Minaliit ng Isang Kandidata ang Simpleng Dalagang Ito, Isang Pangyayari ang Nagbigay Daan para Sila’y Magkasundo
“Sigurado ka bang ito ang patimpalak na sasalihan mo? Pagandahan ito, ha? Baka lang naliligaw ka,” taas kilay na tanong ni Princess sa isang simpleng babaeng nakaupo sa tapat ng kaniyang dressing room, araw ng kanilang patimpalak matapos niyang mag-ensayo sa pagrampa.
“Hindi man ako kasing ganda katulad mo, marunong naman akong magbasa kaya alam kong nasa tamang patimpalak ako,” nakangiting sagot ni Jane saka bumalik sa binabasa nitong libro.
“Ang lakas ng loob mong sumali sa ganitong klaseng patimpalak, ano? Kahit walang ibubuga pagdating sa pagandahan, sige pa rin para sa perang mapapanalunan!” sagot pa nito dahilan upang siya’y muling mapangiti at tumingin dito.
“S’yempre naman, sino bang hindi manghihinayang sa dalawangpung libong pisong papremyo, hindi ba? Kaya ikaw, magrebisa ka na ng mga sinaulo mong sagot para sa itatanong sa’yo mamaya. Ikaw rin, baka matalo kita,” pang-iinis niya rito, halos mapahagalpak siya nang makitang namumula sa galit ang mukha nito.
“Excuse me? Sinasabi mo bang…” hindi na nito natapos ang sasabihin dahil agad nang sumabat ang kaibigan niyang binabae na nakarinig ng mga sinabi nito sa kaniya.
“Oo! Naririnig ka naming nagsasaulo ng isasagot kanina sa banyo! Nakakahiya ka!” sigaw nito dahilan upang magtinginan ang ibang kandidatang nandoon at bahagyang magtawanan, “Halika na nga, friend, papagandahin na kita! Nakakaloka ‘to!” dagdag pa nito saka siya agad na hinila patungo sa sarili niyang dressing room.
Ang pagsali sa mga patimpalak ang naging hilig ng dalagang si Jane simula nang siya’y mawalan ng trabaho sa ibang bansa dahil sa isang kasalanang hindi naman siya ang may gawa.
Sa katunayan, muntik na nga siyang mawalan ng buhay dahil dito. Kaya laking pasasamalat niya nang siya’y makahingi ng tulong sa ibang mga Pilipino roon at siya’y tuluyang mailayo sa malupit niyang amo.
Ito ang dahilan upang bukod sa pagtatrabaho niya sa isang kumpanya sa Maynila, siya rin ay rumaraket sa mga patimpalak, photoshoot at iba pang sideline para lamang matugunan ang pangangailangan ng kaniyang buong pamilya na siya lamang ang inaasahan.
Hindi man siya ganoon kaganda katulad ng ibang modelo at kontisera, palagi naman siyang nag-uuwi ng korona at malaking pera dahil sa pinapakita niyang kabaitan at katapatan.
Dahil din sa kaniyang angking katalinuhan, kahit ang mga batikang kontisera sa larangan ng pagandahan, kaniyang napapataob sa kaniyang sagot na mula sa puso.
May pagkakataon pa ngang napagkamalan siyang katulong ng isang kandidata dahil sa simple ng kaniyang pananamit sa tuwing may ensayo sila. Nagagawa pa siyang utusan ng mga nag-aayos doon na agad naman niyang sinusunod. Magugulat na lang ang mga ito sa oras ng patimpalak dahil siya’y nasa entablado at kinokoronahan.
Sa kabaitan niyang ito, lalong umingay ang kaniyang pangalan sa larangan ng mga patimpalak dahilan upang kada may patimpalak sa anumang sulok ng bansa, kaniya agad itong sinasalihan sa tulong ng kaniyang matalik na kaibigang binabae na siyang nagpapalabas ng natatago niyang ganda.
Noong araw na ‘yon, matapos nilang makipagsagutan sa walang modong kandidata, agad na siyang inayusan ng kaniyang kaibigan. Paalala niya rito, “Alisin mo muna ang galit mo, ha, baka mapapangit mo ako lalo,” na ikinatawa nito.
Ilang oras pa ang lumipas, tuluyan na ngang nagsimula ang patimpalak. Lahat ng mga kandidata’y pinapila na sa backstage habang kinokondisyon ng kanilang mga tagapag-alaga.
Napailing na lang siya nang makitang ang kandidatang nang maliit sa kaniyang nasa unahan niya.
“Iyan na ang pinagmamalaki mong ganda?” patawa-tawang sambit nito, ngumiti lang siya at sinaway ang kaibigan niyang handa nang sabunutan ang kandidatang ito.
Ngunit maya-maya, hindi pa man natatawag ang kandidatang ito, bigla na lang nabali ang suot nitong heels dahilan upang mataranta ito.
“Kuhanin mo ang isa ko pang heels!” sigaw nito sa kasama nitong babae dahilan upang agad itong tumakbo.
Kaya lang, tinatawag na ang pangalan nito, wala pa rin itong maayos na heels dahilan upang agad niyang hubarin ang kaniyang suot at ipahiram dito na siyang ikinadismaya ng kaniyang kaibigan. “Pe-pero, paano ka?” tanong nito sa kaniya.
“Ako nang bahala, dalian mo na, kanina ka pa tinatawag!” sigaw niya rito dahilan upang magmadali itong isuot ang heels ang rumampa sa entablado.
Nang siya na ang tinatawag, wala pa rin ang naturang heels na inutos ng kandidata dahilan para siya’y rumampa ng nakapaa na ikinapagtaka ng maraming tao.
Agad namang kumalat ang ginawa niyang kabutihang sa backstage dahilan upang umaalingawngaw ang sigawan at palakpakan ng mga tao sa kaniya.
At dahil nga sa angkin niyang katalinuhan, hindi kalaunan, siya nga ang nakoronahan at nag-uwi ng malaking halaga ng pera.
Lalo siyang natuwa sa tagumpay niyang ito nang siya’y yakapin ng kandidatang nangmaliit sa kaniya kanina. Wika pa nito, “Ngayon alam ko na kung anong mayroon ka na wala ako, salamat kanina, ganda!” na labis niyang ikinaluha.