Sa Kaibigan Lumapit ang Ginang na Ito nang Magkaproblema sa Asawa, Nanginig Siya sa Galit nang Malaman ang Katotohanan
“O, mare, napadalaw ka? A-anong kailangan mo? Wala ba kayong ulam sa bahay niyo?” gulat na tanong ni Beth sa kaibigan nang dalawin siya nito sa dis oras ng gabi.
“Bakit parang gulat na gulat ka? Hindi mo man lang ba ako papapasukin, ha? May tinatago ka bang kayamanan dito sa bahay mo?” biro ni Julie rito saka agad itong hinawi at pumasok sa bahay nito.
“Wala naman! Nakakagulat ka kasi! Ni hindi ka man lang tumawag bago magpunta rito edi sana nakapaglinis ako ng bahay at nakapagluto ng pagkain para sa’yo!” sambit pa nito habang mabilis na nagliligpit ng kung anu-anong damit na nakakalat sa sahig ng bahay nito.
“Naku, kahit anong dumi ng bahay mo at kahit walang pagkain, ayos lang sa akin! Basta, may makausap lang ako ngayong gabi. Saka, na-miss ko rin ang kulay rosas mong buhok!” sambit niya na ikinatawa nito.
“Naglambing na naman ang matalik kong kaibigan! Ano bang problema mo, ha?” pang-uusisa nito, roon na nagsimulang tumulo ang luhang kanina niya pa pinipigilan.
“Hindi na naman umuwi sa bahay namin ang asawa ko, Beth. Tinatawagan ko, hindi nasagot. Ano bang mali sa akin? Hindi ba ako maganda? Masagwa na ba akong tingnan dahil sa taba ko? Bakit kailangang gawin sa akin ito ng asawa ko?” tanong niya rito saka humagulgol sa harapan ng kaibigan, niyakap lamang siya nito habang pinapangaralan.
Tila nakararanas ng isang bangungot ang ginang na si Julie ngayon. Napapansin niya kasi ang madalas na hindi pag-uwi ng kaniyang asawa sa kanilang bahay. Uuwi man ito, magigising na lang siya sa madaling araw na wala na ito sa kaniyang tabi. Kapag tinatanong niya naman ang anak niyang isang call center agent na gising sa gabi, palaging wika nito, “Sabi po ni papa maninigarilyo lang daw po sa labas,” ngunit tanghali na itong uuwi at agad na ring aalis dahil sa trabaho.
Ito ang dahilan para ganoon na lang siya mabaliw kakaisip kung ano ba talaga ang rason ng mga kilos na ito ng kaniyang asawa. Komprontahin man niya ito sa tuwing magkakaroon siya ng pagkakataong makausap ito, palaging bulyaw nito sa kaniya, “Huwag ka ngang baliw! Matanda na tayo, bakit ba pinakikialamanan mo pa ako? Bakit ba gusto mong palagi lang akong nasa bahay, ha?” na lalo niyang ikinalulungkot.
Maayos naman kasi talaga ang naging simula ng kanilang pagsasama. Palagi niya pa itong sinasama sa mga gala at inuman ng kaniyang mga kaibigan kahit na may anak na sila.
Kaya ganoon na lang siya napapaisip kung bakit tila bigla itong nagbago ng pakikitungo sa kaniya.
Kaya naman, sa tuwing makararamdam ng kalungkutan, agad niyang tinatawagan ang matalik niyang kaibigang si Beth. Kahit anong oras kasi, magpupuntahan siya ito dahil ito na lang ang walang pamilya sa kanilang magkakaibigan. Laking tuwa niya nang gabing iyon, kahit hindi siya nakatawag, sinamahan siya nitong uminom. Nagising na lang siyang nasa sarili ng bahay.
“Salamat naman, matiwasay akong nakatulog ngayong gabi. Salamat talaga sa kaibigan ko,” wika niya pagdilat.
Maya-maya, nagpasiya na siyang kumilos sa kanilang bahay. Nagluto na siya ng pagkain, naghugas ng pinggan at nang makita niyang puno na ang lagayan ng kanilang maruming damit, agad na siyang nagdesisyong lalabhan niya ang mga ito.
Kaya lang, habang hinihiwa-hiwalay niya ang mga puting damit sa de kolor, naagaw ng isang buhok na kulay rosas na nasa pamasok na damit ng kaniyang asawa ang atensyon niya na ikinapagtaka niya.
“Nagpunta kaya rito sa banyo si Beth kagabi? Diyos ko, nakakahiya, ang babaho ng mga damit na ito!” wika niya at dahil hindi siya mapakali, ginising niya ang anak upang makumpirma kung nagpunta nga ito sa kanilang banyo.
“Mama, naman, eh! Manggigising lang para roon! Bakit naman magpupunta si Tita Beth sa banyo natin? Ni hindi ko pa nga nakikita sa loob ng bahay natin ‘yon!” inis na sagot nito sa kaniya.
“Eh, sino’ng nag-uwi sa akin kagabi?” pang-uusisa niya pa. “Si papa!” sigaw nito na labis niyang ikinapaghina.
Labis niyang kinumbinsi ang sariling hindi ang kaibigan niya ang dahilan nang panglalamig ng kaniyang asawa ngunit hindi siya mapakali, hindi ito maalis sa isip niya dahilan para muli niya itong surpresahin sa bahay nito.
Dahil nga malimit na siya rito, alam niya kung paano kalikutin ang pintuan nito upang bumukas at pagkapasok niya, damit na agad ng kaniyang asawa ang bumungad sa kaniya!
Pagpanik niya pa sa kwarto nito, kitang-kita niya ang kababuyang ginagawa nito pati ng kaniyang asawa dahilan para agad siyang magwala. Pinagsasasampal niya ang kaniyang asawa at ganoon niya na lang sinabunutan ang kaniyang kaibigan.
“Nandito lang pala ang asawa ko kagabi! Walang hiya ka, kayong dalawa! Pinaikot niyo ako! Ang bababoy niyo!” sigaw niya habang nagwawala sa bahay na iyon.
Doon niya natutunang wala siyang dapat labis na pagkatiwalaan sa buhay sa mundong ito, dahil kahit asawa o kaibigan niya, nagawa siyang lokohin.
Pinabarangay niya ang dalawang ito at nang malaman ito ng kaniyang anak, nais nitong ipademanda ang mga manlolokong ito. Sisiguraduhin nilang mabubulok sa bilangguan ang dalawa.