Inday TrendingInday Trending
Mahigpit sa Pera ang Binata at Hindi Basta-Basta Nagpapautang Kahit sa Kaniyang mga Kamag-anak; Paano Kaya Mababago ang Kaniyang Pananaw?

Mahigpit sa Pera ang Binata at Hindi Basta-Basta Nagpapautang Kahit sa Kaniyang mga Kamag-anak; Paano Kaya Mababago ang Kaniyang Pananaw?

“Pasensiya na kayo at hindi ko kayo matutulungan. Walang-wala rin ako.”

Hindi maitago ni Manoling ang kaniyang pagkainis sa biglaang pagdalaw ng kaniyang tiyahin at mga anak nito sa kaniyang malaking bahay. Hindi siya makapagpokus dahil nakikita niya ang kaniyang maliliit na pinsan na panay hawak at kuha sa mga gamit niya. Ayaw na ayaw niyang pinakikialaman niya ang mga gamit niya.

Lumuwas ng Maynila ang kaniyang tiyahin kasama ang kaniyang maliliit na pinsan para raw dumiskarte ng pera sa mga kaanak nila. Ayaw pa naman ni Manoling nang mga biglaan. Kung dadalaw ka sa kaniya, kailangang ipaalam muna sa kaniya, hindi pabigla-bigla.

Parang lulugo-lugo naman ang kaniyang tiyahin. Nagkuwento pa ito kung gaano kahirap ang kanilang pamumuhay sa probinsya. Nakikiusap ito na pahiramin sana siya ng pera, tutal naman daw ay wala siyang binubuhay na mga anak.

“Tita, mahirap ho kasi magpalaki ng mga anak sa panahong ito, at hindi ho ako mag-aanak kahit na may kakayahan naman ako.”

Para namang natamaan ang kaniyang tiyahin sa kaniyang mga sinabi dahil pito ang anak nito, kahit hindi naman ganoon kalaki ang kinikita ng mister sa pagiging magsasaka.

“Aalis na kami. Wala naman kaming mapapala sa iyo. Tama ang sabi ng iba nating mga kamag-anak. Masyado kang kuripot at tikom ang mga kamay sa pera. Manoling, kaunting tulong lang naman ang hinihingi ko sa iyo, hindi naman kita huhuthutan ng pera. Hindi mo naman madadala sa langit ang mga pera mo kapag nawala ka na,” galit na sumbat ng kaniyang tiyahin. Tinawag na nito ang kaniyang mga pinsan at padabog na umalis na, walang lingon-likod.

Umiling-uling naman si Manoling. Hindi na nagbago ang kaniyang tiyahin na kapatid ng kaniyang sumakabilang-buhay na ina. Kilala niya ang hilatsa ng kaniyang mga kaanak. Bata pa lamang sila, alam na niyang mahilig silang manghingi ng kung ano-ano noon pa man sa kanilang ina, subalit sa panahon naman na sila ang nangailangan, ni isang kusing ay wala man lamang tumulong sa kanila, lalo na noong nagkasakit ito.

Kaya ipinangako niya sa kaniyang sarili na hinding-hindi siya makikipaglapit sa kaniyang mga kamag-anak. Pakiramdam niya, peperahan lamang siya at gagamitin, lalo’t alam nilang single siya at wala namang ibang binubuhay kundi ang sarili niya.

Tinitiis niya ang mga parinig ng kaniyang tiyuhin, tiyahin at pinsan sa social media: kesyo may mga tao raw na parang hindi kadugo, masyadong suwapang sa pera. Kesyo hindi raw niya madadala sa langit ang kaniyang mga kayamanan.

Tiniis niya ang lahat ng mga sinasabi nila at wala siyang pakialam sa kung anuman ang mga parunggit nila sa kaniya.

Isang araw, muli siyang binalikan ng kaniyang tiyahin, at ngayon ay kasama pa ang isa nilang tiyuhin upang parangalan daw siya. Sa labis na takot ni Manoling na hingan siya ng pera ng mga kamag-anak, lakas-loob niyang nilunok ang susi ng kaniyang vault, kung saan nakalagay ang lahat ng kaniyang mga pera. Hindi kasi siya naniniwala sa konsepto ng paglalagay ng pera sa bangko.

Dahil namali siya ng pagkakalunok, bumara ang susi sa kaniyang lalamunan kaya hindi siya nakahinga. Mabuti na lamang at naroon na ang kaniyang tiyahin at tiyuhin, at nadala siya kagaad sa pinakamalapit na ospital. Hindi naman malaman ng dalawa kung saan kukuha ng panggastos para sa kaniyang pagpapaospital.

“Kailangan pong operahan kaagad ang pasyente dahil parang may nakabara po sa kaniyang lalamunan,” saad ng doktor.

“Sige po dok, para po sa ikaliligtas ng pamangkin namin,” saad naman ng kaniyang tiyahin.

Mabilis na naoperahan si Manoling at natanggal nga sa kaniya ang susi ng kaniyang vault na kaniya mismong nilunok.

Kinailangang ipahinga ni Manoling ang kaniyang lalamunan nang isang linggo bago siya makapagsalita nang tuluyan.

“Bakit kailangan mong gawin ang ginawa mo, Manoling? Hindi mo naman kailangang gawin iyon. Hindi mo kailangang lulunin ang susi ng vault mo. Hindi naman kami magnanakaw,” paliwanag ng kaniyang tiyuhin.

At dito na nagsimulang aminin ni Manoling ang kaniyang mga agam-agam. Nakikinig lamang ang dalawa sa pagbubukas ng puso ni Manoling sa kanila: ang kaniyang tingin sa lahat ng kaniyang mga kamag-anak.

“Diyan ka nagkakamali, Manoling. Hindi naman kami ganoon. Saka totoo naman na hindi mo madadala ang mga pera mo sa kabilang-buhay. Kung kaya mong tumulong sa kapwa mo, kahit na hindi sa amin, eh gawin mo,” paliwanag ng kaniyang tiyahin.

Napagtanto ni Manoling na may katotohanan naman ang mga sinabi ng kaniyang tiyuhin at tiyahin. At doon na nagsimulang tumulong si Manoling sa kaniyang mga kamag-anak.

Advertisement