Inday TrendingInday Trending
Pangarap ng Dalagang Ito na Maging Tanyag na Tagapagbalita, Maabot Niya Kaya Ito sa Paraang Gusto Niya?

Pangarap ng Dalagang Ito na Maging Tanyag na Tagapagbalita, Maabot Niya Kaya Ito sa Paraang Gusto Niya?

“Janna, ikaw ba ang gumawa ng balitang ito?” masungit na tanong ni Logro sa baguhang tagapagbalitang hawak niya.

“Ah, eh, opo, sir. Bakit po? May mali na naman po ba akong salitang naisama?” tanong din ni Janna saka agad na nirebisa ang ginawa niyang balitang mayamaya’y bibigkasin na niya sa harap ng kamera.

“Higit pa roon ang nagawa mo! Tingin mo ba may matutuwa sa balitang ‘to, ha? Napakababaw at walang saysay! Gobyerno na nga lang ang gagawan mo ng balita, wala pang kwenta!” sigaw nito sa kaniya dahilan upang siya’y mapakamot sa kaniyang ulo.

“Eh, sir, ayan lang naman po kasi ang nakalap kong impormasyon tungkol sa gobyerno. Kung sino-sino na po ang pinagtanungan ko roon pero pare-parehas lang sila ng sinasabi,” pangangatwiran niya na lalo nitong ikinagalit.

“Diyos ko, Janna! Gusto mo ba talagang maging isang sikat tagapagbalita? Kasi kung gusto mong matupad ang pangarap mo, kailangang umingay ng pangalan mo sa larangang ito pati ang kumpanya natin! Kung kinakailangang gumawa ka ng kwento, gawin mo!” bulyaw nito habang nilulukot ang kaniyang likhang balita.

“Magbabalita po ako ng hindi totoo? Hindi po ba taliwas ‘yon sa pinangako natin sa taong bayan?” pagtataka niya.

“Kung gusto mo pang tumagal dito, sumunod ka sa pinag-uutos ko! Gawin mo ulit ‘to!” pagbabanta nito saka binato sa kaniya ang lukot na papel dahilan para agad niya itong muling pag-aralan habang nagpipigil ng kaniyang luha.

Nais na maging isang sikat na tagapagbalita ng dalagang si Janna simula pa lamang noong siya’y nasa elementarya. Gustong-gusto niya ang trabahong ito dahil bukod sa kung saan-saan maaaring magpunta ang mga tagapagbalita, palagi pa silang nasa telebisyon.

Agad niyang sinimulan ang pangarap niyang ito sa murang edad. Nag-eensayo siya sa pagsusulat ng balita, nagsasalita siya sa harap ng salamin upang maging matatas siyang magsalita, at marami pang ibang pag-eensayo para lamang siya’y maging handa sa pangarap niyang ito.

Sa kabutihang palad naman, suportado siya ng kaniyang mga magulang. Ito ang dahilan upang makuha niya ang kursong ayon sa pangarap niyang ito.

Hindi man naging madali ang kursong ito para sa kaniya, ginawa niya ang lahat ng kaniyang makakaya upang maipamalas ang kaniyang galing at ilang taon pa ang lumipas, tuluyan na ngang siyang nakapagtapos ng pag-aaral.

Dahil sa galing niya, nilakad siya ng kaniyang unibersidad sa isang sikat na kumpanya ng mga tagapagbalita sa telebisyon at siya’y agad na nakuha.

Mangiyakngiyak niyang pinirmahan ang kaniyang kontrata dahil sa tuwa. Wika niya, “Sa wakas, natupad ko na ang pangarap ko!” ngunit ito pa lang pala ang simula ng kaniyang paghihirap para sa kaniyang pangarap.

Nang magsimula siyang magtrabaho rito, namulan siya sa lahat ng katiwaliang ginagawa ng mga tagapagbalita para lamang sumikat. Dinadagdagan at binabawasan nila ang impormasyong binabalita para maging maingay ang kumpanya sa telebisyon at social media.

Siya’y palaging napapagalitan dahil ang kaniyang mga likha’y purong katotohanan at hindi kapansin-pansin. Ito ang dahilan para ganoon na lang niya kuwestiyunin ang sariling pangarap.

Noong araw na ‘yon, kahit anong piga niya sa isip niya, wala talaga siyang maidagdag na impormasyon dito para ito’y maging makatas at masiraan ang gobyerno. Dahil dito, kahit na hindi pa tapos ang kaniyang kontrata, agad na siyang tinanggal ng humahawak sa kaniya.

Pigil-pigil niya ang kaniyang luha habang siya’y naglalakad pauwi. Hindi niya lubos akalaing makararanas siya ng ganitong sakit sa pag-abot niya ng kaniyang problema.

Pagtingin niya sa kabilang estasyon sa tapat ng kanilang kumpanya, nakita niyang naghahanap ang mga ito ng tapat na mga tagapagbalita at dahil ayaw niyang sumuko sa pangarap niya, kahit hindi siya handa, agad siyang nagtungo sa loob nito.

Sa kaniyang galing sa pagsusulat at tatas magsalita, agad siyang kinuha ng mga ito. Nang tanungin siya kung bakit siya natanggal sa trabaho, ang wika niya, “Hindi kasi nila gusto ang mga balita kong puro katotohanan. Pakiramdam ko, kayo po ang makatutulong sa pag-abot ng pangarap ko,” na ikinangiti ng pinakamataas dito.

Agad na nga siyang nagsimula sa pagtatrabaho roon. Mas magaan ang trabaho niya rito dahil kung ano ang nakalap niyang impormasyon, iyon lamang ang kaniyang nilalagay sa balitang kaniyang bibigkasin sa kamera na labis niyang ikinatuwa.

Isang araw, bigla na lang pumutok ang balitang ipinasara na ang kumpanyang dati niyang pinagtatrababuhan dahil sa mga hindi totoong balita ng mga ito tungkol sa gobyerno na labis niyang ikinatuwa.

“Sa wakas, hindi na nila mabubulag ang mga tao dahil sa mali nilang paraan ng pagbabalita,” wika niya habang ginagawa ang balita tungkol sa kumpanyang ito at iyon ang naging umpisa ng kaniyang pagsikat.

Advertisement