Hindi Makapaniwala ang Babae na Mama’s Boy ang Kaniyang Napangasawa; Makaalitan Kaya Niya ang Mama Nito?
Hindi makapaniwala si Esther na ang kaniyang napangasawang si Gabriel ay saksakan ng ‘Mama’s Boy.’ Bagong kasal lamang sila, at nang tanungin niya ang mister kung saan na sila titira, sinabi nito na makikipisan muna sila sa bahay nito, kasama ang mga magulang at kapatid.
“Pero hindi ba ipinangako mo sa akin na pagkatapos ng kasal natin, bubukod na tayo, kahit upa lang? Tapos saka na tayo kukuha ng bahay, kahit maliit lang. Para makapagsimula tayo,” saad ni Esther sa kaniyang mister. Inis na inis siya rito dahil tila hindi siya pinakikinggan.
Napakamot naman ng ulo si Gabriel.
“Oo nga. Kaso nagpaalam ako kay Mama. Sabi niya, mas maganda raw kung doon muna tayo sa kanila habang nag-uumpisa pa tayo. Baka raw kasi manibago ako. Sundin na muna natin si Mama,” sagot naman ni Gabriel.
Hindi na umimik si Esther. Sabagay, wala namang masama kung kikilalanin pa niyang maigi ang Mama ni Gabriel. Isa pa, pamilya na rin niya sila. Gustuhin man niya o hindi, kailangan na rin niyang unti-unting mahalin at tanggapin sa kaniyang buhay ang mga ito.
Pumayag si Esther. Ang totoo niyan, mukhang mabait naman ang Mama ni Gabriel. Maganda ang naging pakitungo nito sa kaniya, gayundin ang mga kapatid nito. Kaya lang, syempre hindi mo naman kaagad makikilala ang isang tao hangga’t hindi mo siya nakakasama nang matagal.
Ang gusto sana ni Esther, bumukod na silang mag-asawa upang kahit paano, makagalaw sila nang naaayon sa kagustuhan nila. Bagama’t sanay namang makisama si Esther sa iba’t ibang uri ng tao dahil sa kaniyang trabaho bilang Human Resouces staff, iba pa rin daw kapag solo mo ang isang bahay kasama lamang ang asawa.
“Feel at home, Esther ha? Mabuti naman at pumayag ka sa suggestion ko na manirahan muna rito sa amin, siguro kahit isang taon lang,” nakangiting sabi sa kaniya ng biyenan.
“Salamat po sa pagtanggap, Tita…” tugon naman ni Esther.
Iwinasiwas ng Mama ni Gabriel ang kamay nito. “Just call me Mama, okay? From now on, anak na rin kita.”
May isa pang kuwarto sa malaki-laking bahay ng Mama ni Gabriel kaya doon sila nanuluyan. Bagama’t may mga kasambahay naman, mas pinipili pa rin ni Esther na siya ang maghugas ng mga pinagkainan, o kaya ay magwalis-walis ng bakuran, upang walang masabi sa kaniya ang biyenan.
Isang buwan ang lumipas, tila maayos naman ang lahat. Ngunit habang tumatagal, doon na lumalabas ang mga tunay na suliranin.
“Love, sabi ni Mama, huwag daw tayo sa area na nakita natin bumili ng bahay. May irerekomenda raw siya sa atin.”
“Love, sabi ni Mama, huwag na raw muna tayong bumili ng air-con kasi puwede pa naman daw yung air-con dito sa kuwarto, ipagawa na lang daw muna natin.”
“Love, sabi ni Mama, medyo dagdagan ko raw yung binibigay ko na budget sa kaniya…”
“Love, sabi ni Mama…”
“Love, si Mama…”
Hanggang sa napapabuntung-hininga na lamang si Esther. Ito na nga ba ang sinasabi niya. Isang certified Mama’s Boy ang kaniyang pinakasalan, na tila lahat na lamang ng ikikilos nila, kailangang may opinyon o sasabihin ang kaniyang Mama.
Isang gabi, hindi na nakapagtimpi pa si Esther. Kinompronta niya ang asawa, lalo na at nakita niyang naiba ang kurtina sa loob ng kanilang kuwarto.
“Bakit iba na yung kurtina? Nasaan na yung binili ko?”
“Love, sabi kasi ni Mama, hindi raw bagay yung kurtina na binili mo kaya pinalitan niya…” sagot naman ni Gabriel.
“Ano? Na naman? Sabi na naman ng Mama mo? Eh paano naman ang sabi ko? Yung desisyon ko? Paano yung mga gusto kong mangyari? Hindi na puwedeng masunod dahil nakatira tayo dito sa bahay ng Mama mo? Kasi dahil sabi ng Mama mo?”
Natigilan si Gabriel. Ngayon lamang niya narinig si Esther na magsalita nang gayon sa kaniyang Mama.
“Esther, dahan-dahan ka naman sa pagsasalita mo. Mama ko ang tinutukoy mo, baka nakakalimutan mo,” sansala ni Gabriel sa misis.
“Gabriel, baka nakakalimutan mo, asawa mo ako. Pinakasalan mo ako. Dapat tayong dalawa lang ang nagdedesisyon sa mga buhay natin. Iyan ang sinasabi ko sa iyo eh. Dapat bumukod na tayo noong una pa lang, kasi binigyan mo ng karapatan ang Mama mo na makialam sa mga desisyong ginagawa natin. Hindi na dapat ganito, Gabriel. Hindi ka na batang munti na dapat laging pulbusan sa likuran!”
Natameme si Gabriel.
“Anong gusto mong gawin ko?”
“Simple lang. Bumukod na tayo, utang na loob Gabriel. Mabait si Mama, oo, pero bakit parang pakiramdam ko, naiimpluwensyahan niya ang mga desisyon mo? Oo, hindi ko naman inaalis na nanay mo siya, pero pakinggan mo rin naman ako bilang magiging nanay ng mga anak mo!” naiiyak na sabi ni Esther.
Nilapitan naman ni Gabriel si Esther. Niyakap at inamo-amo.
“Patawarin mo ako love kung minsan pakiramdam mo, Mama’s boy ako. Hindi mo naman maiiwasan sa akin, kasi utang na loob ko kay Mama ang lahat. Alam mo namang simula nang mawala si Papa, siya na ang nagtaguyod sa aming magkakapatid.”
“Hindi ko naman inaalis sa iyo ang pagtanaw ng utang na loob kay Mama. Ang akin lang, iba na ang sitwasyon natin ngayon, love. Sana naman pakinggan mo rin ako bilang asawa mo.”
Maya-maya, lumuluhang pumasok ang Mama ni Gabriel.
“M-Mga anak, Esther… patawarin ninyo ako. Hindi ko sinasadya na marinig ang pagtatalo ninyo, nang dahil sa akin. Esther, pasensiya ka na kung pakiramdam mo na napanghihimasukan ko kayong dalawa. Aaminin ko sa iyo, ang tingin ko kasi kay Gabriel ay bata pa rin kasi siya ang bunso ko. Pero tama ka. Iba na ang sitwasyon ninyo. May asawa na kayo. Kaya sige, pinapayagan ko na kayong bumukod,” naiiyak na saad ng Mama ni Gabriel.
Niyakap naman ni Esther ang kaniyang biyenan. “Mama, patawarin po ninyo ako sa mga nasabi ko tungkol sa inyo. Masaya po ako na naging mabuti po ang pagtanggap ninyo sa akin, itinuring na anak, at tinanggap nang maluwag dito sa inyong bahay.”
Kaya naman, bumukod na nga sina Gabriel at Esther, na may basbas na rin ng kaniyang biyenan. Natutuwa naman si Esther dahil kahit na nagkaroon sila ng kaunting samaan ng loob ng Mama ng kaniyang asawa, ay naging maganda naman ang kinalabasan, at walang naging masamang tinapay sa kanilang dalawa.
Habang sila ay nakarenta, pinasimulan na rin ang pagpapatayo ng kanilang dream house, habang may pera pa sila. Kahit unit-unti, basta’t nasisimulan at natatapos.
Tuwing araw ng Sabado, dumadalaw naman sina Gabriel at Esther. Gustong-gusto kasing kalaro ng Mama ni Gabriel ang kaniyang mga apo.