon ka na ba talaga ka t*nga? Ang bilis mo mauto!”

At kinabukasan lang, pumutok sa balitang nadakip ng mga pulis ang ginang na ito dahil sa dami ng mga naloko. Ngunit ang masama roon, lahat ng perang nakolekta nito, nagastos na sa casino.

Masakit man at nakadadala ang pangyayaring ito, naging isang malaking aral naman ito sa kaniya. Galit man ang kaniyang asawa, ipinakita niya ritong desido pa ring siyang tumulong sa kanilang gastusin sa pamamagitan ng pagtitinda sa kanilang tapat.

Advertisement