Inday TrendingInday Trending
Binalak ng Dalawang Ginang na Hilingin sa Presidente ng Asosasyon na Palayasin ang Matandang Lalaking Nakatira sa Isang Bahay-Kubo sa Kanilang Subdibisyon; Magtagumpay Kaya Sila?

Binalak ng Dalawang Ginang na Hilingin sa Presidente ng Asosasyon na Palayasin ang Matandang Lalaking Nakatira sa Isang Bahay-Kubo sa Kanilang Subdibisyon; Magtagumpay Kaya Sila?

Tahimik na namumuhay ang isang matandang lalaki sa isang malaking bahay-kubo, sa halos pinakadulo ng isang subdibisyon. Napakasimple lamang ng kaniyang pamumuhay: ang nagpapatingkad sa kaniyang lugar ay mga tanim na halamang ornamental sa paligid.

Kaya lang, dalawa sa bagong miyembro ng home owners’ association ang nagtatanong sa isa’t isa kung paano napayagan ang gayong uri ng bahay sa kanilang ekslusibong lugar. Kabibili lamang nilang pareho ng bahay sa naturang subdibisyon kaya pareho silang nagkasundo. Wala naman din silang makausap na iba dahil tahimik masyado sa lugar na iyon, at dahil nga subdibisyon, kadalasang nasa loob lamang ng kani-kanilang mga bahay ang mga may-ari.

“Hindi ba’t bawal ang mga iskuwater sa loob ng ating subdibisyon? Kaya nga ako kumuha ng bahay rito kasi gusto ko, pakiramdam ko ay yayamanin ako. Tapos kaninang umikot kami sa bandang dulo nito, nakita namin ‘yung bahay-kubo ng matanda. Hindi nakaka-mayaman,” sabi ni Coralyn sa kaniyang bagong kaibigan na si Marigold.

“Oo nga eh. Hindi ko gusto ang vibes. Imagine, tingnan mo naman ang mga bahay natin, ang mga kapitbahay natin. Halos lahat ay malalaki ang bahay. Maluluwag ang bakuran. Dala-dalawa ang kotse. Ang tanong ko riyan, kung nagbabayad ba ng monthly due ang matanda na iyon, kasi kung hindi, aba’y kailangang palayasin iyan dito. Hindi maganda sa imahe ng ating subdibisyon ang magkaroon ng bahay-kubo sa loob nito,” saad ni Marigold.

“Tama. Kailangan nating makausap ang presidente ng home owners’ association. Ang mabuti pa, makipagkita tayo sa kaniya nang sabay, kapag nagbayad na tayo ng monthly due natin. Kapag napaalis ang matandang iyan sa puwesto niya, bibilhin ko na lang ang lote! Sayang eh,” pagyayabang naman ni Coralyn.

At siyempre, hindi naman papatalo si Marigold.

“Ay ganoon ba? Sige na nga. Naisip ko na rin iyan, kaya lang sige… ikaw na lang ang bumili. Baka kasi hindi matuloy ang pagbili namin sa Forbes Park kapag diyan napunta ang pera naming malaki. Kaya sige, ikaw na lang ang bumili ng lote niya kapag napaalis na natin siya.”

Makalipas ang dalawang linggo, nakaharap na nga nina Marigold at Coralyn ang ingat-yaman ng home owners’ association. Dito sila magbabayad ng buwanang due na responsibilidad ng mga home owners.

“Nasaan pala ang presidente natin? Puwede ba namin siyang makausap at makilala?” untag ni Marigold sa ingat-yaman.

“Oo naman. Gustong-gusto nga niya na may nakakapunta sa kaniyang santuario eh. May kailangan ba kayong sabihin sa kaniya?” tanong ng ingat-yaman na nagngangalang Sherie.

“May gusto lang sana kaming itanong. Interesado kasi ako sa lupa doon sa dulo ng ating subdibisyon. Nakita ko kasi na medyo malawak pa, at kung mapapaalis ang nakatirik na bahay-kubo roon, baka-sakaling bibilhin na namin ng asawa ko. Palagay ko naman hampas-lupa lamang ang nakatira doon, at kapag inalok kong bilhin na ang lote niya, aalis na siya roon at ipagigiba ko na ang bahay-kubo niya. Pagtatayuan ko ng mas maganda at malaking bahay,” sabi ni Coralyn.

“Oo nga. Saka bakit kayo pumapayag na may tumitira dito na hindi sosyal? Maganda naman yung bahay-kubo roon sa dulo, kaya lang, hindi nakakamayaman ang vibes. Nagbabayad ba ‘yun ng monthly dues?” segunda naman ni Marigold.

“Teka, ang sinasabi ba ninyo ay yung malaking bahay-kubo sa dulo, na natatamnan ng mga halaman at bulaklak?” tanong ni Sherie. Tumango naman ang dalawa.

“Ang mabuti pa, puntahan natin iyon. Tara, sumakay na kayo sa kotse ko,” aya ni Sherie sa dalawa.

At agad nga silang nagpunta sa bahay-kubo na sinasabi ng dalawa. Tamang-tama, nakita nilang nagdidilig ng mga halaman ang matandang may-ari nito. Nasulyapan nang malapitan nina Coralyn at Marigold ang hitsura ng matanda. Mukha pala itong may lahing Espanyol.

“Magandang araw po, Sir Segismundo! Heto po sina Coralyn at Marigold, mga bago po nating kapitbahay. Si Sir Segismundo po pala, ang presidente ng home owners’ association, at siya ring may-ari ng buong subdibisyon,” pagpapakilala ni Sherie.

Halos malaglag ang panga nina Coralyn at Marigold sa rebelasyon ni Sherie!

Magiliw namang ngumiti ang matandang lalaki sa kanilang dalawa at binati silang dalawa.

Napag-alaman din ng dalawa na ang bahay-kubo ay pahingahan lamang ng matanda, dahil ang tunay na bahay pala nito, ay ang pinakamalaking mansyon sa subdibisyon na iyon, na halos katapat lamang ng bahay-kubo. Nalula rin sila sa gara at dami ng kotse nito na umabot na sa anim!

Hiyang-hiya sina Coralyn at Marigold kay Sherie at sa kani-kanilang mga sarili, dahil ang inaakala nilang ‘hampas-lupa’ ay siyang may-ari pala ng subdibisyon. Simpleng-simple lamang ang hitsura nito, ngunit napakayaman naman pala. Napagtanto nila na hindi pala dapat husgahan ang isang tao batay sa hitsura o bahay na tinutuluyan nito, at hindi rin sila dapat nanghahamak ng kanilang kapwa.

Advertisement