Inday TrendingInday Trending
Papa’s Boy ang Binatilyong Ito Kaya Nang Hindi Maibigay sa Kaniya ang Hiling Niya ay Nagmaktol Siya; Mababago pa Kaya ang Kaniyang Pagiging Laki sa Layaw?

Papa’s Boy ang Binatilyong Ito Kaya Nang Hindi Maibigay sa Kaniya ang Hiling Niya ay Nagmaktol Siya; Mababago pa Kaya ang Kaniyang Pagiging Laki sa Layaw?

Papa’s boy si Andrei, palibhasa, siya ang ‘hiniling’ na anak ni Mang Ernesto noon pa man. Ipinagdasal ni Mang Ernesto sa Birhen ng Antipolo na nawa, ang unang magiging anak nila ng misis na si Aling Rebecca, ay isang lalaki. Hindi naman siya binigo. Kaya naman, lahat ng materyal na bagay na kaya niyang ibigay, kahit mahirap, ay ipinagkakaloob ng ama para sa kaniyang unico hijo.

“Huwag mo masyadong gawing laki sa layaw ang anak natin, Ernesto. Baka magkaroon tayo ng problema sa paglaki niyan. Sabi nga sa itinuturo kong akda ni Francisco Balagtas, huwag palakihin sa layaw ang mga anak,” paalala noon ni Aling Rebecca sa kaniyang mister. Guro ng asignaturang Filipino sa pampublikong paaralan si Aling Rebecca.

“Magtiwala ka sa akin, Rebecca. Saka wala naman tayong ibang anak. Sabi ng doktor, mapalad tayo dahil dumating pa si Andrei sa buhay natin, mabuti nga at lalaki ang ipinagkaloob sa atin, dahil may magmamana at magsasalin ng apelyido natin. Hayaan mo na ako,” sansala naman ni Mang Ernesto sa kaniyang misis.

“Huwag mong sasabihin sa akin Ernesto na hindi kita pinaalalahanan tungkol sa bagay na iyan ha. Ikaw rin ang iniisip ko,” sabi naman ni Aling Rebecca.

Habang lumalaki si Andrei, sanay itong makuha ang mga gusto niyang laruan. Palibhasa, maganda at malaki ang suweldong nakukuha ni Mang Ernesto bilang contractor ng isang karpinterya. Hindi iniinda ni Mang Ernesto kung magkano man ang halaga ng mga bagay na nais ng anak, mapasaya lamang ito.

Ngunit hindi lahat ng panahon ay Pasko. Nagkaroon ng problema ang kompanyang pinagtatrabahuhan ni Mang Ernesto dahil sa isang pumalpak na malaking proyekto. Medyo nagkaroon sila ng problema sa pera. Mabuti na lamang din at may trabaho si Aling Rebecca. Subalit kinakailangan nilang magbawas ng mga gastusin, kailangan nilang magtipid. Tinedyer na noon si Andrei, mga 15 taong gulang.

“Pa, bili mo naman ako ng hover board, ako na lang kasi ang walang ganoon sa mga kaklase ko,” minsan ay hirit ni Andrei sa kaniyang ama.

Sinaway naman siya ni Aling Rebecca. “Andrei, ano ka ba? Ang mahal-mahal naman ng hover board na iyan, isa pa, may skate board ka naman diyan, bakit hindi na lang iyon ang gamitin mo…”

“Ma, okay lang. Anak, sige, gagawan natin ng paraan para mabilhan kita ng hover board. May ipon pa naman si Papa,” nakangiting pangako ni Mang Ernesto sa anak. Palihim naman siyang napatingin sa misis, na noon ay nandidilat ang mga mata sa kaniya. Tuwang-tuwa naman si Andrei.

Subalit halos bumagsak ang mga balikat ni Mang Ernesto nang makita ang presyo ng isang hover board. May kamahalan ito. Kung noon, kayang-kaya niyang bilhin ito. Iba na ang sitwasyon nila ngayon. Kailangang magtipid-tipid. Napabuntung-hininga si Mang Ernesto. Mukhang hindi niya mapagbibigyan ang anak. Subalit may naisip siyang paraan.

Nawala ang ngiti sa mga labi ni Andrei nang makita ang surpresang regalo ng ama sa kaniya. Hindi hover board na pinabibili niya, kundi roller blades.

“Pa bakit ganito? Ayoko nito! Roller blades? pambata lang po ito, Pa, saka hindi na ito uso ngayon!” pagrereklamo ni Andrei sa kaniyang ama.

Tila sinaksak ng punyal ang puso ni Mang Ernesto. Unang beses niyang narinig mula sa anak na hindi nito nagustuhan ang surpresa niya.

“A-Anak, medyo wala na kasi tayong budget. Kaya iyan muna ang binili ko, pero huwag kang mag-alala, kapag nakaluwag-luwag si Papa, ibibili kita ng hover board. Magdodoble-kayod si Papa para mabili ‘yon,” pampalubag-loob ni Mang Ernesto.

“Puwede ba Andrei, magpasalamat ka na lamang sa Papa mo dahil kahit hirap tayo sa pera ngayon, binilhan ka pa rin niya ng regalo, kahit na ang bababa naman ng mga grado mo sa paaralan, puro ka kasi paglalaro ng mobile games…” sermon naman ni Aling Rebecca.

Nagdadabog na umakyat sa kaniyang kuwarto si Andrei. Tila bingi ito sa mga pagtawag ni Aling Rebecca.

“Tingnan mo, tingnan mo ‘yang anak mo… nasanay kasi na ibinibigay mo ang anomang ituro niya,” naiinis na sumbat ni Aling Rebecca sa kaniyang mister. Inalo-alo na lamang ni Mang Ernesto ang misis. Sinabi niyang kakausapin na lamang niya ang anak maya-maya.

Makalipas ang isang buwan, nagkasakit nang malubha si Mang Ernesto dahil sa madalas na pag-oovertime. Nagkaroon ito ng mild stroke. Tulirong-tuliro si Aling Rebecca dahil hindi niya alam ang gagawin. Napag-alaman nila na hindi pala ito nag-oovertime sa trabaho; suma-sideline pa ito ng ibang mga trabaho, para makaipon at maibili ng hover board si Andrei. Iyak nang iyak si Andrei nang malaman ito.

“Papa, patawarin po ninyo ako… huwag na po ninyo akong bilhan ng hover board, ang mahalaga po ay gumaling at lumakas kayo,” lumuluhang sabi ni Andrei.

Makalipas ang ilang araw, nakita ni Andrei na nagluluto ng turon ang kaniyang ina. Maraming turon.

“Para po saan iyan, Ma?” usisa ni Andrei.

“Susubukan kong magbenta ng turon sa mga kasamahan ko, anak, pandagdag kita rin,” sabi ni Aling Rebecca.

“Ma… gusto ko pong makatulong. Hayaan po ninyo akong maglako ng mga turon dito sa lugar natin. Nakikiusap po ako, Ma… para kay Papa, gagawin ko po ito,” naiiyak na sabi ni Andrei.

“Anak… kung narito ang Papa mo, hindi siya papayag sa gagawin mo…”

“Ma, please… alang-alang po kay Papa.”

Nabanaag ni Aling Rebecca ang sinseridad sa mga mata ng anak.

Kinabukasan, nagsimula na sa kaniyang paglalako si Andrei, at marami ang bumibili sa kaniya dahil sa kakaiba niyang paraan ng pagtitinda. Suot niya ang roller blades na regalo sa kaniya ni Mang Ernesto—iniikot niya ang buong subdibisyon nila tuwing hapon upang maglako ng turon, pagkatapos ng kaniyang klase.

“Anak, tiyak na matutuwa sa iyo ang Papa mo dahil isa ka nang responsableng anak,” saad ni Aling Rebecca sa anak.

Makalipas lamang ang dalawang linggo ay tuluyan nang bumuti ang kalagayan ni Mang Ernesto. Ipinangako ni Andrei sa kaniyang sarili na hindi na siya magiging maluho. Sa ngayon, sinusulit niya ang paggamit sa kaniyang roller blades, at alam niyang malayo-layo pa ang kaniyang mararating sa pagsakay rito.

Simula noon ay hindi na nagmamaktol si Andrei kapag may mga bagay siyang gusto na hindi kaagad naibibigay o naibibili sa kaniya. Natuto siyang maghintay.

Advertisement