Buong Akala ng Dalaga, Gusto Siya ng Binatang Palaging Kumakain sa Kanilang Restawran; Naiyak Siya nang Malaman ang Intensyon Nito
“Linda, nandito na naman ‘yong lalaking palagi kang tinitingnan. Mukhang iba na ang intensyon niya sa’yo, ha?” wika ni Alliah sa pinsan saka ito bahagyang siniko, isang umaga habang sila’y abalang nagtatrabaho sa restawrang pagmamay-ari ng kanilang lola.
“Sinabi mo pa! Hinihingi na nga niyan ang numero ko kahapon!” bulong ni Linda habang kinikilig-kilig pa.
“Talaga? Naku, huwag mo nang pakawalan ‘yan! Bukod sa gwapo na, mukhang mayaman pa, katulad ng mga magulang mo!” wika pa nito, “O, ito, ikaw na ang magbigay ng order niya! Lingkisan mo na agad, ha?” bilin nito saka iniabot sa kaniya ang pagkain ng naturang lalaki.
“Magandang umaga po, sir, ito na po ang order niyo,” nakangiti niyang sambit dito saka bahagyang hinawi palikod ang kaniyang buhok.
“Ganoon ba ako kaespesyal para ikaw pa ang mag-abot ng pagkain ko?” tanong nito na ikinangiti niya.
“Lahat po ng kustomer namin ay espesyal para sa amin,” pagpapakipot nito.
“Ay, ganoon ba? Pasensya na kung medyo ambisosyo ako!” kamot-ulo nitong sagot saka agad na uminom ng tubig, “Teka, pupwede ba kitang yayaing lumabas mamayang gabi? Kahit pagkatapos na ng pagtitinda niyo rito, hihintayin kita kahit anong oras,” yaya nito na ikinagulat niya.
“Sigurado po ba kayo, sir?” tanong niya habang kumakabog ang dibdib.
“Oo naman, huwag na sir ang itawag mo sa akin, Allan na lang!” pagpapakilala nito saka iniabot ang kamay.
“Sige, Allan, kita tayo mamaya,” pagpapakipot niya pa habang nakaabang na makipagkamay ang binata, agad siyang tumakbo patungong kusina pagkatapos nito at doon inilabas ang kilig na nararamdaman.
Mula sa isang marahas na relasyon ang dalagang si Linda. Tatlong taon man na ang nakalilipas simula nang makawala siya sa binatang labis na nananakit ng emosyonal at pisikal, hindi niya pa rin magawang muling umibig dahil sa traumang kaniyang nararamdaman sa tuwing may lalaking magtatangkang siya’y ligawan.
Ito ang dahilan para ganoon niya palipasin ang kaniyang oras at ibaling ang kaniyang atensyon sa pamamahala ng restawran ng kaniyang lola katuwang ang kaniyang pinakamalapit na pinsan. Kahit na mayroon naman talaga siyang mas magandang trabaho sa kumpanya ng kanilang pamilya, pinili niya pa ring magtrabaho rito upang matagtag ang kaniyang katawan at agad na makatulong tuwing gabi.
Napansin ng kaniyang pinsan na tila tumatagal na ang panahon ng kaniyang pag-usad sa buhay. Kaya naman ganoon na lang siya tinutulak nito sa binatang palaging kumakain sa kanilang restawran na pakiramdam nilang dalawa ay may gusto sa kaniya.
Ganoon na lang ang kilig niya matapos ang usapan nila ng binatang iyon. Nagtatatalon siya sa kilig habang sinasayaw-sayaw ang kaniyang pinsan. Wika niya, “Ganito pala ang pakiramdam ng kinikilig, ano? Ngayon ko na lang ito naramdaman! Ang sarap pala talaga sa pakiramdam!” na labis namang ikinatuwa ng kaniyang pinsan.
Dahil nga suportado siya nito, agad na siya nitong pinauwi upang makapaghanda sa pakikipagkita sa naturang binata. Isinuot niya ang bagong bili niyang damit, nag-ayos siya ng sarili at nagkulot ng buhok saka muling bumalik sa restawran kung saan siya susunduin ng binata.
Maya-maya pa, tuluyan na nga siyang sinundo nito. Inalalayan pa siya nitong sumakay sa sasakyan na lalo niyang ikinakilig.
“Kapag ako niligawan nito, sasagutin ko talaga agad!” biro niya sa sarili saka pinakinggan ang pagkukwento ng kung anu-ano ng binata habang nagmamaneho.
Pagkarating nila sa isang mamahalin at sikat na restawran sa loob ng isang 5-star hotel, agad siya nitong pinaupo. Um-order ito ng napakaraming pagkain na labis niyang ikinatuwa.
Ngunit habang sila’y masayang kumakain. Siya’y nabigla sa tanong nito, “Magkano ang kinikita ng restawran niyo sa isang araw? Pupwede ko bang malaman kung anong sikreto niyo sa masasarap niyong mga pagkain? Magtatayo kasi ako ng negosyo…” hindi na niya pinatapos ang sasabihin nito dahil sa sakit na kaniyang nararamdaman.
“Iyon lang ba ang dahilan mo para ilabas mo ako?” pagkaklaro niya rito.
“Oo, bakit? Alam kong ikaw ang makakatulong sa akin, eh,” diretsahang sambit nito na labis niyang ikinagalit.
“Pwes, nagkakamali ka. Hindi kita matutulungan!” sigaw niya rito saka agad na lumabas ng naturang establisyimento. Habulin man siya nito, hindi niya ito pinakikinggan at agad na sumakay ng taxi pauwi sa kanilang restawran.
Ganoon na lang siya humagulgol sa balikat ng kaniyang pinsan na galit na galit sa lalaking iyon matapos niyang ikuwento ang lahat.
“Sana maging aral ito sa’yo na talagang hindi lahat ng lalaki, may magandang intensyon sa’yo,” sambit nito saka tinapik-tapik ang kaniyang likuran.
Siya ma’y bahagyang napahiya, isang aral naman ang kaniyang natutunan dahil dito. Kaya lang, ngayon, lalo siyang naging mapili sa lalaki.