Minahal ng Lalaki ang Babae Kahit Dancer sa Club ang Trabaho Nito; Gustuhin din Kaya Siya Nito Kapag Nalaman ang Totoo Niyang Pagkatao?
Maganda si Maricon, maputi, at may kaakit-akit na katawan na hinahangaan ng mga kalalakihan. Kahit nagtataglay ng kakaibang kariktan ay napakabait ng dalaga kaya marami siyang kaibigan.
Sa umaga ay isa siyang mahusay na estudyante. Nag-aaral siya sa isang pamantasan sa Maynila at kumuha ng kursong Edukasyon. Balang araw ay gusto niyang maging guro kaya nag-aaral siyang mabuti para makapagtapos.
Ngunit pagsapit ng gabi ay iba na ang mundo ni Maricon. Kung isa siyang matalinong estudyante sa umaga, isa naman siyang ago-go dancer at waitress sa gabi. Nagtatrabaho siya sa isang maliit na club sa Ermita. Sa trabahong iyon niya kinukuha ang perang pinanggagastos niya sa pag-aaral. Mas pinili niya ang ganoong klaseng trabaho dahil malaki nga naman ang kinikita niya roon.
Isang gabi pagkatapos niyang magsayaw ay tinawag siya ng may-ari ng club.
“Maricon, Maricon!”
Dali-dali siyang lumapit.
“Bakit po ma’am?” tanong niya.
“Maricon, nais ka raw i-table nu’ng lalaking ‘yun!” sabi ng may edad na babae na may ari ng club.
“Eh, sino raw po ang lalaking ‘yun, ma’am?”
“Levi raw ang pangalan. Lapitan mo na. Balita ko’y regular nating kostumer ‘yan at matagal na ka raw gustong i-table pero ngayon lang nagkalakas ng loob,” sagot ng kanyang babae.
“Ganoon po ba, sige po ma’am at lalapitan ko na,” aniya.
Inayos muna niya ang sarili bago lapitan ang lalaki na nakaupo sa pinakadulong upuan.
Inihanda na niya ang isang magandang ngiti.
“Hi, ako si Maricon! Gusto mo raw akong i-table?” tanong niya.
Ngunit nang makita niya ng malapitan ang lalaki…
“T-teka, p-parang pamilyar sa akin ang mukha niya!” sambit ni Maricon sa isip.
Guwapo at matipuno ang lalaki. Maputi rin ito at singkit ang mga mata na para bang may lahing Koreano na napapanood niya sa mga K-drama. Mukhang napakaamo rin nito na para bang anghel na bumaba sa lupa.
Inanyayahan siyang umupo ng lalaki.
“Hello! Maupo ka, miss!” wika ng lalaki na hindi naaalis ang pagkakangiti na mas lalong nagpa-guwapo sa mukha nito.
Pinaunlakan naman niya ito.
“Salamat, sir. Uunahan na kita, sir, na hindi ako sumasama sa labas. Hindi ako nagpapa-take out!” sabi niya sa kausap.
Hindi pa rin naalis ang ngiti sa mga labi ng lalaki na titig na titig sa kanya.
“Alam ko… esinabi na sa akin ‘yon nu’ng babae kanina,” tugon ng lalaki na ang tinutukoy ay ang may-ari ng pinagtatrabahuhan niyang club. “By the way, I’m Levi. Ikaw? Tama ba na Maricon ang pangalan mo?”
“O-oo. Tama ka,” sagot niya habang patuloy na pinagmamasdan ang kasuap. Hindi rin maalis ang tingin niya sa lalaki.
“H-hindi ko lang talaga matandaan kung saan pero nakita ko na ang Levi na ito,” wika niya sa isip.
Biglang binasag ng lalaki ang iniisip niya.
“Kung hindi ako nagkakamali eh, schoolmate tayo!” sambit ng lalaki.
Nagulat si Maricon sa sinabi ng kausap.
“H-ha?!”
“Hindi ako maaaring magkamali, pareho tayo ng unibersidad na pinapasukan. Ako ay kumukuha ng kursong Business Administration at ikaw naman ay kursong Edukasyon ‘di ba?”
Biglang kinabahan si Maricon.
“A, eh, b-baka naman kamukha ko lang iyon,” pagtanggi niya.
“Sige, huwag na nating pag-usapan. Iba na lang ang pagkuwentuhan natin…” wika ni Levi na iniba ang usapan.
Hindi na nagpahalata pa si Maricon at sinakyan na lang ang pag-uusap nila ng lalaki.
Sa ilang oras nilang pagkukuwentuhan ay naging malapit ang loob niya kay Levi. Hindi ito mayabang at walang kahangin-hangin sa katawan. Napakasinsero nitong magsalita at may paggalang sa babae. ‘Di tulad ng ibang lalaking kustomer na halos hubaran na siya kapag tumititig sa kanya. Pakiramdam nga niya ay unti-unti siyang nagkakaroon ng paghanga sa lalaki.
Buhat noon ay palagi na itong pumupunta sa club at palagi siya nitong itine-table ngunit isang araw, habang papasok siya sa eskwelahan ay nakita niya si Levi na nakikipagkuwentuhan sa mga lalaki nitong kaklase. Napansin niya na nagtatawanan ang mga ito. Biglang nakaramdam ng pangamba ang dalaga.
“Diyos ko, baka ako ang pinag-uusapan nila! Baka ikinuwento ni Levi sa mga kaklase niya ang tungkol sa trabaho ko! Baka ma-expel ako sa school kapag ipinagsabi niya ang uri ng trabaho ko!” nag-aalalang wika ni Maricon sa sarili.
Iniwasan ni Maricon ang lalaki ngunit nang sumunod na araw ay nagkita sila.
“Wait, Maricon! Napapansin ko na parang iniiwasan mo ako? Anong kasalanan ko? Pag-usapan natin ito, please!” sabi ng lalaki.
“Pasensya na, pero nagmamadali ako, eh. May klase pa ako!” tugon ng dalaga.
“Kung patuloy mo akong iiwasan ay ipapamalita ko sa buong campus ang lihim mo!” pagbabanta ni Levi.
Walang nagawa si Maricon. Dahil doo’y napilitan siyang maging malapit kay Levi. Hanggang sa nagtapat ito ng pag-ibig sa kanya. Sinabi ng lalaki na matagal na itong umiibig sa kanya kaya gusto nito na palagi silang nagkikita at nag-uusap.
Habang nagde-date sila sa parke ay tinapat niya ang lalaki.
“Bakit ako, Levi? Sa dinami-rami ng babae sa campus, bakit ako ang nagustuhan mo? Pakiusap, h-huwag ako, Levi, huwag ako…” sabi niya sa lalaki.
“Mahal kita, Maricon. Mula ng makita kita sa campus ay tumibok na ang puso ko sa iyo. Kaya gumawa ako ng paraan para makilala ka hanggang sa matuklasan ko ang lihim mo ngunit kahit ganoon ang uri ng iyong trabaho ay tanggap kita ng buong-buo,” tugon ni Levi.
“Alam ng Diyos na kaya ko pinasok ang trabahong iyon ay dahil sa aming kahirapan. Gusto kong makapagtapos ng pag-aaral at maging isang guro. Iyon lang ang nakapagbibigay sa akin ng malaki-laking kita para pantustos sa aking pag-aaral.”
Hinawakan ni Levi ang mga kamay niya.
“Sa kabila ng lahat ay nakahanda akong pakasalan ka, Maricon. Kaya kitang buhayin, kaya kong tustusan ang iyong pag-aaral,” wika ng lalaki sa sinserong tono.
Napabuntong hininga ang dalaga.
“Hindi nababagay sa iyo ang maruming babaeng gaya ko,” sagot niya.
Mas lalong naging seryoso ang mukha ni Levi.
“Kung tutuusin ay mas marumi ako kesa sa iyo dahil isa akong lalaking bayaran. Isa akong call boy. Pinasok ko ang ganoong klaseng trabaho dahil din sa aming kahirapan,” bunyag ng lalaki.
Laking gulat ni Maricon sa ipinagtapat ng kausap.
“L-Levi?!”
“Kung mayroon mang alangan sa ating dalawa…iyon ay ako. Marumi ako, Maricon,” malungkot na wika ni Levi.
Dahil sa nalaman ay ‘di naiwasan ni Maricon na yakapin ang lalaki. Kung siya ay hanggang sa pagsasayaw at pakikipag-table lang ang ginagawa, si Levi naman ay nagagawang ibenta ang katawan para kumita.
“Wala kang dapat na ipag-alangan, Levi dahil tanggap kita anuman ang iyong pagkatao d-dahil mahal din kita. Matagal na rin akong may nararamdaman sa iyo. Natatakot lang ako na baka isiwalat mo sa iba ang aking lihim kaya kita iniwasan, pero noon pa mang una tayong nagkita ay may puwang ka na rito sa puso ko,” tugon ng dalaga na hindi na napigilan na maiyak.
Gumuhit sa mga labi ni Levi ang isang malapad na ngiti.
“Sabi ko na nga ba, eh, mahal mo rin ako. Gusto ko lang na malaman ang totoo mong nararamdaman sa akin para ipagtapat ko na sa iyo ang totoo,” wika ni Levi.
“A-anong totoo?”
“Hindi totoo ang sinabi ko na isa akong call boy. Ang totoo ay isa akong negosyante na nag-aaral ng maikling kurso sa pinapasukan nating unibersidad. Ako ang may-ari ng isa sa pinakamalaking pagawaan ng alak sa bansa. Ipinama iyon ng aking mga magulang sa akin mula ng sila ay pumanaw. Sinabi ko lamang na iyon ang aking trabaho upang matiyak ang iyong damdmain. Mula ngayon ay hindi ka na babalik sa club, ako na ang magpapa-aral sa iyo hanggang sa ikaw ay makapagtapos sa kolehiyo. At kapag isa ka nang ganap na guro ay magpapakasal na tayo at bubuo ng sarili nating pamilya,” hayag ni Levi sa katipan.
Hindi makapaniwala si Maricon sa ibinunyag ng lalaki. Sinubok lamang pala siya nito para mailabas ang tunay niyang nararamdaman para rito. Mula noon ay tinalikuran na ng dalaga ang pagtatrabaho sa club at naging mas matibay ang relasyon nila ni Levi. Hindi siya pumayag na gastusan siya ng nobyo sa pag-aaral niya kaya ang ginawa ni Levi ay pinasok siya nito sa kumpanya bilang sekretarya at ang kinikita niya ay ang ginamit niyang pantustos sa kanyang pag-aaral hanggang sa dumating ang araw na nakapagtapos siya sa kolehiyo at tuluyang naging guro. Pinakasalan siya ni Levi at nagkaroon sila ng dalawang anak at namuhay nang maligaya.