Inday TrendingInday Trending
Pinaghihinalaan ng Misis ang Kaniyang Mister na May Itinatagong Ibang Karelasyon; Mapatunayan Kaya Niya Ito?

Pinaghihinalaan ng Misis ang Kaniyang Mister na May Itinatagong Ibang Karelasyon; Mapatunayan Kaya Niya Ito?

Likas na selosa si Aling Natalia kaya nang mapansin niyang tila may palihim na kinakausap ang mister na si Mang Edwin, hindi niya maiwasang hindi maghinala rito.

“Hoy Edwin… ikaw ha… sino ba yang kausap mo? Bakit kailangang patago pa kayo mag-usap?” minsan ay kompronta ni Aling Natalia sa mister. May kausap kasi ito sa cellphone, at nang makita siyang papalapit habang akas niya ang basket na kinalalagyan ng mga sinampay, agad itong nagpaalam sa kausap.

“Wala! sa trabaho lang. May nangyaring hindi maganda sa trabaho. Ibinalita lang sa akin,” p*tay-malisyang sagot ni Mang Edwin. Bumalik na ito sa pagkukumpuni ng sirang lababo nila.

“Sisiguraduhin mo lang iyan, Edwin ha? Malaman ko lang na may ibang tubo ka nang nililinisan at kinakalikot, humanda ka talaga sa akin, mapuputol talaga ang Kaligayahan mo!” pagbabanta ni Aling Natalia.

Nabitiwan naman ni Mang Edwin ang hawak na liyabe de tubo. Tawang-tawa ito sa mga narinig.

“Oh bakit ka natatawa? Totoo naman eh. Subukan mo lang talaga akong iputan sa ulo, humanda ka sa akin!” pagbabanta ni Aling Natalia.

“Hindi ko magagawa sa iyo ‘yan Natalia. Alam mo namang takot ako sa Amazona,” natatawang saad ni Mang Edwin. Nagtungo na siya sala subalit sinundan siya ng mala-dragong misis.

Dinuro ni Aling Natalia ang mukha ng kaniyang mister.

“Seryoso ako, Edwin ha? Mabalitaan ko lang talaga na may ibang pugad kang pinupuntahan, humanda ka sa akin at iyang kabit mo!”

Hindi na nakaimik pa si Mang Edwin. Sanay na siya sa kaniyang misis. Kaya naman hindi na lamang niya pinapansin ang mga tamang hinala nito sa kaniya, na kung tutuusin ay walang sapat na dahilan. Sanay na rin ang kanilang anak sa kanilang mga sagutan.

Dahil sa labis na pagseselos, nakagagawa si Aling Natalia ng mga bagay na hindi pinag-iisipan. Iba kung magalit ito. Anumang bagay na mahawakan ay ibinabato.

Isang araw, nagpaalam si Mang Edwin na kailangan niyang mag-overnight sa trabaho dahil may kailangan silang tapusin.

“Bakit kailangan pang mag-overnight?” usisa ni Aling Natalia.

“Kasi aalis na yung shipment ang kailangan naming bilisan ang kilos sa pagpa-pack ng mga handicrafts,” saad ni Mang Edwin. Nagtatrabaho ito bilang quality controller sa isang pabrika na pagawaan ng handicrafts o mga disenyong likhang-kamay.

Pumayag naman si Aling Natalia. Dahil wala naman ang mga anak niya na may kaniya-kaniyang buhay, inaya na lamang niya ang kaniyang kumpare na si Mang Pedring, na kanilang kapitbahay, para sa inuman. Mister ito ng kaniyang kumare na si Aling Talen, na nasa mga amo nito. Labandera kasi ito ng isang mayamang pamilya.

“Malaman-laman ko lang na may ibang babae iyang si Edwin, humanda talaga sa akin iyan,” saad ni Aling Natalia. Lasing na siya.

“Ikaw naman masyado kang mapaghinala sa asawa mo. Pero alam mo, kung totoo man iyang hinala mo, sira-ulo iyang si Pareng Edwin. Ipagpapalit ka pa ba niya sa ganda mong ‘yan, mare? Kahit nasa 45 ka na, maganda ka pa rin!” lasing na rin si Mang Pedring.

“Hay naku, pare! Huwag kang ganiyan! Marupok ako. Buti ka pa pinupuri ako. Si Edwin kasi hindi na ako pinupuri o binobola nang gan’yan,” sabi ni Aling Natalia.

Hanggang sa hindi na nila namalayan na magkayakap na pala sila. Natagpuan na lamang nila ang mga sarili na walang saplot. Nang gabing iyon, hindi nila napaglabanan ang pagkagat sa mansanas nina Eba at Adan.

“Natalia! Pedring! Gumising kayo! Mga hayop!”

Nagulantang sina Aling Natalia at Mang Pedring. Umaga na pala. Nasa harapan nila si Mang Edwin. Kitang-kita nito ang pagkakayakap ng magkumpare, sa mismong sahig ng sala. Hindi na nila namalayan ang kanilang mga nagawa dahil sa labis na kalasingan.

“P-Pareng Edwin, h-hindi ko alam kung a-anong nangyari…”

Hindi na natapos pa ni Mang Pedring ang kaniyang mga sasabihin. Umigkas sa mukha niya ang matigas na kamao ni Mang Edwin. Isa, dalawa, tatlo, apat na suntok sa mukha at sikmura ang inabot niya.

“Lumayas ka na rito sa pamamahay ko habang nakakapagtimpi pa ako, Pedring. Kapag nagtagal ka pa rito, ihahampas ko sa mukha mo itong mga bote ng alak.”

Kumaripas naman ng takbo si Mang Pedring at nakalimutan niyang nakahubad siya. Kaya ganoon na lamang ang gulat ng kani-kanilang mga kapitbahay nang makita siyang hubo’t hubad na nagtatatakbo sa kalsada pauwi, mula sa bahay nina aling Natalia at Mang Edwin.

“E-Edwin… h-hindi ko alam ang mga nangyari, hindi ko alam…” umiiyak na pagpapaliwanag ni Aling Natalia.

Ngiting-aso ang isinukli ni Mang Edwin sa asawa.

“Hindi mo alam? Ano ‘yan, kusang nagsialis ang mga damit at p@nty mo sa katawan mo? Nag-aya ka ng inuman dito sa loob ng pamamahay natin, nang kayong dalawa lang ni Pedring? Anong gusto mong ipakitang mensahe sa kaniya? Lalaki si Pedring. Kapag palay ang lumapit sa tandang, tiyak na tutukain!” galit na sabi ni Mang Edwin sa kaniyang misis.

“Eh ikaw kasi eh… hindi ba may babae ka rin naman!” pagtatakip ni Aling Natalia.

At inamin na ni Mang Edwin ang lahat.

“Alam mo ba kung bakit parang may sinisikreto ako sa iyo? Gusto sana kitang sorpresahin. Kumuha ako ng puwesto para sa iyo, kasi sabi mo gusto mong magkarinderya. Nakahanda na ang lahat. Kaya lang mukhang hindi na matutuloy, Natalia. Hindi mo naman sinabi sa akin na ibang karinderya ang bukas sa ibang lalaki.”

Mabilis na kumalat sa kanilang lugar ang nangyari kina Aling Natalia at Mang Pedring. Ipinasya ni Mang Edwin na hiwalayan ang kaniyang misis na tamang hinala sa kaniya, subalit ito naman pala ang gagawa ng kabalbalan.

Advertisement