Inday TrendingInday Trending
Pinalayas ng mga Pinsan Niya ang Dalaga Nang Sumakabilang Buhay ang Kaniyang Tiyahin; Isang Araw ay Babaliktad ang Kanilang Mundo

Pinalayas ng mga Pinsan Niya ang Dalaga Nang Sumakabilang Buhay ang Kaniyang Tiyahin; Isang Araw ay Babaliktad ang Kanilang Mundo

“Ang kapal ng mukha mo para pumunta pa rito!” galit na sabi ni Cherry sa pinsang si Jelyn.

“Tapos na ang panghuhuthot mo kay mommy. Wala ka nang makukuha kahit isang kusing,” sabad naman ni Chad na pinsan din ng dalaga.

Lumaki si Jelyn sa kanyang tiyahin na si Flor kasama ang mga pinsang sina Cherry at Chad. Ulilang lubos na kasi siya dahil pumanaw sa isang aksidente ang kanyang mga magulang noong siya ay bata pa kaya ang mabait niyang tiyahin ang kumukop, nag-aruga at nagpaaral sa kanya ngunit nang sumakabilang buhay din ito dahil sa malubhang karamdaman ay pinalayas siya ng kanyang mga pinsan. Galit ang mga ito sa kanya dahil noong nabubuhay pa ang tiyahin ay siya ang paborito nito kaysa sa sariling mga anak. Bukod sa mabait si Jelyn ay matalino rin siya samantalang ang mga pinsan niya ay mahihina ang ulo at mga tamad pa. Pumunta siya sa bahay ng mga ito para kunin ang mga natitira niyang gamit at ang perang ipinangako ng kanyang tiyahin sa kanya para sa pagpasok niya sa kolehiyo. Ayaw namang ibigay sa kanya ng dalawa niyang pinsan ang perang iyon.

“Ang akala mo siguro ay may makukuha ka pang pera sa amin ‘no? Nagkakamali ka! Ang perang iniwan ni mommy ay para lang sa aming mga anak niya. Wala kang karapatan dahil sampid ka lang dito. Umalis ka na at huwag na huwag ka nang babalik pa!” sigaw pa ni Cherry.

“Pasensiya na kayo. Malaki kasi ang maitutulong sa akin ng perang ipinangako ni Tita Flor para sa aking pag-aaral sa kolehiyo, p-pero kung iyan ang inyong nais ay tinatanggap ko. Labis kong ikinalulungkot ko ang pagkawala ni tita dahil itinuring ko na rin siya na tunay kong ina,” sambit ni Jelyn.

“Ang dami mo pang sinasabi! Alis na at magluluksa pa kami!” wika ni Chad.

Tahimik na umalis si Jelyn. Hindi man niya nakuha ang perang iniwan sa kanya ng tiyahin ay nagpapasalamat pa rin siya sa lahat ng pagmamahal at naitulong nito sa kanya. Dahil sa kagustuhan na makapagtapos ay naghanap siya ng trabaho para may maipantustos sa pag-aaral niya sa kolehiyo. ‘Di nagtagal ay nakakuha siya ng trabaho bilang isang serbidora sa maliit na Chinese restaurant sa Binondo. Nakapasok din siya sa isang pampamahalaang pamantasan at kumuha ng kursong medisina. Kahit mahirap ay nagagawa niyang pagsabayin ang pag-aaral at pagtatrabaho.

Ilang taon ang lumipas at nakapagtapos siya at kumuha ng board exam para tuluyan siyang maging doktor. Nang sumapit ang araw ng pagsusulit ay todo ang kaba ni Jelyn. Sa tingin niya ay kulang pa ang naging preparasyon niya para roon. Ilang buwan niyang hinintay ang resulta ng pagsusulit at nang inilabas ang listahan ng mga masuwerteng nakapasa ay laking panlulumo niya dahil hindi napabilang ang kanyang pangalan sa masusuwerteng nakapasa.

“Hayaan mo na, Jelyn. Bumawi ka na lang sa susunod na pagsusulit,” sabi ng kaklase niya at malapit na kaibigang si Dorothy.

“Sayang nga, eh. Buti ka pa nakapasa ka sa exam,” malungkot niyang tugon.

“Huwag kang panghinaan ng loob. Subukan mo ulit sa susunod. Huwag kang mawawalan ng pag-asa, walang imposible,” anito na pinalalakas pa ang loob niya.

Nang malaman ng mga pinsan niya ang nangyari ay laking tuwa ng mga ito. Puro panglalait at panghahamak ang narinig niya sa mga ito nang ‘di sinasadyang makasalubong niya ang dalawa sa mall.

“Ang taas kasi ng lipad eh, hayan tuloy bumagsak!” pang-aasar ni Cherry.

“Mas bagay sa kanya ang maging serbidora na lang habambuhay. Nangangarap pa kasing maging doktor ayan tuloy, kinarma!” gatol pa ni Chad.

“Hay naku, mabuti na lang at walang nakuha kahit singkong duling kay mommy kundi ay nasayang lang sa babaeng ‘yan!” hirit pa ni Cherry.

Hindi niya pinansin ang mga masasakit na salitang sinabi ng mga pinsan. Imbes na panghinaan ng loob ay itinuloy niya ang pagre-review. Plano niyang kumuha ulit ng pagsusulit. Kumuha siya ng pagsusulit sa ikalawang pagkakataon at nang lumabas ang resulta ay halos mawala sa ulirat niya si Jelyn. Hindi siya makapaniwala na nakapasa na siya. ‘Di lang siya basta nakapasa, siya pa ang nanguna sa lahat ng kumuha ng pagsusulit. Sa madaling salita, siya ang topnotcher.

“Congratulations, Dra. Jelyn Delos Reyes! Nagbunga na ang pagsisikap mo,” masayang bati ng kaibigan niyang si Dorothy.

Naging ganap na doktor si Jelyn gaya ng kaibigan niya. Makalipas ang ilang taon ay umasenso rin ang buhay niya. Bukod sa kanyang propesyon ay nakapagpundar rin siya ng negosyo at nakapagpatayo ng sariling ospital.

Nabalitaan ni Jelyn na naghihirap na ang mga pinsan niya dahil wala palang ginawa ang mga ito kundi waldasin ang perang iniwan ng kanyang tiyahin sa mga luho kaya pinuntahan niya ang mga ito. Hiyang-hiya ang dalawa nang makita siya. Hindi makatingin ng diretso ang mga ito sa kanya matapos siyang hamakin at laitin. Ngayon ay isa na siya sa mga mahusay na manggagamot sa bansa at matagumpay na sa buhay kaya laking pagsisisi ng mga ito sa mga sinabi sa kanya noon.

“Patawarin mo kami, Jelyn sa lahat ng ginawa namin sa iyo. Nainggit lang kasi kami dahil mas pinapaboran ka noon ni mommy kaysa sa amin,” tugon ni Cherry.

“Akala namin ay mas mahal ka ni mommy kaya nagtanim kami ng galit sa iyo, kaya hindi namin sa iyo ibinigay ang perang ipinangako niya sa iyo noon bago siya pumanaw. Pinagsisisihan na namin ang lahat. ‘Di namin akalain na sa kabila ng mga ginawa namin ay tutulungan mo pa kami. Nahihiya kami sa iyo, isa ka ng ganap na doktor at isa sa kilalang personalidad sa bansa samantalang kami ay mga walang napatunguhan ang buhay,” wika naman ni Chad.

“Sino pa ba ang magtutulungan kundi tayong magkakamag-anak? Matagal ko na kayong napatawad,” sabi ni Jelyn sa mapagkumbabang tono.

Niyakap niya ang mga pinsan at kinalimutan na ang mga hindi magagandang sinabi at ginawa ng mga ito sa kanya.

Advertisement