Pabor sa Bunso at Bungangera sa Panganay ang Ginang na Ito, Hindi Niya Lubos Akalain ang Ginawa ng Panganay
“Ano, Lesley, kaaga-aga, selpon na agad ang hawak mo, ha? Naglalaro ka na agad, wala ka pang nagagawang gawaing bahay! Anong klaseng ate ka? Kita mo si bunso, nag-iigib na agad ng tubig doon habang ikaw, nakahilata’t nagpipipindot ng selpon!” bulyaw ni Berna sa kaniyang anak, isang umaga nang makita niya itong nakahiga’t naglalaro sa selpon.
“Mama, pupwede po bang huwag niyo muna ako pagalitan ngayon?” mahinang sambit nito sa kaniya saka nagtalukbong ng kumot na labis siyang magalit dito.
“Aba, humihiling ka pa? Sino ka para pagsabihan akong huwag kang pagalitan? Hindi kita papagalitan kung may naitutulong ka sa pamamahay ko!” sigaw niya pa rito saka agad na hinila ang kumot nito.
“Kahit naman gumagawa ako ng gawaing bahay, binubungangaan niyo pa rin ako!” sagot nito na labis na ikinainit ng kaniyang dugo.
“Sumosobra ka ng bata ka! Iyan ba ang natutunan mo sa paaralan?” tanong niya rito, ngunit imbis na siya’y intindihin, nilayasan lamang siya nito kaya ganoon na lang ang kaniyang galit, “Bumalik ka rito! Napakatamad mong bata ka! Sa galaan ka lang masipag! Pabigat!” dagdag niya pa habang hinahabol ito ng walis tambo palabas ng kanilang bahay.
Palaging mainit ang dugo ng ginang na si Berna sa kaniyang panganay na anak habang palagi niya namang pinapaboran ang kaniyang bunsong anak. Sa katunayan, kahit noong mga bata pa lamang ang mga ito, palagi niyang binibigyan ng kung anu-anong pasalabong ang kaniyang bunsong anak, habang palagi niya namang inuutusan ang kaniyang panganay na si Lesley.
Marami sa kaniyang mga kaibigan at kaanak ang nagtatanong kung bakit ganito ang trato niya sa kaniyang anak at ang palagi niyang sagot, “Labing siyam na taong gulang pa lang ako nang ipagbuntis ko ‘yang batang ‘yan. Iyan ang sumira sa buhay ko kaya napakahirap ko ngayon!”
Bukod pa sa rason niyang iyon, palagi na lang kasing gabi kung umuwi ang anak niyang ito at kapag tinatanong niya, hindi ito palagi naimik na labis niyang ikinagalit. Hindi niya naman masabing ito’y nag-aaral o nagawa ng proyekto dahil mabababa ang mga marka nito.
Ito ang para ganoon na lang siya magalit dito kahit na wala itong ginagawa sa kaniya o kahit na nagawa naman ito ng gawaing bahay katulad ng gusto niya.
Sa kabilang banda, labis naman siyang natutuwa sa bunsong anak niyang lalaki. Bukod sa napakasipag nito sa bahay na siyang katuwang niya sa lahat ng gawain, matalino pa ito at responsable, hindi katulad ni Lesley.
Noong araw na ‘yon, halos kapusin siya ng hininga kakahabol sa panganay niyang anak. Wika niya nang siya’y mapagod na, “Huwag ka nang uuwi sa pamamamahay ko! Kung gusto mo, tumalon ka na sa gusali nang mawala ka nang peste ka!” saka siya agad na bumalik sa kanilang bahay.
Pagkauwi niya, naabutan niyang may kausap sa kaniyang selpon ang bunso niyang anak. Nang tanungin niya kung sino ito, sagot nito, “Guro po ni ate, mama, kung maaari ka raw pong magpunta sa paaralan ngayon,” na labis niyang ikinagalit.
“Anong kalokohan na naman kaya ang ginawa noon? Siguro may binagsak na namang klase!” sigaw niya saka agad na nag-ayos ng sarili.
Ilang minuto pa ang lumipas, tuluyan na siyang nakarating sa paaralan nito. Sumalubong sa kaniya ang guro ng anak niyang ito saka siya agad na pinaupo sa isang upuan.
“Ano po bang ginawang kalokohan ni Lesley?” tanong niya at labis siyang nagtaka nang may ibigay itong panglinis ng banyo sa kaniya.
“Tinangka po ‘yang inumin ng anak niyo kahapon. Mabuti na lang at siya’y sinundan ng kaniyang mga kaklase sa banyo. May problema po ba sa bahay niyo? Pasensiya na po, ha, pero nakakaalarma na po ang ikinikilos niya. Mababa ang marka niya dahil hindi raw po siya makapag-aral dahil sa mga sermon niya. Palagi po siyang naiyak sa klase dahil wala na raw po siyang nagawang tama sa bahay niyo,” tuloy-tuloy na wika nito na agad niyang ikinaluha.
Doon niya labis na napagtantong lahat pala ng kaniyang mga sermon ay tumatatak sa isip ng kaniyang anak at ito’y labis na dinadamdam. Ito ang dahilan para agad siyang magpaalam sa gurong ito at hanapin ang anak niyang pinalayas niya kanina.
“Sana naman hindi niya sinunod ang utos ko na tumalon siya sa gusali. Diyos ko, iligtas mo ang anak ko, ang kawawang anak ko,” iyak niya habang kumakaripas ng takbo.
Naabutan niya itong tahimik na kumakain sa isang karinderya malapit sa kanilang barangay. Agad niya itong nilapitan at mahigpit na niyakap na labis nitong ikinagulat.
“Simula ngayon, pahahalagahan na kita, anak, basta huwag mo akong iiwan,” iyak niya na ikinabuntong-hininga nito at siya’y agad ding niyakap.
Simula noon, pantay niya nang minahal ang kaniyang dalawang anak. Parehas niya itong inaalagaan at pinag-iingatan na labis niya namang ikinasaya dahil sa pagbabago ng kaniyang panganay na anak.