Inday TrendingInday Trending
Naiinis ang Dalagita sa Kaniyang Kuya Dahil Masyado Itong Nakikialam sa Kaniya; Darating Ba ang Sandaling Magpapasalamat Siya Rito?

Naiinis ang Dalagita sa Kaniyang Kuya Dahil Masyado Itong Nakikialam sa Kaniya; Darating Ba ang Sandaling Magpapasalamat Siya Rito?

Naiinis si Abby sa kaniyang Kuya Henry dahil ayaw siya nitong payagang dumalo sa house party na inorganisa ng kaniyang mga kabarkada. Pinayagan na siya ng kanilang amang si Mang Hernando.

“Grabe ka naman, Kuya! Pumayag na nga si Papa eh. Napaka-KJ mo talaga! Huwag mo akong itulad sa iyo na masyadong tahimik sa buhay, at ayaw yatang makihalubilo sa iba! Daig mo pa si Papa ah,” hindi napigilan ni Abby na ibulalas ang kaniyang nagpupuyos na damdamin sa kaniyang Kuya Henry.

“Nag-iisip ka ba, Abby? Masyado nang gabi. Hindi ka ba nakikinig sa mga balita ngayon? Nakakatakot na ang mga nangyayari. Kung ako sa iyo, ilalaan ko na lang ang oras ko sa pagtulog o kaya pag-aaral ng mga aralin mo sa paaralan. Masyado kang mahilig sa mga good time,” galit na sabi ni Kuya Henry sa kaniya.

“Tama na iyan. Nagbago na ang isip ko, Abby. Tama ang kuya mo. Mas mainam nga kung huwag ka nang tumuloy. Masyado na ring gabi. Wala na rin si Poldo kaya walang maghahatid sa iyo sa bahay ng kaklase mo,” segunda naman ni Mang Hernando sa kaniyang bunsong anak na si Abby.

“At hindi kita ihahatid dahil ayoko ngang pumayag na pumunta ka sa house party na iyan,” matigas na saad naman ni Kuya Henry sa kaniya.

“Fine!” nagdadabog na sabi ni Abby. Mabigat ang kaniyang mga paa na umakyat sa hagdanan paakyat sa kaniyang kuwarto. Palabagbag niyang sinarado ang pinto. Itinapon niya ang kaniyang sariling katawan sa kama. Pinukpok niya ng kanang kamay ang unan sa labis na pagkainis sa kaniyang kuya.

Magmula noong maliit pa siya, masyado nang istrikto sa kaniya ang kaniyang Kuya Henry. Masyado nitong pinakikialaman ang mga bagay-bagay sa kaniyang buhay. Mas mahigpit pa ito sa kanilang Papa. Hindi na rin maunawaan ni Abby kung bakit over-protective ang kaniyang kuya sa kaniya.

Inaalam nito kung sino-sino ang kaniyang mga kaibigan. Kung sino ang kaniyang mga manliligaw. Nasasakal na siya, na kailangan pa niyang magpaalam sa kaniyang Kuya Henry gayong mismong tatay na nila ang pumayag. Isa pa sa pinagtataka niya, nababago ang desisyon ni Mang Hernando kapag nagbitiw na rin ng desisyon para sa kaniya ang kaniyang Kuya Henry.

Isang plano ang naisip ni Abby. tatakas siya. Hindi puwedeng hindi siya makapunta sa house party na inorganisa ng kaniyang mga kabarkada, Dadalo si Timothy, ang kaniyang napupusuang lalaki.

Nang matiyak na tulog na ang kaniyang Papa at Kuya Henry, dahan-dahang lumabas ng kanilang tarangkahan si Abby. Bahala na. May sarili naman siyang pera. Magtataxi na lamang siya.

Suwerte namang may naparaang isang taxi. Agad niya itong pinara at nagpahatid sa subdibisyong sinabi niya. Habang nagmamaneho ang taxi driver, napansin niyang panay-sulyap ito sa kaniya sa salamin. Parang sinisilip talaga nito ang kaniyang makinis at maputing mga binti.

Maya-maya, huminto ito sa isang matalahib na lugar.

“K-Kuya, bakit po tayo huminto?” kinakabahang tanong ni Abby sa taxi driver. Ngumisi lamang ito. Lumabas ng taxi at unti-unting naghuhubad ng kaniyang polo. Mabilis na kumilos si Abby. Agad niyang binuksan ang kabilang pinto ng taxi at nagtatakbo, subalit agad siyang nasukol ng taxi driver. Niyakap siya at nagpagulong-gulong sila.

“Tulungan ninyo ako! Tulungan ninyo ako!” umiiyak na paghingi ng tulong ni Abby, subalit isang suntok sa sikmura ang nagpawala sa kaniyang lakas. Nagdilim ang lahat sa kaniya…

Pagmulat ng kaniyang mga mata, laking-gulat niya nang makita ang sarili sa loob ng silid. Nasa tabi niya ang Papa at ang kaniyang Kuya Henry. Agad na lumapit sa kaniya si Mang Hernando at umiiyak na niyakap siya.

“Salamat sa Diyos at maayos ka na, anak. Muntik ka nang mapahamak! Mabuti na lamang at sinundan ka ng Kuya mo. Hindi natuloy ang pagtatangka ng taxi driver sa iyo. Ngayon, nasa presinto na siya,” paliwanag ni Mang Hernando sa kaniyang anak.

“Nakita kitang tumakas kaya sinundan ko kayo gamit ang aking motor. Mabuti na lamang at hindi kayo nalingat sa paningin ko. Hindi ko mapapatawad ang sarili ko kapag may nangyari sa iyong masama. Ipinangako ko kay Mama bago siya mawala noon, na aalagaan at poprotektahan kita, kahit na anong mangyari,” paliwanag ni Kuya Henry.

Hindi napigilan ni Abby ang pagbalong ng luha sa kaniyang mga mata. Bumangon siya at niyakap ang kaniyang kuya.

“Maraming salamat, Kuya! Maraming salamat! Patawad po kung pasaway ako sa iyo. Hindi na mauulit. Ipinapangako kong susundin ko na ang lahat ng mga sasabihin at ipapayo mo,” pangako ni Abby sa kaniyang Kuya Henry.

At tuluyan na ngang nakulong ang tampalasang taxi driver, na bugb*g-sarado kay Kuya Henry. Simula noon naman ay mas naging maayos na ang pakikitungo ni Abby sa kaniyang Kuya Henry. Mas pinakinggan na niya ito at iginalang bilang nakatatandang kapatid. Bilang isang kuya.

Advertisement