Inday TrendingInday Trending
Grabe Kung Magtaray ang Dalaga sa Opisina; Napahiya Siya sa Taong Nangaral sa Kaniya

Grabe Kung Magtaray ang Dalaga sa Opisina; Napahiya Siya sa Taong Nangaral sa Kaniya

“Ayan na si Ma’am. Dalian mo!” Iyon ang bulungang narinig ni Joan sa kaniyang pagdating sa opisina.

Parang mga daga ang mga empleyado sa bilis ng pagtatago sa tuwing maririnig nila ang lagutok ng kaniyang takong sa marmol na sahig.

Malawak ang ngiti ni Joan. Tuwang-tuwa siya sa t’wing makikita niya ang reaksyon ng mga ito, pakiramdam niya kasi ay siya ang nakatataas sa lahat at hindi niya ka-lebel ang kahit sino sa mga ito.

Naabot niya ang kung anong mayroon siya dahil sa pagsisikap niya. Nagsimula rin siya sa baba gaya ng mga ito ngunit heto siya, isa na sa mga nasa tuktok.

“Magandang umaga po, Ma’am Joan,” sabay-sabay na bati ng mga ito na hindi niya man lang binigyan ni katiting na atensyon. Tuloy tuloy siyang pumasok sa opisina.

“Nakapaglinis na ba dito?” tanong niya sa kaniyang sekretarya.

“Opo, Ma’am. Kaninang umaga po,” atubiling sagot nito

Pinadausdos niya ang palad sa lamesa at ipinakita rito ang mga alikabok na naipon.

“Linis ba ang tawag mo rito?” taas kilay na tanong niya sa babae.

Halos mamutla ang babae at natatarantang tumawag ng tagalinis.

Nang umagang iyon ay naglibot libot siya sa buong gusali. Gusto niyang makasigurado na maayos at malinis ang paligid para walang masabi ang boss nila na bibisita.

Lahat ng empleyado ay abala, kakalinis ng bawat sulok ng building ngunit hindi pa rin siya makuntento.

“Ayusin niyo ang trabaho niyo! Gusto ko malinis ang bawal sulok at wala kahit konting alikabo–”

Hindi niya na natapos pa ang kaniyang sasabihin nang aksidenteng mapatid ang isa sa mga tagalinis. Tumalsik ang lahat ng dala nitong gamit, pati na rin ang tubig. Tumalsik pa ang karamihan sa kaniyang damit!

“Sorry po! Sorry po!” taranta nitong sinabi. Sinubukan pa nitong punasan ang kaniyang damit subalit lalo lamang siyang nainis.

“Ano ba?!” Galit niyang tinabig ang kamay nito.

“Alam mo ba kung gaano kamahal ‘tong damit ko?” sigaw niya at dinuro duro pa ito.

“Ma’am, pasensiya na po talaga. Hindi ko po sinasadya! Hindi na po mauulit!” naiiyak na sabi nito ngunit wala siyang marinig sa sobrang galit.

“Talagang hindi na mauulit dahil hindi ka na makakaapak pa sa lugar na ito. Umalis ka na, wala ka nang trabaho!”

Nanlaki ang mata nito sa sinabi niya. Kitang kita niya kung paano nabuo ang luha sa mata nito.

“Ma’am, maawa ka po sa akin! Kailangan ko po ‘tong trabaho na ‘to! May sakit po ang anak ko,” halos maglumuhod ito sa pagmamakaawa.

“Maghanap ka ng trabaho sa iba. Problema ko ba ‘yun?” walang awa niyang tugon.

Umiling ang lalaki.

“Ma’am, hindi po ako nakapag-aral kaya mahirap pong makapasok sa iba. Sinuwerte lang po ako dito. Pakiusap po, ‘wag niyo kong sesantehin,” umiiyak na pagsusumamo ng lalaki.

Ngunit ang lahat ng dahilan nito ay lumabas lang sa kabila niyang tainga.

“Kasalanan ko bang hindi ka nakapag-aral at mahirap ka lang? Magpasalamat ka na lang at tinanggap ka dito. Ngayon, hindi na kita kailangan kaya makakaalis ka na,” pinal niyang tugon saka ito tinalikuran.

Pinapagpag niya pa ang kaniyang damit nang mapahinto. Sa harap niya kasi ay nakatayo ang taong kanina niya pa hinihintay, ang kaniyang boss!

“Sir, kanina pa po kayo diyan?” alanganing tanong niya.

“Anong nangyari doon?”

Mukhang nasaksihan pa nito ang komosyon na ginawa ng tatang* tang*ng lalaki! Pilit siyang ngumiti dito.

“Wala naman po. Natapunan ako ng tubig ng sa sa mga tagalinis natin pero ‘wag po kayong mag-alala dahil sinesante ko na siya agad. Palibhasa hindi nakapag-aral, hindi ginagawa nang maayos ang trabaho,” may bahid pa rin ng inis niyang pagkukwento.

Seryoso lamang siyang tiningnan ng kaniyang boss bago ito bumuntong hininga.

“Halika muna sa opisina at kailangan nating mag-usap,” paanyaya nito.

“Sir, ano pong pag-uusapan natin? Tungkol po ba sa bago nating kliyente?” usisa niya nang makapasok sila sa opisina nito.

Umiling ito.

“Tungkol sa nangyari kanina. Narinig at nakita ko ang buong pangyayari at hindi ako natuwa sa mga narinig ko sa’yo. Kailan pa natin minaliit ang ibang tao dahil lang sa hindi sila edukado kagaya natin? Lalo na ang mga empleyadong kagaya nila. Kung wala sila, wala rin tayo. Tandaan mo ‘yan,” mahinahon ngunit dismayadong sermon nito.

Wala siyang magawa kundi ang manahimik at yumuko sa pagkapahiya.

“Sir. Pasensiya na po,” kiming wika niya.

“‘Wag mong kalimutan na ilagay ang sarili mo sa posisyon ng iba. Hindi porke’t mataas ang pinag-aralan mo ay awtomatiko na agad na alam mo na ang lahat. May mga bagay na hindi itinuro sa paaralan ngunit matututuhan natin sa ibang tao at sa ibang sitwasyon,” pagpapatuloy nito.

“Noong nagsisimula pa lang akong magnegosyo, hindi naging madali ang lahat. Sa tingin mo ba ay naabot ko ang posisyon ko nang nag-iisa lang ako? Hindi. Ang mga malilit na taong kagaya nila ang tumulong sa akin na maabot ko ang kinaroroonan ko.”

Pahiyang pahiya siya nang matapos ang mahaba nitong litanya. Sa wakas kasi ay naintindihan niya kung ano ang maling ginawa niya.

“Tandaan mo ang mga iyan palagi, Joan. Ang magaling na lider ay hindi lang isip ang pinapairal kundi puso rin,” payo pa nito bago nito tinapik ang balikat niya at nagpaalam.

Naiwan siyang tulala at nagmumuni-muni. Hiyang hiya siya dahil sa ibaba rin naman siya nagsimula, paanong hindi man lamang niya naunawaan ang pobreng lalaki kanina na hindi naman sinasadyang magkamali?

Nang makapag-isip isip siya ay agad na hinanap niya ang lalaki kanina. Nakita niya itong tahimik na naglalampaso ng natapon nito kanina. Sa mukha nito ay nakapaskil ang matinding pagkabigo.

Buong puso siyang humingi ng tawad dito at binawi ang mga sinabi kanina.

“Maraming salamat po, Ma’am. Babawi po ako at magtatrabaho po ako nang mas mabuti mula ngayon,” tuwang tuwang pangako nito.

Isang matamis na ngiti ang isinukli niya sa lalaki.

Magmula noon ay kay laki ng ipinagkaiba ng turing niya sa kaniyang mga katrabaho. Gulat man ang mga ito, wala siyang narinig na reklamo dahil labis ang naging tuwa ng mga ito sa kaniyang pagbabago.

Advertisement