Laging Hinahamak ng Mapagmataas na Tiyahin ang Pamangking Domestic Helper; Pagbalik ng Dalaga sa Pilipinas ay Ikagugulat ng Ginang ang Naabot Nito
Masayang naghahanda ang dalagang si Nancy dahil pagkalipas ng dalawang taon ay muli siyang makakauwi sa Pilipinas. Tinaon pa niya ito sa kanilang family reunion. Isa-isa niyang maingat na nilagay ang mga pasalubong na kaniyang inipon para sa kaniyang pamilya.
“Punong-puno naman ang balikbayan box mo, Nancy! Hindi na rin siguro makapaghintay ang pamilya mo na makasama ka ulit,” saad ng isang kasamahan ng dalaga.
“Kahit naman ako ay sabik na sabik na akong muling makasama ang mga magulang ko at mga kapatid. Tapos ay may reunion pa kami kaya maging ang mga iba pa naming kamag-anak ay makakasama ko rin,” tugon naman ni Nancy.
“O bakit parang nag-iba ang itsura mo? Akala ko ay masaya ka sa pag-uwi mo?” saad pa ng kapwa kasambahay.
“Naalala ko lang kasi na makikita ko din sa reunion ang Tiya Merced ko. Kung anu-ano na naman ang sasabihin no’n sa pamilya namin. Wala kasing ibang magaling sa kaniya kung hindi sila ng pamilya niya. Ayos na lang naman sa akin na ako lang ang maliitin niya pero hindi ko maatim na pati ang kapatid at magulang ko ay pinagsasalitaan ng ‘di maganda,” kwento pa ng dalaga.
“Pabayaan mo na lang ang mga taong gano’n. Lahat naman ng tao ay talagang may masasabi sa’yo. Ikaw ang nakakaalam ng katotohanan sa sarili mo,” payo naman ng kaibigan.
Ilang araw ang lumipas at tuluyang nakauwi na ng Pilipinas itong si Nancy. Masaya siyang sinalubong ng kaniyang buong pamilya sa paliparan.
Kinabukasan ay sama-sama ang mag-anak na dumalo sa naturang reunion. Palinga-linga si Nancy sapagkat hinahanap niya ang kaniyang Tiya Merced nang sa gayon ay kaniyang maiwasan. Ngunit tila maliit lamang talaga ang lugar na kanilang ginagalawan.
Nang matanaw agad ni Merced ang dalaga ay agad niya itong pinuntahan at kinausap.
“Mabuti naman at nakarating ka dito sa reunion. Akala ko’y nakatuntong ka lang ng ibang bansa ay hindi mo na kami naalala. Ni hindi nga kami makatikim man lamang kahit sabon na padala mo!” saad ng tiyahin kay Nancy.
“Pasensya na kayo, tiya. Hayaan n’yo sa susunod ay dadagdagan ko ang padala ko. Iniipon ko lang din kasi ang lahat ng pasalubong na naiuuwi ko,” wika pa ng dalaga.
“Ibig mong sabihin kahit nasa ibang bansa ka ay maliit pa rin ang sahod mo? Mabuti na lang at pinagtapos ko talaga ang anak kong si Karen. Ayaw ko kasing basta na lang siyang maging domestic helper sa ibang bansa tulad mo dahil wala siyang pinag-aralan,” wika pa ng ginang.
“Sobra naman kayong mangmaliit, tiya. Marangal na trabaho naman po ang pagiging domestic helper. Siguro nga po ay hindi kasing taas ng sinasahod ni Karen pero wala naman pong masama sa trabaho ko,” depensa naman ni Nancy.
“Kahit ano pa kasi ang sabihin mo, Nancy, katulong ka pa rin. Ang kinaiba lang ay alipin ka sa ibang bansa. Kahit gaano pa kataas ang sinasahod mo ay mababa pa rin ang antas ng iyong hanapbuhay,” pangmamata pa ng tiyahin.
Gusto na sana ni Nancy na sagutin ng pabalang ang kaniyang tiya ngunit pinigilan siya ng kaniyang ina.
“Huwag ka nang lumaban, Nancy. Hayaan mo na ang Tiya Merced mo. Parang hindi mo naman alam ang ugali niyan. Kung hindi mo na kaya pang magtagal sa reunion na ito ay uuwi na lang tayo. Huwag mong sirain ang araw mo nang dahil lang sa sinabi niya,” pahayag ng ina ng dalaga.
Tuluyang umuwi na ang mag-anak upang hindi na magkagulo pa sa reunion party. Ngunit hindi maiwasan ni Nancy na maglabas ng kaniyang sama ng loob. Wala nga naman kasi sa hulog ang mga binitawang salita ng kaniyang Tiya Merced.
“Napakayabang talaga niyang si Tiya Merced. Porket hindi ako nakatapos ng pag-aaral ay ganyan na lang nila tayo maliitin. Pinapangako ko po sa inyo, ‘nay, isang araw ay titingalain din nila tayo. At kahit kailan ay hindi na nila tayo maaapi pa,” saad ni Nancy.
Lumipas ang dalawang buwan at kinailangan na ni Nancy na bumalik ng ibang bansa. Habang nasa paliparan ay napansin ni Nancy ang isang may edad na babae na tipong hinahapo at nahihirapang huminga at wala man lamang tumutulong dito. Batid ni Nancy na kapwa niya ito Pilipino. Agad niya itong nilapitan upang tulungan.
“Kabayan, ayos lang po ba kayo?” tanong ni Nancy sa matanda.
“Akin na na po muna ang mga dala n’yo at umupo muna po kayo. Uminom po muna kayo ng tubig at tatawag lang po ako ng medic nang sa gayon ay matulungan kayo sa inyong kalagayan. Huwag muna po kayong tatayo at aalis d’yan, babalik po ako,” dagdag pa ni Nancy.
Dali-daling naghanap si Nancy ng taong maaaring makatulong sa kanila. Pagbalik niya ay may kasama na siyang nars upang tingnan ang kalagayan ng matanda. Mabuti na lamang at nahilo lamang pala ito dala ng byahe.
“Maraming salamat sa iyo. Ano nga ba ang pangalan mo?” saad ng matandang ale.
“Wala po iyong anuman. Ako po si Nancy, isa po akong domestic helper. Galing po akong Pilipinas para magbakasyon. Kakabalik ko lang po dito,” saad naman ng dalaga.
“Pareho pala tayo. Salamat ulit, a. Buti na lang dumating ka at may tumulong sa akin. Baka mamaya ay napano na ako. Ako nga pala ni Belen, isa rin akong domestic helper dito,” tugon naman ng matanda.
Habang nag-uusap ang dalawa ay biglang tumunog ang telepono nitong si Nancy.
“Nandito ka na ba sa bansa, Nancy? May ibabalita ako sa’yo, sumakabilang buhay na kahapon ang amo natin at wala na tayong trabaho. Tamang-tama at pauwi pa lang ako ng Pilipinas. Ang iniisip ko ay ikaw, paano ka gayong kakabalik mo lang?” wika ng kasamahan ni Nancy.
Hindi na makasagot pa si Nancy sa labis na pangamba. Ikinabigla rin niya ang pagyao ng kanilang amo.
“Ayos ka lang ba?” tanong nI Aling Belen kay Nancy nang makita nito ang pangamba sa mukah ng dalaga.
“W-wala na raw po akong trabahong babalikan kasi yumao na po ang amo ko. Hindi ko po alam kung ano na po ang gagawin ko ngayon,” tugon naman ni Nancy.
“Huwag kang mag-alala, hija, sagot ko na ang problema mo. Sa tingin ko ay kailangan ko ng isang katulad mo sa palasyo. Sasabihin ko sa aking madam na tanggapin ka nila bilang kasambahay,” saad ng matanda.
“P-palasyo? Sa palasyo po kayo nagtatrabaho?” gulat na sambit ni Nancy.
“Mayor doma ako sa palasyo at sa tanda kong ito ay ayaw pa rin akong pakawalan ng hari at reyna. Kabisado ko na kasi ang kalakaran sa palasyo. Sa tingin ko ay magugustuhan ka rin nila. Maya-maya ay narito na rin ang sundo ko. Sumama ka sa akin at ako mismo ang magbibigay sa’yo ng trabaho,” wika pa ni Aling Belen.
Agad na pumayag si Nancy sa alok ng matanda. Sumakay sila sa isang magarang sasakyan na nagsundo kay Aling Belen pabalik ng palasyo. Labis ang pagkamangha ng dalaga nang makita niya ang napakalawak na lupain at nakalaking palasyo.
“Pagbutihan mo lang ang trabaho mo at malayo ang mararating mo dito. Baka mamaya ay ikaw pa ang pumalit sa akin!” biro pa ng matanda.
Dahil sa rekomendasyon ni Aling Belen ay agad na natanggap si Nancy bilang isang domestic helper sa palasyo. Bilang ganti sa ginawang kabutihan ng matanda ay pinagbuti ni Nancy ang kaniyang trabaho. Nakinig siyang mabuti kay Aling Belen at sinunod niya ang mga payo nito.
Hindi naglaon ay napansin ng hari at reyna ang kabutihan at kasipagan nitong si Nancy. Ginawa siyang personal na tagapangalaga ng prinsipe.
Dahil nagustuhan ng mga amo ang paninilbihan nitong si Nancy ay binigyan siya ng pambili ng bahay at lupa sa Pilipinas. Nakapundar na rin siya ng mga sasakyan at kaunting negosyo at talagang nagbago na ang buhay ng kaniyang pamilya.
Nang muling umuwi si Nancy ay hindi na niya gusto pa sanang magpunta sa reunion. Ngunit napilitan siya sa paanyaya ng ilang kamag-anak.
Napanganga na lang ang lahat lalo na si Merced nang makitang bumaba galing sa isang magandang sasakyan ang pamilya ni Nancy.
Nang kumalat ang pag-angat sa buhay ng mag-anak ay maraming kamag-anak ang humanga sa dalaga. Nilapitan siya ni Merced at tipong nagpapakumbaba dahil nakakaangat na ngayon sina Nancy.
“Kalimutan mo na ang mga sinabi ko sa’yo noon, Nancy. Binibiro lang naman kita. Nakita ko ang mga larawan ng pinatayo mong bahay at mga bago niyong sasakyan. Marami na rin palang branches ang negosyo niyong manukan. Baka pwedeng maambunan mo naman kami kahit kaunti ng iyong swerte,” saad ni Merced sa pamangkin.
“S’yempre naman, tiya, hindi ko kayo malilimutan. Ito po pala ‘yung sabon na hinihiling n’yo sa akin dalawang taon na ang nakakalipas. Pasensiya na kayo at ito lang. Alam n’yo naman ang isang tulad kong walang pinag-aralan. Domestic helper lang ang kaya kong maabot. Alipin din po iyon, kaibahan lang ay nasa ibang bansa ako,” nakangiting sambit ni Nancy sa kaniyang tiyahin.
Hiyang hiya si Merced sa kaniyang sarili at sa lahat ng tao na naroon nang ipamukha sa kaniya ni Nancy ang lahat ng masasakit na sinabi noon ng ginang.
Hindi rin kasi inaakala nitong si Merced na suswertehin sa buhay itong si Nancy at makakapagtrabaho sa hari at reyna.
Mula noon ay hindi na hinamak pa sina Nancy at ang kaniyang pamilya ng mga tao lalo ng tiyahing si Merced. Nakakalungkot lamang isipin na may mga taong nagbibigay lamang ng respeto ayon sa taas ng iyong pinag-aralan at sa kung ano na ang nakamit mo sa buhay.