Inday TrendingInday Trending
Pinili ng Dalaga na Maglihim sa Lalaking Kaniya Sanang Pakakasalan at Iwan Ito; May Babalikan pa Kaya Siya?

Pinili ng Dalaga na Maglihim sa Lalaking Kaniya Sanang Pakakasalan at Iwan Ito; May Babalikan pa Kaya Siya?

Nanghihinang napaluha si Lianna nang marinig niya ang sinabi ng doktor.

Noon nakaraang linggo kasi ay nagtungo siya sa ospital dahil sa walang patid na pananakit ng kaniyang ulo. May ilang pagsusuri na ginawa sa kaniya bago nila nalaman ang tunay na dahilan ng mga sintomas na nararamdaman niya.

“I’m sorry, hija, pero base sa mga test na ginawa natin, nalaman ko na mayroon kang tum*r sa utak. May mga irerekomenda akong gamot sa’yo, pero walang kasiguraduhan kung gagaling ka ba talaga,” malungkot na pagbabalita ng doktor.

“Eh, D-dok, ano ho ang mangyayari sa a-akin?” nanginginig na usisa niya.

“Malala ang sakit mo, hija. May mga makabagong teknolohiya tayo, pero hindi natin sigurado kung kakayanin mo lalo na’t sakitin ka at mahina ang katawan mo,” malungkot na paliwanag ng doktor.

Doon na tuluyang napahagulhol si Lianna. Nang mga sandaling iyon ay isang tao lamang ang naglalaro sa kaniyang isipan.

Ang mapapangasawa niya sana na si Steven. Wala na siyang pamilya kaya ang lalaki na lang ang itinuturing niya na kaanak. Labis ang pag-aalala niya dahil sigurado siyang masasaktan at mahihirapan ito kung mananatili ito sa kaniyang tabi.

Kaya naman isang desisyon ang nabuo sa kaniyang isipan.

“Ano? Lianna, may problema ba? Bakit nakikipaghiwalay ka sa akin kung kailan naman isang linggo na lang at ikakasal na tayo?” gulong gulong tanong ni Steven.

“Nagbago ang isip ko. Hindi pa pala ako handang magpakasal sa’yo,” direktang paliwanag niya sa nobyo na noon ay laglag ang balikat.

“Nararamdaman ko na may problema… Sabihin mo sa akin, at ‘wag mong solohin. Hindi ba pangako natin na haharapin natin lahat ng pagsubok nang magkasama? Bakit iiwan mo ako nang walang kaabog-abog,” naluluhang usisa nito.

Ngunit nakapagdesisyon na siya. Alam niyang mahal na mahal siya ng lalaki kaya naman ayaw niyang ipaalam dito na saglit na lamang ang ilalagi niya sa mundo.

Alam niyang masasaktan ito nang husto. Gusto niya na umalis na lamang sa buhay nito at ilihim na lamang ang kaniyang sakit hanggang sa tuluyan na siyang mamaalam.

“Wala, walang problema. At isa pa, kung may problema man, sigurado ako na hindi mo ako matutulungan!” matigas na tugon niya sa lalaki.

Halos maglumuhod ito at todo ang pag-iyak nito sa pagmamakaawa na hindi niya ito iwan, subalit nanatiling bingi si Lianna.

Naniniwala siya na ito ang makabubuti para sa kanila ng nobyo.

“Kapag umalis ka, ipinapangako ko na wala ka nang babalikan,” pananakot nito.

“Mabuti. Dahil hindi na ako babalik,” pigil ang luhang wika niya bago walang lingon-likod siyang naglakad palayo sa kaisa-isang lalaking minahal niya.

Habang papalayo siya sa kinaluluhuran ni Steven ay parami nang parami ang luha na nahuhulog mula sa kaniyang mga mata.

Lumipat siya ng bahay at nanatili sa isang ospital kung saan ay susubukan niya ang paraan ng panggagamot na inirekomenda ng kaniyang doktor.

Noong una ay nawalan na siya ng pag-asa dahil sa tuwing kumikirot ang kaniyang ulo ay tila iyon binibiyak at halos hindi na niya kayanin ang sakit.

Nagpaalam man siya sa kaniyang nobyo, sa kaibuturan ng kaniyang puso ay nagtatago ang kaniyang pagnanais na gumaling at makabalik sa kaniyang pinakamamahal.

Subalit makaraan ang ilang buwan ay napansin niya ang unti-unting pagdalang ng pagsumpong ng sakit ng kaniyang ulo.

Hindi na rin siya nanghihina kagaya ng dati.

Nang suriin siya ng doktor ay isang magandang balita ang natanggap niya.

“Hija, maganda ang pagresponde ng katawan mo sa panggagamot na ginagawa namin sa’yo dito. Kung magtutuloy-tuloy ito ay napakalaki ng tiyansa na tuluyan kang gumaling,” tuwang tuwang pagbabalita nito.

May bumangong pag-asa sa puso niya. Tila may pag-asa pa na makabalik siya kay Steven at matuloy ang naudlot nilang pag-iibigan!

Kaya naman sinunod niya ang lahat ng payo ng doktor. Ininom niya ang kaniyang mga gamot, regular siyang nag-ehersisyo, kumain siya ng masustansiyang pagkain, at natulog siya nang sapat na oras.

Dalawang taon lamang ang matulin na lumipas ay tuluyan na siyang nakarekober at gumaling mula sa malubha niyang karamdaman.

Nang makalabas siya ng ospital ay tila may sariling isip ang kaniyang paa na nagtungo sa nag-iisang lugar: ang bahay ng dati niyang nobyo na si Steven.

Subalit sa kasamaang palad ay walang tao nang dumating siya. Mabuti na lamang at nagmagandang loob ang isang kapitbahay na lumapit sa kaniya at sabihin kung nasaan si Steven.

“Naku, nasa kasalan!” nakangiting wika ng babae.

Napangiti siya. Marahil isa sa mga malalapit nilang kaibigan ang ikinasal! Sabik niyang tinungo ang simbahan upang makiusisa kung sino ang ikinasal at upang masilayan niya na ang kaniyang minamahal.

Subalit tila pinagbagsakan siya ng langit ang lupa ng makita ang lalaking nakaharap sa dambana. Walang iba kundi ang pinakamamahal niya.

Katabi nito ay ang isang napakagandang babae na noon niya lamang nakita.

Mas lalong nadurog ang puso niya nang marinig ang mga katagang sinabi ng lalaki.

“Akala ko hindi na ako sasaya ulit matapos akong iwanan ng babaeng pinakamamahal ko dalawang taon na ang nakalilipas. Ngunit salamat sa pagdating mo, Mira. Salamat at hindi mo ako iniwan at tinuruan mo akong magmahal ulit. Pangako, ikaw lamang ang babaeng mamahalin ko,” madamdamin nitong wika.

Kasabay ng malakas na palakpakan ng mga bisita ay ang pagbagsak ng malakas na buhos na ulan at ang pagtakas ng masaganang luha mula sa kaniyang mga mata.

Kilala niya si Steven. Parati nitong tinutupad ang pangako nito. Noon pa lang ay wala na siyang pag-asa.

Labis ang pagsisisi na nadama ni Lianna habang minamasdan ang pinakamamahal na nakangiti sa babaeng pinakasalan nito.

Nang tumalikod siya at maglakad palayo ay isang emosyon lamang ang namamayani sa kaniyang puso. Pagsisisi.

Marahil kung nagtiwala siya noon at naging matapat sa kaniyang nobyo, marahil ay siya ang iniharap nito sa dambana. Subalit huli na ang lahat. Nahanap na nito ang babaeng magpapasaya nito.

Advertisement